“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76: ‘Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Hulyo 5–11
Doktrina at mga Tipan 76
“Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian”
Sa bahagi 76, ipinahayag ng Panginoon kung gaano Niya kagustong ipahayag sa atin ang katotohanan (tingnan sa mga talata 7–10). Basahin ang mga banal na kasulatan nang may pananampalataya na maipahahayag at ipahahayag Niya sa iyo “ang mga bagay-bagay ng Diyos” (talata 12) na kailangan mong malaman. Pagkatapos ay isulat ang mga kaalamang natanggap mo “habang [ikaw] ay napasa Espiritu pa” (mga talata 28, 80, 113).
Itala ang Iyong mga Impresyon
“Ano ang mangyayari sa akin pagkatapos kong mamatay?” Tinatalakay ng halos lahat ng relihiyon sa mundo ang tanong na ito sa iba-ibang paraan. Sa nakalipas na mga siglo, maraming tradisyong Kristiyano, na umaasa sa mga turo ng Biblia, ang nagturo tungkol sa langit at impiyerno, tungkol sa paraiso para sa mabubuti at kaparusahan para sa masasama. Ngunit maaari ba talagang mahati sa mabuti at masama ang buong sangkatauhan? At ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang langit? Noong Pebrero 1832, nag-isip sina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung wala na bang dapat malaman pa tungkol sa paksa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76, section heading).
Tiyak na marami pang malalaman tungkol dito. Habang nagninilay sa mga bagay na ito, “hinipo ng Panginoon ang mga mata ng [kanilang] mga pang-unawa at ang mga ito ay nabuksan” (talata 19). Natanggap nina Joseph at Sidney ang isang paghahayag na nakamamangha, napakalawak, nagbibigay-liwanag, kaya tinawag ito ng mga banal na “ang Pangitain.” Binuksan nito ang mga dungawan ng langit at binigyan ang mga anak ng Diyos ng malawak na kaunawaan tungkol sa kawalang-hanggan. Inihayag sa pangitain na ang langit ay mas dakila at mas malawak at mas maraming mapupunta dito kumpara sa pinaniwalaan noon ng karamihan sa mga tao. Ang Diyos ay higit na maawain at makatarungan na hindi natin kayang maunawaan. At ang mga anak ng Diyos ay may walang-hanggang tadhana na mas maluwalhati kaysa sa kaya nating isipin.
Tingnan sa Mga Banal, 1:168–72; “The Vision,” Revelations in Context, 148–54.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
Nang mabasa ni Wilford Woodruff ang pangitain na inilarawan sa bahagi 76, sinabi niya, “Nadama ko na dapat kong pakamahalin ang Panginoon nang higit sa buhay ko” (tingnan sa “Mga Tinig ng Panunumbalik” sa katapusan ng outline na ito). Marahil ganito rin ang nadama mo nang mabasa mo ang paghahayag na ito. Mangyari pa, wala ni isa sa mga maluwalhating pagpapalang inilarawan sa bahagi 76 ang magiging posible kung wala ang Tagapagligtas. Marahil matutukoy mo ang bawat talata sa bahagi 76 na bumabanggit sa Panginoong Jesucristo. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Kanya at sa Kanyang ginagampanan sa plano ng Diyos? Paano nito naiimpluwensyahan ang nadarama mo tungkol sa Kanya? Sa iyong pagbabasa at pag-iisip, maaari kang makatanggap ng mga impresyon kung paano ka “[makatatanggap] ng patotoo ni Jesus” at lalong maging “matatag” dito (talata 51, 79).
Doktrina at mga Tipan 76:39–44, 50–112
Nais ng Diyos na iligtas ang “lahat ng gawa ng kanyang mga kamay.”
