“Disyembre 8–14: ‘Naniniwala Kami’: Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Disyembre 8–14: “Naniniwala Kami”
Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2
Mula noong Unang Pangitain ni Joseph Smith, patuloy nang ginagabayan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Sa ilang sitwasyon, kasama na sa paghahayag na iyon ang mga pagbabago sa mga patakaran at gawi ng Simbahan. Ipinahayag sa Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 ang ganitong uri ng paghahayag—ang isa ay humantong sa pagpapatigil sa maramihang pag-aasawa, at ang isa naman ay ginawang available sa mga tao ng lahat ng lahi ang mga pagpapala ng priesthood. Ang mga pagbabagong tulad ng mga ito ay bahagi ng kahulugan ng magkaroon ng isang “tunay at buhay na simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30), na may tunay at buhay na propeta, na pinamumunuan ng tunay at buhay na Diyos.
Ngunit ang walang-hanggang katotohanan ay hindi nagbabago, bagama’t nagbabago ang ating pagkaunawa dito. At kung minsa’y naghahatid ng dagdag na liwanag sa katotohanan ang paghahayag. Ang mga Saligan ng Pananampalataya ang naglilinaw rito. Ang Simbahan ay matibay na nakasalig sa walang-hanggang katotohanan subalit maaaring lumago at magbago “alinsunod sa kalooban ng Panginoon, iniaangkop ang kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 46:15). Sa madaling salita, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang mga Saligan ng Pananampalataya
Ang mga Saligan ng Pananampalataya ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Isipin ang pamamaraang ito sa pag-aaral ng Mga Saligan ng Pananampalataya: Para sa bawat saligan ng pananampalataya, gumawa ng “maikling lesson” para ipaliwanag kung ano ang pinaniniwalaan mo. Maaaring isama sa iyong maikling lesson ang isang nauugnay na talata sa banal na kasulatan, larawan, himno o awiting pambata, o personal na karanasan tungkol sa pagsasabuhay ng isang katotohanang itinuturo ng saligan ng pananampalataya.
Anong kaibhan ang ginagawa ng mga katotohanang ito sa ating relasyon sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano napagbuti ng Mga Saligan ng Pananampalataya ang iyong pag-aaral ng ebanghelyo o nakatulong sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba?
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mga Saligan ng Pananampalataya,” Gospel Library; L. Tom Perry, “Ang mga Doktrina at Alituntuning Nilalaman ng mga Saligan ng Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2013, 46–48; “Chapter 38: Ang Wentworth Letter,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 511–22.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay ginagabayan ng paghahayag.
“Naniniwala … kami na maghahayag pa [ang Diyos] ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Isinasaisip ang alituntuning ito, rebyuhin ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapalakas ng iyong pananampalataya sa patuloy na paghahayag. Paano naapektuhan ng mga paghahayag na ito ang iyong buhay? Paano nakatulong ang mga ito sa pagsulong ng gawain ng kaharian ng Ama sa Langit?
Anong katibayan ang nakikita mo na ang Simbahan ay pinamumunuan ngayon “sa pamamagitan ng inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos”? (Opisyal na Pahayag 1). Marahil ay maaari mong rebyuhin ang isa o mahigit pang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, na inaalam kung paano ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan—at ang iyong buhay. Maaaring magandang magsimula sa pinakahuling mensahe mula sa Pangulo ng Simbahan.
Ano ang magagawa mo kung nahihirapan ka o ang isang taong mahal mo na maunawaan o tanggapin ang itinuturo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Bakit ka nagpapasalamat para sa isang propeta?
Tingnan din sa Amos 3:7; 2 Nephi 28:30; Allen D. Haynie, “Isang Buhay na Propeta para sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2023, 25–28; Mga Paksa at mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library; “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.
Kailangang maisulong ang gawain ng Diyos.
Sa “Mga Hango mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff tungkol sa Pahayag” (sa katapusan ng Opisyal na Pahayag 1), ano ang mga dahilang ibinigay ng propeta sa pagpapatigil ng Panginoon sa maramihang pag-aasawa? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa gawain ng Diyos?
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa historical background ng Opisyal na Pahayag 1, tingnan sa Mga Banal, 2:740–55; “The Messenger and the Manifesto,” sa Revelations in Context, 323–31; Topics and Questions, “Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Library.
Maaari akong magtiwala sa Panginoon, kahit hindi ako lubos na nakakaunawa.
