Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 5–Abril 11. Doktrina at mga Tipan 30–36: “Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo”


“Abril 5–Abril 11. Doktrina at mga Tipan 30–36: ‘Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 5–Abril 11. Doktrina at mga Tipan 30–36,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

naunang mga missionary ng Simbahan

Abril 5–Abril 11

Doktrina at mga Tipan 30–36

“Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo”

Sa mga banal na kasulatan, makakahanap tayo ng mga kaalaman para sa kani-kanya nating kalagayan. Hilingin sa Panginoon na tulungan kang mahanap ang mensaheng para sa iyo sa Doktrina at mga Tipan 30–36.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Si Parley P. Pratt ay mga isang buwan nang miyembro ng Simbahan nang tawaging magtungo “sa ilang” upang ipangaral ang ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 32:2). Si Thomas B. Marsh ay wala pang isang buwan nang sabihan siya na, “Ang oras ng iyong misyon ay dumating na” (Doktrina at mga Tipan 31:3). Sina Orson Pratt, Edward Partridge, at marami pang iba ay halos kabibinyag pa lang din nang dumating ang kanilang mission call. Marahil ay itinakda ang panahong ito—noong taglagas ng 1830, wala ni isa ang mahigit anim na buwan nang miyembro ng Simbahan. Ngunit may aral din sa huwarang ito para sa atin ngayon: kung sapat ang alam mo para tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapabinyag, sapat ang alam para ibahagi ito sa iba. Siyempre gusto nating palaging dagdagan ang ating kaalaman tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nag-atubili ang Diyos kailanman na tawagin ang mga “mangmang” upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 35:13). Sa katunayan, inaanyayahan Niya tayong lahat na, “Magbukas ng iyong bibig upang ipahayag ang aking ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 30:5). At ginagawa natin iyan nang napakahusay hindi sa pamamagitan ng ating sariling dunong at karanasan kundi “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 35:13).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 30–36

Ako ay tinawag na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Mayroon o wala ka mang pormal na tawag bilang missionary, nais ng Panginoon na ibahagi mo ang Kanyang ebanghelyo, at marami sa Kanyang mga salita sa mga naunang missionary ng dispensasyong ito ang para din sa iyo. Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 30–36, itala ang natututuhan mo tungkol sa tawag na ipangaral ang ebanghelyo. Maaari kang gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagagawa ng Panginoon sa Kanyang mga missionary (halimbawa, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 30:8) at ng isa pang listahan ng mga ipinapangako ng Panginoon sa kanila (halimbawa, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 30:11).

Paano maaaring mahikayat ng mga talatang ito ang isang taong kilala mo na naglilingkod o naghahandang maglingkod sa isang proselyting mission o sa Simbahan? Ano ang nakikita mo na nakakahikayat sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 35:13–15; Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org; Silvia H. Allred, “Dahil Dito Magsiyaon Nga Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 10–12.

mga missionary na nagtuturo

Lahat tayo ay missionary para sa Simbahan ni Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 31:1–2, 5–6, 9, 13

Matutulungan ako ng Panginoon sa mga relasyon ko sa aking pamilya.

Ang mga pamilya noong 1830s ay nahirapan sa marami sa mga isyung kinakaharap ng mga pamilya ngayon. Anong gabay at mga pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh tungkol sa kanyang pamilya? Paano ka matutulungan ng Kanyang mga salita sa mga relasyon mo sa iyong pamilya?

Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Thomas B. Marsh, tingnan sa Mga Banal, kabanata 8, talata 15–18, kabanata 11, talata 25–30.

Doktrina at mga Tipan 3235

Bigo ba ang misyon sa mga Lamanita?

Nang lumabas sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt, at Ziba Peterson para mangaral sa mga American Indian sa kanluran ng Missouri, naniwala sila na tinutupad nila ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtanggap ng mga Lamanita sa ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan, halimbawa, sa, 1 Nephi 13:34–41; Enos 1:11–18). Gayunpaman sa pagtatapos ng kanilang misyon, bagama’t naging mabuti ang pakikipag-ugnayan nila sa ilang grupo, wala silang nabinyagan ni isang American Indian. Ngunit nakapagbinyag sila ng mahigit isang daang tao malapit sa Kirtland, Ohio, kung saan sila tumigil sa paglalakbay patungong Missouri. Kabilang sa mga convert ang magiging maimpluwensyang mga pinuno ng Simbahan sa hinaharap, kabilang na si Sidney Rigdon, at kalaunan ay naging mahalagang lugar ng pagtitipon ang Kirtland para sa Simbahan. Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasang ito kung paano isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain?

Doktrina at mga Tipan 33:12–18

Kung itatatag ko ang aking buhay sa ebanghelyo ng Tagapagligtas, hindi ako babagsak.