Ang ilang tao, kabilang na ang ilang miyembro ng Simbahan noon, ay tumutol sa pangitain sa bahagi 76 dahil itinuturo nito na halos lahat ng tao ay maliligtas at tatanggap ng antas ng kaluwalhatian. Ang kanilang pagtutol ay maaaring bahagyang nagmula sa maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at sa Kanyang kaugnayan sa atin. Habang binabasa mo ang paghahayag na ito, ano ang natutuhan mo tungkol sa pagkatao ng Diyos at sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak?
Isipin ang pagkakaiba ng pagkaligtas (mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan; tingnan sa mga talata 39, 43–44) at sa pagkakaroon ng kadakilaan (mamuhay sa piling ng Diyos at maging katulad Niya; tingnan sa mga talata 50–70).
Tingnan din sa Juan 3:16–17; Doktrina at mga Tipan 132:20–25.
Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–95
Nais ng Ama sa Langit na makatanggap ako ng buhay na walang-hanggan sa kahariang selestiyal.
Naisip—o nabalisa ka na ba—kung magiging karapat-dapat ka o hindi para sa kahariang selestiyal? Kapag binasa mo ang paglalarawan sa mga tatanggap ng kaluwalhatiang ito (tingnan sa mga talata 50–70, 92–95.), sa halip na maghanap lamang ng mga bagay na dapat mong gawin, hanapin ang ginawa—at ginagawa ng Diyos—para tulungan kang maging katulad Niya. Ang pagbabasa ba ng pangitain sa ganitong paraan ay nakakaapekto sa nadarama mo tungkol sa sarili mong mga pagsisikap?
Maaari mo ring isipin ang malaking pagpapala na malaman ang mga detalyeng ito tungkol sa kahariang selestiyal. Paano nakaimpluwensya ang pangitaing ito tungkol sa kaluwalhatiang selestiyal sa iyong pananaw at kagustuhan na mamuhay nang matwid?
Tingnan din sa Moises 1:39; Joy D. Jones, “Halagang Hindi Masusukat,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 13–15; J. Devn Cornish, “Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 32–34.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 76:22–24, 50–52, 78–79, 81–82.Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng ating mga patotoo? Ano ang ginagampanan ng ating mga patotoo sa ating walang-hanggang tadhana? Makatutulong na alamin ang kahulugan ng matatag para matalakay kung paano maging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (talata 79). Maaari din ninyong awitin ang “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).
-
Doktrina at mga Tipan 76:24.Maaaring mapansin ng inyong pamilya ang kaugnayan ng mga katotohanan sa bahagi 76 at ng mga itinuturo sa “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2); isa sa mga katotohanang ito ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 76:24. Paano magiging iba ang mundo kung nauunawaan ng lahat ng tao na tayong lahat ay mga anak ng Diyos? Paano nakakaimpluwensya ang katotohanang ito sa paraan ng pakikitungo natin sa iba? Marahil makatutulong na tingnan ang mga larawan ng iba’t ibang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos sa daigdig na ito para mapag-isipan ng inyong pamilya ang tanong na ito. (Tingnan din sa “Video Presentation: I Am a Child of God,” ChurchofJesusChrist.org.)
Maaari ninyong awitin ang “Ako ay Anak ng Diyos” nang sabay-sabay at hanapin ang iba pang nauugnay sa mga alituntunin sa bahagi 76 (tingnan, halimbawa, ang mga talata 12, 62, 96).
-
Doktrina at mga Tipan 76:40–41.Kung ibubuod natin ang “mabubuting balita” (talata 40), o magandang balita, sa mga talatang ito sa isang maikling headline ng diyaryo o tweet, ano ang sasabihin natin? Ano ang iba pang mabubuting balita na nakita natin sa bahagi 76?
