“Hulyo 19–25. Doktrina at mga Tipan 81–83: Siya na ‘Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 19–25. Doktrina at mga Tipan 81–83,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Hulyo 19–25
Doktrina at mga Tipan 81–83
Siya na “Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin”
Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan 81–83, itala ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na gumawa ng mabuti sa inyong pamilya, mga kaibigan, at iba pa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong Marso 1832, tinawag ng Panginoon si Jesse Gause na maging counselor ni Joseph Smith sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote (na ngayon ay tinatawag na Unang Panguluhan). Ang Doktrina at mga Tipan 81 ay isang paghahayag kay Brother Gause, na nagtuturo sa kanya ng bagong tungkulin at nangangako sa kanya ng mga pagpapala sa matapat na paglilingkod. Ngunit hindi naglingkod nang tapat si Jesse Gause. Kaya tinawag si Frederick G. Williams upang humalili sa kanya, at ang pangalan ni Brother Gause ay napalitan ng pangalan ni Brother Williams sa paghahayag.
Tila maliit na detalye iyan, ngunit nagpapahiwatig ito ng isang mahalagang katotohanan: Karamihan sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay para sa partikular na mga tao, pero lagi tayong makakahanap ng mga paraan para maipamuhay natin ang mga ito (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Ang payo ng Panginoon kay Frederick G. Williams na “palakasin ang tuhod na mahihina” ay makapagtutuon ng ating isipan sa mga tao na maaari nating mapalakas (Doktrina at mga Tipan 81:5). Ang payo ng Panginoon sa mga miyembro ng United Firm na “inyong itali ang inyong sarili ng tipang ito” upang matugunan ang mga temporal na pangangailangan ng Simbahan ay makapagtutuon ng ating isipan sa ating sariling mga tipan. At ang pangako ng Panginoon na Siya ay “nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi” ay makapagpapaalala sa atin ng Kanyang mga pangako sa atin kapag tayo ay sumusunod (Doktrina at mga Tipan 82:10, 15). Iyan ang dapat mangyari, sapagkat sinabi rin ng Panginoon, “Anuman ang aking sabihin sa isa sinasabi ko sa lahat” (talata 5).
Tingnan sa “Newel K. Whitney and the United Firm,” “Jesse Gause: Counselor to the Prophet,” Revelations in Context, 142–47, 155–57.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Maaari akong maging tapat sa paggawa ng iniuutos ng Panginoon sa akin.
Iniisip mo ba kung minsan kung paano mo magagampanan ang mahahalagang responsibilidad mo sa iyong buhay? Bilang counselor ni Propetang Joseph Smith, talagang maraming mahahalagang responsibilidad si Frederick G. Williams. Sa bahagi 81, pinayuhan siya ng Panginoon kung paano gagampanan ang mga ito. Ano ang nakita mo sa bahaging ito na maaaring makatulong sa iyo na gampanan ang mga responsibilidad na ibinigay sa iyo ng Panginoon?
Narito ang ilang tanong na makakatulong sa iyo na pag-isipan ang talata 5:
-
Ano ang ilang paraan na maaaring maging “mahina” ang isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “tulungan” ang mahihina?
-
Ano ang maaaring dahilan kung bakit ang kamay ng isang tao ay “nakababa”? Paano natin maaaring “itaas” ang mga kamay na iyon?
-
Ano ang maaaring kahulugan ng pariralang “tuhod na mahihina”? Paano natin maaaring “palakasin” ang mga tuhod na mahihina?
Marahil ang pag-aaral ng talatang ito ay nagpaalala sa iyo ng isang tao na maaari mong “tulungan,” “itaas,” o “palakasin.” Ano ang gagawin mo para mapaglingkuran ang taong iyon?
Inaanyayahan ako ng Panginoon na magsisi at talikuran ang aking mga kasalanan.
Sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 82:1–7, maaari kang gumawa ng dalawang listahan ng mga bagay na natutuhan mo: mga babala tungkol sa kasalanan at mga katotohanan tungkol sa pagpapatawad. Paano makatutulong sa iyo ang mga katotohanang ito na mapaglabanan ang mga tukso ng kaaway?
Ang mga kautusan ay para sa aking kaligtasan at proteksyon.
Kung nagtataka ka—o ang isang kakilala mo—kung bakit nagbibigay ang Panginoon ng napakaraming kautusan, matutulungan ka ng Doktrina at mga Tipan 82:8–10. Anong mga ideya sa mga talatang ito ang makakatulong sa iyo para maipaliwanag sa isang tao kung bakit pinipili mong sundin ang mga kautusan ng Panginoon? Maaari mo ring pag-isipan kung paano binago ng Kanyang mga kautusan ang iyong buhay. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon nang basahin mo ang talata 10?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21; Carole M. Stephens, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 118–20.
“Ang mga balo at ulila ay paglalaanan.”
Noong Abril 1832, ayon sa tagubilin ng Panginoon, si Joseph Smith ay naglakbay nang halos 800 milya upang bisitahin ang mga Banal na nagtipon sa Missouri (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:9). Kabilang sa isang komunidad na binisita niya ang mga balo na mag-isang nagpapalaki ng kanilang mga anak. Kabilang sa kanila sina Phebe Peck at Anna Rogers, na personal na kilala ng Propeta. Sa Missouri noong 1830s, binigyan ng batas ng estado ng limitadong karapatan ang mga balo sa ari-arian ng kanilang yumaong asawa. Ano ang natutuhan mo sa bahagi 83 tungkol sa nadarama ng Panginoon sa mga balo at ulila? May kakilala ka ba na nasa ganitong sitwasyon na makikinabang sa iyong pagmamahal o pag-aalaga?
Tingnan din sa Isaias 1:17; Santiago 1:27.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 81:3.Maaari ninyong bigyan ng papel na hugis puso ang mga miyembro ng pamilya at anyayahan silang magdrowing o sumulat ng isang bagay na gusto nilang ipanalangin. Pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng manalangin “tuwina, isinasatinig at sa iyong puso.”
-
Doktrina at mga Tipan 81:5.Upang matutuhan ang mga alituntunin sa talatang ito, marahil maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga halimbawa noong makadama sila na “mahihina” sila at may isang taong tumulong o nagpalakas sa kanila. Maaari din ninyong panoorin ang mga video tungkol sa paglilingkod sa iba, tulad ng “Works of God” o “The Miracle of the Roof” (ChurchofJesusChrist.org). Talakayin kung paano regular na mapaglilingkuran ng inyong pamilya ang isa’t isa sa simpleng mga paraan.
-
Doktrina at mga Tipan 82:8–10.Marahil makatutulong ang isang simpleng laro upang makadama ang inyong pamilya ng pagpapasalamat para sa mga kautusan ng Diyos. Maaaring magbigay ang isang miyembro ng pamilya ng mga tagubilin upang matulungan ang isang kapamilya na nakapiring sa paggawa ng sandwich o pagdaan sa isang obstacle course. Mag-isip ng isang bagay na masaya at malikhain! Pagkatapos ay talakayin kung paano natutulad sa mga kautusan ng Diyos ang mga tagubilin sa larong ito.
-
Doktrina at mga Tipan 82:18–19.Ano ang magagawa ng bawat miyembro ng pamilya upang “mapabuti sa kanyang [mga] talento,” at “magtamo ng iba pang mga talento”? Maaaring masayang magdaos ng talent show ang pamilya. Mag-isip ng mga paraan na maisama ang mga talento na hindi madaling makita (tulad ng mga espirituwal na kaloob; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:11–26). Paano natin magagamit ang ating mga talento at maibabahagi ang mga bagay na nasa atin upang mapagpala ang ating pamilya at mga kapitbahay? Ano ang ibig sabihin ng gamitin ang ating mga talento “na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 135; tingnan din sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya.”