Ang Doktrina at mga Tipan 33 ay para kina Northrop Sweet at Ezra Thayer, dalawang bagong convert. Nilisan kaagad ni Northrop ang Simbahan pagkatapos maibigay ang paghahayag na ito. Naglingkod nang tapat si Ezra nang kaunting panahon, ngunit nag-apostasiya rin siya kalaunan. Maaaring magandang pagkakataon ito para masuri kung gaano katatag ka nakatayo sa “ibabaw ng bato” (talata 13) ng ebanghelyo. Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang makakatulong sa iyo na manatiling tapat sa Tagapagligtas?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 30:2.Kumusta naman ang pagtutuon natin bilang pamilya sa mga bagay ng Diyos sa halip na sa “mga bagay ng mundo”?

Doktrina at mga Tipan 31.Habang binabasa ninyo ang mga pangako ng Panginoon kay Thomas B. Marsh tungkol sa kanyang pamilya, maaari ninyong pag-usapan ang mga pagpapalang natamo ng inyong pamilya dahil sa gawaing misyonero. Maaari din kayong kumanta ng isang himnong may kaugnayan dito, tulad ng “Tutungo Ako Saanman” (Mga Himno, blg. 171). Paano napagpala ang inyong pamilya sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?

Doktrina at mga Tipan 33:7–10.Anong imahe ang ginamit ng Panginoon sa mga talatang ito para ilarawan ang pagbabahagi ng ebanghelyo? Ano ang iba pang mga imahe o metapora na maiisip ng inyong pamilya? Marahil ay maaaring makatulong sa inyong pamilya ang mga imaheng ito para makaisip ng malikhaing mga paraan para maibahagi ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaaring humantong ang talakayang ito sa isang plano na ibahagi ang ebanghelyo. Isiping isadula ang ilang potensyal na sitwasyon.

Doktrina at mga Tipan 34:10.Pumili ng isang parirala mula sa talata 10, at anyayahan ang isang miyembro ng pamilya na ibulong ito. Maaaring subukin ng iba pang mga miyembro ng pamilya na hulaan ang parirala. Pagkatapos ay hilingin sa isang miyembro ng pamilya na sabihin nang malakas ang parirala. Paano tayo tinutulungan ng aktibidad na ito na maunawaan kung bakit inuutusan tayo ng Panginoon na “itaas ang iyong tinig”?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Sana Ako’y Makapagmisyon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 91.

icon ng mga tinig ng panunumbalik

Mga Tinig ng Panunumbalik

Mga Naunang Convert

Bago pa man inorganisa ang Simbahan, ipinahayag ng Panginoon, “Ang bukid ay puti na upang anihin” (Doktrina at mga Tipan 4:4). Ang pahayag na ito ay napatunayang totoo sa mga buwang sumunod, nang maraming naghahanap sa katotohanan ang inakay ng Espiritu ng Diyos na makita ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Marami sa mga naunang convert na ito ang naging kasangkapan sa paglalatag ng pundasyon ng Panunumbalik, at ang mga kuwento ng kanilang pagbabalik-loob ay mahalaga sa atin ngayon. Ang pananampalatayang ipinakita nila ang pananampalatayang kailangan din natin para magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Abigail Calkins Leonard

Noong si Abigail Calkins Leonard ay mga 35 taong gulang, nakadama siya ng mga pagnanais na mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Nagbasa siya ng Biblia paminsan-minsan, at binisita siya ng mga tao mula sa mga simbahang Kristiyano sa bahay niya, ngunit nalito siya kung ano ang ipinagkaiba ng mga simbahang ito sa isa’t isa. “Isang umaga,” wika niya, “kinuha ko ang aking Biblia at nagpunta ako sa kakahuyan, at lumuhod.” Taimtim siyang nagdasal sa Panginoon. “Agad akong nakakita ng isang pangitain,” wika niya, “at isa-isang nagdaan sa harap ko ang iba’t ibang sekta, at isang tinig ang tumawag sa akin, na sinasabing: ‘Ang mga ito ay itinayo para sa pakinabang.’ Pagkatapos, sa banda roon, nakakita ako ng maningning na liwanag, at isang tinig mula sa itaas ang nagsabing: ‘Magbabangon Ako ng mga tao, na Aking kalulugdang angkinin at pagpalain.’” Hindi nagtagal, narinig ni Abigail ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Bagama’t wala pa siyang kopya, hinangad niyang “malaman ang katotohanan ng aklat na ito, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo,” at “agad [niyang] nadama ang presensya nito.” Nang mabasa niya sa wakas ang Aklat ni Mormon, siya ay “handa nang tanggapin ito.” Nabinyagan siya at ang kanyang asawang si Lyman noong 1831.1