Hindi natin alam kung bakit ang ordinasyon sa priesthood at mga ordenansa sa templo ay hindi available sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing African sa loob ng ilang panahon. Kahit kapag nahaharap sa mahihirap at hindi nasagot na mga tanong tungkol sa patakarang iyon, maraming Itim na mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtiwala sa Panginoon (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5) at nanatiling tapat sa Kanya habambuhay. Ang pag-aaral tungkol sa kanilang pananampalataya at mga karanasan ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo. Narito ang ilan sa kanilang mga salaysay, na matatagpuan sa history.ChurchofJesusChrist.org:
-
“In My Father’s House Are Many Mansions” (kuwento ni Green Flake)
-
“You Have Come at Last” (kuwento ni Anthony Obinna)
-
“Break the Soil of Bitterness” (kuwento ni Julia Mavimbela)
-
“I Will Take It in Faith” (kuwento ni George Rickford)
-
“Long-Promised Day” (kuwento ni Joseph W. B. Johnson)
Habang binabasa mo ang Opisyal na Pahayag 2, ano ang natututuhan mo tungkol sa proseso ng Panginoon sa paggabay sa mga patakaran ng Kanyang Simbahan? Pagnilayan kung paano ka natutong magtiwala sa Panginoon kahit wala kang perpektong pang-unawa.
Tingnan din sa 2 Nephi 26:33; “Witnessing the Faithfulness,” sa Revelations in Context, 332–41; Topics and Questions, “Race and the Priesthood,” Gospel Library; Ahmad Corbitt, “A Personal Essay on Race and the Priesthood,” mga bahagi 1–4, history.ChurchofJesusChrist.org; BeOne.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang mga Saligan ng Pananampalataya
Naniniwala ako sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Isiping maghanap at kumanta ng mga himno o awiting pambata na makakatulong sa iyong mga anak na maunawaan ang isa o higit pa sa Mga Saligan ng Pananampalataya. Marahil ay matutulungan ka nilang piliin ang mga himno at awitin. Tulungan ang iyong mga anak na makita kung paano nauugnay ang mga awitin sa Mga Saligan ng Pananampalataya.
-
Ikaw at ang iyong mga anak ay maaaring magtulungan sa pagsulat ng mga tanong ng mga tao tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo o sa Kanyang Simbahan. Pagkatapos ay maaari kayong magtulungan na sagutin ang mga tanong na iyon gamit ang Mga Saligan ng Pananampalataya. Saan pa tayo maaaring pumunta kapag may mga tanong tayo tungkol sa ebanghelyo?
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2
Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang ikasiyam na saligan ng pananampalataya, marahil ay maaari mo silang bigyan ng isang set ng mga banal na kasulatan at isang larawan ng buhay na propeta (o isang isyu ng kumperensya kamakailan ng Liahona). Sabihin sa kanila na itaas ang mga banal na kasulatan kapag binasa mo ang mga salitang “lahat ng ipinahayag ng Diyos” at ang larawan o magasin kapag binasa mo ang “lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Bakit kailangan natin kapwa ang sinauna at makabagong mga propeta?
-
Maaaring pag-aralan ng iyong mga anak kung paano tayo ginagabayan ng mga salita ng mga propeta sa pagsunod sa mga tagubilin na gumawa ng isang bagay, tulad ng pagkain o isang laruan. Maaari mo itong ikumpara sa mga tagubiling ibinibigay sa atin ni Jesucristo sa pamamagitan ng propeta. Ano ang ilang bagay na naituro sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta ngayon?
Ang mga propeta ay tumutulong sa atin na malaman ang kalooban ng Ama sa Langit.
-
Ang makita marahil kung paano nauugnay ang mga sinaunang banal na kasulatan sa makabagong paghahayag ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na maunawaan ang mga Opisyal na Pahayag. Maaari mo silang hilingang basahin ang Mga Gawa at Jacob 2:27–30 at anyayahan silang tukuyin kung aling talata ang nauugnay sa Opisyal na Pahayag 1 (na humantong sa pagpapatigil sa maramihang pag-aasawa) at kung alin ang nauugnay sa Opisyal na Pahayag 2 (na nagpahayag na ang ordinasyon sa priesthood at mga ordenansa sa templo ay available sa mga tao ng lahat ng lahi). Magpatotoo na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa mga sinauna at makabagong propeta.