Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 15–21: “Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”: Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo


“Disyembre 15–21: ‘Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha’: Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

isang pamilya

Disyembre 15–21:“Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”

Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo

Bago pa tayo isinilang, bahagi na tayo ng isang pamilya—ang pamilya ng ating mga magulang sa langit. Ang huwarang iyan ay nagpapatuloy sa lupa. Ang mga pamilya rito, sa abot ng kanilang makakaya, ay nilayong ulitin ang perpektong huwaran sa langit.

Siyempre, walang garantiya na ang mga pamilya sa lupa ay magiging huwaran o maayos. Ngunit tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “binibigyan [ng mga pamilya] ang mga anak ng Diyos ng pinakamagandang pagkakataon na malugod na tanggapin sa mundo na may pagmamahal na halos katulad ng nadama natin sa langit—ang pagmamahal ng magulang” (“Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20). Nalalaman na ang mga pamilya ay hindi perpekto at dumaranas ng pag-atake ng kaaway, isinugo ng Diyos ang Kanyang Pinakamamahal na Anak para tubusin tayo at pagalingin ang ating mga pamilya. At nagpadala Siya ng mga propeta sa mga huling araw na may pagpapahayag upang ipagtanggol at palakasin ang mga pamilya. Kung tayo ay sumusunod sa mga propeta at sumasampalataya sa Tagapagligtas, kahit hindi maabot ng pamilya sa mundo ang banal na huwaran, may pag-asa para sa pamilya—sa lupa at sa langit.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

icon ng seminary
“Ang pamilya ang sentro ng plano ng Tagapaglikha.”

Ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay malinaw na tungkol sa mga pamilya. Ngunit ito ay tungkol din sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang isang paraan para mapag-aralan ang pagpapahayag ay ang isulat ang mga pariralang buhay bago tayo isinilang, buhay sa mundo, at kabilang-buhay sa isang papel at ilista kung ano ang itinuturo ng pagpapahayag tungkol sa bawat isa sa mga paksang ito. Ano ang matututuhan mo kapag pinag-aralan mo ang pagpapahayag sa ganitong paraan? Paano nito ipinauunawa sa iyo kung bakit mahalaga ang kasal at pamilya sa plano ng Diyos? Paano naiimpluwensyahan ng mga katotohanan sa pagpapahayag ang iyong mga pagpapasiya?

Maraming tao na maaaring takot, sa iba’t ibang kadahilanan, na mag-asawa o magpalaki ng mga anak. Kung sabihin sa iyo ng isang kaibigan, “Ayaw kong mag-asawa o magkaroon ng pamilya kahit kailan,” ano ang sasabihin mo? Marahil ay maaari mong saliksikin ang pagpapahayag na naghahanap ng isang bagay na makakatulong sa kaibigan mo na magkaroon ng pag-asa sa plano ng Diyos.

Ang isa pang bagay na maaaring itanong sa iyo—o maaari mong itanong sa sarili mo—ay katulad nito: “Paano kung hindi tugma ang sitwasyon ng pamilya ko sa inilarawan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak?” Narito ang dalawang lugar na maaari mong paghanapan ng payo ng propeta: ang bahaging “Isang Malaking Pagbabago” sa mensahe ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang” (Liahona, Mayo 2023, 55–59) at ang huling apat na talata ng mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya” (Liahona, Mayo 2015, 52).

Ano ang nahihikayat kang gawin dahil sa napag-aralan mo?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 28–31; Mga Paksa at mga Tanong, “Pamilya,” Gospel Library.

“Bawat [tao] ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.”

Madalas nating ituring na isang gabay ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak para sa buhay-pamilya. Ngunit nagtuturo din ito ng mahahalagang katotohanan tungkol sa ating pamilya sa langit at sa walang-hanggang identidad. Bakit mahalagang malaman mo na lahat tayo ay bahagi ng pamilyang ito? Paano nakakaimpluwensya ang katotohanang ito sa mga pagpapasiyang ginagawa mo?

Tingnan din sa “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”

Isipin ang mga talata 6 at 7 ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak bilang isang huwaran para sa “kaligayahan sa buhay ng mag-anak.” Habang binabasa mo ang mga talatang ito, tukuyin ang mga alituntunin ng “mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak.” Maaari kang mag-isip ng mga halimbawa ng mga alituntuning ito na nakita mo sa sarili mong pamilya o sa iba pang mga pamilya. Paano nakakatulong ang mga alituntuning ito na gawing pundasyon ng buhay-pamilya si Jesucristo?

Pagkatapos ay maaari kang mag-isip tungkol sa ugnayan ng isang pamilya na gusto mong patatagin. Gumawa ng plano, sa tulong ng Tagapagligtas, na kumilos ayon sa mga impresyong natatanggap mo.