-
Doktrina at mga Tipan 76:50–70.Paano ninyo tutulungan ang inyong pamilya na asamin at paghandaan ang buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal? Maaari kayong magtulungan sa paghanap ng mga larawan, mga banal na kasulatan, at mga turo ng propeta na may kaugnayan sa mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 76:50–70. Maaari ninyong makita ang mga bagay na ito sa mga magasin ng Simbahan, sa ChurchofJesusChrist.org, o sa mga footnote ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay maaari ninyong tipunin ang mga larawan, talata ng mga banal na kasulatan, at mga turo na ito sa isang poster na maaaring magpaalala sa inyong pamilya tungkol sa inyong mga walang hanggang mithiin.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.
Mga Tinig ng Panunumbalik: Mga Patotoo tungkol sa “Pangitain”
Wilford Woodruff
Si Wilford Woodruff ay sumapi sa Simbahan noong Disyembre 1833, halos dalawang taon matapos matanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Siya ay nakatira noon sa New York at nalaman ang tungkol sa “Pangitain” mula sa mga missionary na naglilingkod sa lugar na iyon. Makalipas ang maraming taon ikinuwento niya ang kanyang mga impresyon tungkol sa paghahayag na ito:
“Itinuro sa akin noong bata pa ako na may isang Langit at isang Impiyerno, at sinabi sa akin na ang masasama ay may isang kaparusahan at ang mabubuti ay may isang kaluwalhatian. …
“… Nang mabasa ko ang pangitain … , nabigyang-liwanag nito ang aking isipan at nabigyan ako ng malaking kagalakan, at para sa akin ang Diyos na naghayag ng alituntuning iyan ay matalino, matwid at totoo, nagtataglay ng pinakamagagandang katangian at mabuting pag-iisip at kaalaman, nadama ko na hindi nagbabago ang Kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at dahil dito nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon nang higit kailanman sa aking buhay.”1
“Ang ‘Pangitain’ [ay] isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan; saan tayo [nang]galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta [pagkatapos ng buhay na ito]. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon.”2
“Bago ko nakita si Joseph sinabi ko na wala akong pakialam kung ilang taon na siya, o kung gaano siya kabata; wala akong pakialam sa hitsura niya—kung mahaba o maikli ang kanyang buhok; ang lalaki na tumanggap at nagturo ng paghahayag na iyon ay propeta ng Diyos. Alam ko ito mismo sa sarili ko.”3
Phebe Crosby Peck
Noong marinig ni Phebe Peck na nagtuturo sina Joseph at Sidney tungkol sa “Pangitain,” nakatira siya sa Missouri at mag-isang inaalagaan ang limang anak. Napahanga at naantig siya ng pangitain kaya isinulat niya ang sumusunod upang ibahagi ang natutuhan niya sa kanyang mga kamag-anak:
“Inihahayag ng Panginoon ang mga hiwaga ng Kaharian ng langit sa kanyang mga Anak. … Dinalaw kami nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong nakaraang tagsibol, at marami kaming masasayang pulong habang narito sila, at maraming hiwaga ang nalantad sa aming pananaw, na nagbigay sa akin ng malaking kapanatagan. Natanto namin ang pagpapakababa ng Diyos sa paghahanda ng mga mansiyon ng kapayapaan para sa kanyang mga anak. At sinumang hindi tatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo at tatayo bilang magigiting na kawal sa ngalan ni Cristo ay hindi makapananahanan sa piling ng Ama at ng Anak. Ngunit may isang lugar na inihanda para sa lahat ng hindi tatanggap, ngunit ito ay isang lugar na mas mababa ang kaluwalhatian kaysa sa kahariang Selestiyal. Hindi ko na tatangkaing magsabi ng ano pa man hinggil sa mga bagay na nakalimbag na sa kasalukuyan at lumalaganap sa mundo. At marahil magkakaroon kayo ng pagkakataong magbasa, at kapag ginawa ninyo ito, sana magbasa kayo nang may maingat at madasaling puso, dahil ang mga bagay na ito ay karapat-dapat pagtuunan ng pansin. At nais kong saliksikin ninyo ang mga ito, sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan sa mundong ito at sa mundong darating.”4