Thomas B. Marsh

Noong binata pa si Thomas B. Marsh, pinag-aralan niya ang Biblia at sumapi sa isang simbahang Kristiyano. Ngunit hindi siya nasiyahan, at sa huli’y lumayo sa lahat ng simbahan. “May kaunti akong diwa ng propesiya,” wika niya, “at sinabi ko [sa pinuno ng isang simbahan] na umaasa ako na may isang bagong simbahang lilitaw, na taglay ang dalisay na katotohanan.” Hindi nagtagal pagkatapos nito, may natanggap si Thomas na isang espirituwal na pahiwatig na iwanan ang bahay niya sa Boston, Massachusetts, at maglakbay pakanluran. Matapos manatili nang tatlong buwan sa kanlurang New York nang hindi natatagpuan ang hinahanap niya, naglakbay na siya pauwi. Habang daan, isang babae ang nagtanong kay Thomas kung nabalitaan na niya ang tungkol sa “Gintong Aklat na natagpuan ng isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith.” Naging interesado sa narinig, agad naglakbay si Thomas patungong Palmyra at nakilala si Martin Harris sa palimbagan, noong kasalukuyang inililimbag ang unang 16 na pahina ng Aklat ni Mormon. Pinahintulutan si Thomas na kumuha ng kopya ng 16 na pahinang iyon, at iniuwi niya ito sa kanyang asawang si Elizabeth. “Tuwang-tuwa siya” sa aklat, paggunita niya, “na naniniwala na ito ay gawain ng Diyos.” Kalaunan ay lumipat sa New York sina Thomas at Elizabeth kasama ang kanilang mga anak at nabinyagan.2 (Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Thomas B. Marsh, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 31.)

Parley at Thankful Pratt

Tulad ni Thomas Marsh, tumugon sina Parley at Thankful Pratt sa espirituwal na pahiwatig na iwanan ang kanilang maunlad na sakahan sa Ohio para ipangaral ang ebanghelyo ayon sa pagkaunawa nila rito mula sa Biblia. Tulad ng sinabi ni Parley sa kanyang kapatid, “Ang diwa ng mga bagay na ito ay nakaapekto nang husto sa aking isipan nitong huli kaya hindi ako mapanatag.”3 Nang makarating sila sa silangang New York, nahiwatigan ni Parley na manatili sandali sa lugar. Si Thankful, napagpasiyahan nila, ay magpapatuloy nang wala siya. “May gagawin ako sa rehiyong ito ng bansa,” sabi ni Parley sa kanya, “at kung ano ito, o gaano ito katagal gawin, hindi ko alam, ngunit darating ako kapag tapos na ito.”4 Doon unang narinig ni Parley ang tungkol sa Aklat ni Mormon. “Kakaiba ang nadama kong interes sa aklat,” wika niya.5 Humingi siya ng kopya at buong magdamag itong binasa. Kinaumagahan, alam na niya na totoo ang aklat, at pinahalagahan ito “nang higit kaysa lahat ng kayamanan ng mundo.”6 Sa loob ng ilang araw nabinyagan si Parley. Pagkatapos ay binalikan niya si Thankful, na nagpabinyag din. (Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Parley P. Pratt, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 32.)

Parley P. Pratt

Larawan ni Parley P. Pratt na ipininta ni Jeffrey Hein

Sidney at Phebe Rigdon

Mula sa New York patungo sa isang misyon sa Missouri, tumigil si Parley Pratt at kapwa niya mga manggagawa sa Mentor, Ohio, sa bahay nina Sidney at Phebe Rigdon—matatagal nang kaibigang nakilala ni Parley noong siya ay nasa Ohio. Si Sidney ay isang Kristiyanong pastor, at si Parley ay dating miyembro ng kanyang kongregasyon at itinuring siyang isang espirituwal na guro. Sabik na ikinuwento ni Parley sa kanyang mga kaibigan ang tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Matagal nang naghahanap si Sidney ng isang pagpapanumbalik ng totoong Simbahan na nakita niyang inilarawan sa Bagong Tipan, bagama’t sa una ay nag-alinlangan siya tungkol sa Aklat ni Mormon. “Pero, babasahin ko ang aklat mo,” sabi niya sa kanyang kaibigang si Parley, “at sisikapin kong tiyakin, kung ito nga ay isang paghahayag mula sa Diyos o hindi.”7 Pagkaraan ng dalawang linggong pag-aaral at pagdarasal, nakumbinsi siya at si Phebe na totoo ang aklat. Ngunit alam din ni Sidney na ang pagsapi sa Simbahan ay magiging malaking sakripisyo para sa kanyang pamilya. Tiyak na mawawalan siya ng trabaho bilang pastor, pati na ang katayuan niya sa komunidad. Habang pinag-uusapan nila ni Phebe ang posibilidad na ito, ipinahayag ni Phebe, “Naisip ko na ang ibubunga nito, at … hangad kong gawin ang kalooban ng Diyos, sa buhay man o kamatayan.”8

mga lalaking naglalakad sa niyebe

Magtungo sa Ilang, ni Robert T. Barrett