Tingnan din sa L. Whitney Clayton, “Ang Pinakamatitibay na Tahanan,” Liahona, Mayo 2020, 107–9.

isang amang nagbabasa sa kanyang mga anak

Kailangang palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan.

“Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan … upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak.”

Kasama sa huling talata ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ang isang panawagang kumilos. Habang iniisip mo kung paano ka tutugon sa panawagang iyon, maaaring makatulong na pag-aralan ang pamagat ng pagpapahayag. Halimbawa, ano ang isang pagpapahayag? Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng salitang iyan tungkol sa mensahe ng dokumentong ito? Paano naging karapat-dapat ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol na maglabas ng isang pagpapahayag sa mundo tungkol sa mga pamilya? Maaari ka ring gumawa ng listahan ng itinuturing mong mga pangunahing mensahe ng pagpapahayag. Paano mo maitataguyod ang mga mensaheng ito sa buhay mo, sa iyong tahanan, at sa inyong komunidad?

Tingnan din sa Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak,” Liahona, Mayo 2015, 14–17; “Defenders of the Faith” (video), Gospel Library.

6:56

Defenders of the Faith

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Ang mga pamilya ay mahalaga sa plano ng Ama sa Langit.

  • Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na napakahalaga para gustuhin nilang magkuwento sa lahat tungkol doon. Ipakita sa mga bata ang isang kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at ipaliwanag na isinulat ito ng mga propeta at apostol para sabihin sa ating lahat kung gaano kahalaga ang pamilya sa Ama sa Langit. Bakit napakahalaga ng mga pamilya sa Kanya? (panoorin din ang video na “What Is the Purpose of Family?” [ChurchofJesusChrist.org]).

    2:3

    What Is the Purpose of Family?

  • Ibahagi sa iyong mga anak ang isang bagay mula sa pagpapahayag na sa palagay mo ay kailangang malaman nating lahat. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa mga katotohanang iyon. Paano maiiba ang buhay natin kung hindi natin nalaman ang mga bagay na ito? Maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awiting may kaugnayan sa mga katotohanang matatagpuan sa pagpapahayag, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87).

  • Sa bahagi IV ng kanyang mensaheng “Ang Plano at ang Pagpapahayag” (Liahona, Nob. 2017, 30), inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks kung paano isinulat ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Marahil ay maaaring sama-sama ninyong rebyuhin ng iyong mga anak ang kanyang paglalarawan at pag-usapan kung bakit kayo nagpapasalamat na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod na ituro sa atin ang mga katotohanang ito tungkol sa mga pamilya.

  • Maaari ka ring magpakita ng mga larawan sa iyong mga anak (o anyayahan mo silang magdrowing ng ilan) na naglalarawan sa mga katotohanang matatagpuan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Ang mga ito ay maaaring mga larawan ng isang templo, isang pamilyang sama-samang nagdarasal o naglalaro, o isang magkasintahang ikinakasal. Pagkatapos ay anyayahan ang iyong mga anak na maghanap ng mga pangungusap sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na may kaugnayan sa mga larawan. Ano ang itinuturo sa atin ng Panginoon tungkol sa mga bagay na ito sa pagpapahayag?

babaeng may kasamang mga bata

Nais ng Ama sa Langit na lumigaya ang mga pamilya.

Maging sensitibo. Habang itinuturo mo ang mga katotohanang itinuturo sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, dapat mong malaman na maraming batang nabubuhay sa mga pamilyang hindi tugma ang mga pamantayan sa nakasaad sa pagpapahayag. Isipin kung paano mo sila magaganyak at mahihikayat.

Ako ay isang “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.”

  • Habang sama-sama ninyong kinakanta ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3), maaari kang maghagis ng isang bola sa isang bata habang sinasabi mong, “May kilala akong anak ng Diyos na ang pangalan ay [pangalan ng bata].” Pagkatapos ay maaaring ihagis ng batang iyon ang bola sa isa pang bata, habang sinasabi ang mga salita ring iyon at isinisingit ang pangalan ng taong iyon. Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang pariralang “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, at magpatotoo tungkol sa katotohanang ito.

Pinakamaligaya ang pamilya kapag sinusunod nila si Jesucristo.

  • Para makapagsimula ng isang pag-uusap tungkol sa pagpapatatag ng inyong pamilya, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung ano ang ginagawa natin para mapalakas ang iba pang mga bagay—tulad ng ating mga ngipin, katawan, o isang gusali. Pagkatapos ay maaari ninyong ikumpara iyan sa pagbubuo ng isang matatag na pamilya. Ipaunawa sa iyong mga anak ang mga alituntuning ayon kay Cristo na humahantong sa kaligayahan sa buhay-pamilya, na matatagpuan sa talata 7 ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak (tingnan din sa pahina ng aktibidad sa linggong ito).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.