“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77–80: ‘Akin Kayong Aakayin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77-80,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Hulyo 12–18
Doktrina at mga Tipan 77–80
“Akin Kayong Aakayin”
Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na Siya ay “mangungusap sa [kanyang] mga tainga ng mga salita ng karunungan” (Doktrina at mga Tipan 78:2). Anong mga salita ng karunungan ang natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 77–80?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Wala pang dalawang taon matapos maipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo, umabot na ito nang mahigit 2,000 miyembro at mabilis na lumaganap. Noong Marso 1832 si Joseph Smith ay nakipagkita sa iba pang mga lider ng Simbahan “upang talakayin ang mga gawain ng Simbahan”: ang pangangailangang ilathala ang mga paghahayag, bumili ng lupain na pagtitipunan, at pangalagaan ang mga maralita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78, section heading). Upang matugunan ang mga pangangailangang ito, tumawag ang Panginoon ng isang maliit na bilang ng mga lider ng Simbahan upang itatag ang United Firm, isang grupo na sama-samang magsisikap upang “isulong ang adhikain” ng Panginoon (talata 4) sa mga lugar na ito. Ngunit maging sa gayong pangangasiwa, pinagtuunan ng Panginoon ang mga bagay na nauukol sa kawalang-hanggan. Sa huli, ang layunin ng isang palimbagan o storehouse—tulad ng lahat ng iba pa sa kaharian ng Diyos—ay ang ihanda ang Kanyang mga anak na tumanggap ng “isang lugar sa selestiyal na daigdig” at “mga kayamanan ng kawalang-hanggan” (mga talata 7, 18). At kung mahirap maunawaan ngayon ang mga pagpapalang iyon, sa gitna ng pagiging abala sa araw-araw na buhay, tinitiyak Niya sa atin, “Magalak, sapagkat akin kayong aakayin” (talata 18).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga hiwaga sa mga taong naghahangad na malaman ang mga ito.
Labindalawang taon matapos ang Unang Pangitain, ang paanyaya sa Santiago 1:5 na “humingi sa Dios” ay patuloy na gumabay kay Joseph Smith kapag nagkukulang siya ng karunungan. Nang may mga tanong siya at si Sidney Rigdon tungkol sa aklat ng Apocalipsis habang ginagawa nila ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, humingi si Joseph ng karunungan mula sa Diyos. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 77, maaari mong isulat o irekord ang iyong mga ideya sa kaugnay na mga kabanata sa Aklat ng Apocalipsis.
Bukod pa rito, isipin kung paano mo masusunod ang halimbawa ni Propetang Joseph kapag pinag-aralan mo ang mga banal na kasulatan. Maaari mong itanong sa Ama sa Langit, “Ano po ang dapat kong maunawaan?”
Ano ang United Firm?
Itinatag ang United Firm para pamahalaan ang paglalathala ng Simbahan at mga negosyo sa Ohio at Missouri. Kinabibilangan ito nina Joseph Smith, Newel K. Whitney, at iba pang mga lider ng Simbahan na pinagsama-sama ang kanilang kabuhayan upang matugunan ang mga temporal na pangangailangan ng lumalaking Simbahan. Sa kasamaang-palad, nabaon sa utang ang United Firm at binuwag noong 1834 nang hindi na mabayaran ang mga utang.
Tingnan din sa “Newel K. Whitney and the United Firm,” Revelations in Context, 142–47; “United Firm,” Church History Topics, ChurchofJesusChrist.org/study/church-history.
Makakatulong ako na “isulong ang adhikain” ng Simbahan.
Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan na ang pamamahala sa isang storehouse at palimbagan ay makatutulong upang “isulong ang adhikain, na inyong niyakap” (Doktrina at mga Tipan 78:4). Ano sa palagay mo ang “adhikain” ng Simbahan? Pag-isipan ito sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 78:1–7. Marahil ang pag-iisip tungkol sa mga talatang ito ay makakaimpluwensya sa paraan ng pagtupad mo sa iyong tungkulin sa Simbahan o paglilingkod sa iyong pamilya. Paano “[maisu]sulong” ng iyong paglilingkod ang “adhikain” ng Panginoon? Paano ka nito inihahanda para sa “isang lugar sa selestiyal na daigdig”? (talata 7).
Doktrina at mga Tipan 78:17–22
Aakayin ako ng Panginoon.
Naramdaman mo na ba na para kang isang maliit na bata, marahil dahil sa isang bagay na “hindi [mo] pa nauunawaan” o “hindi mababata”? (Doktrina at mga Tipan 78:17–18). Hanapin ang mga payo sa mga talatang ito na makatutulong sa iyo na “magalak” (talata 18) sa gayong mga pagkakataon. Bakit kaya kung minsan ay tinatawag ng Panginoon ang Kanyang mga tagasunod na “maliliit na bata”? (talata 17). Maaari mo ring pag-isipan kung paano ka maaaring “akayin” ng Panginoon (talata 18).
Ang tawag na maglingkod sa Diyos ay mas mahalaga kaysa sa kung saan ako naglilingkod.
Tungkol sa Doktrina at mga Tipan 80, itinuro ni Elder David A. Bednar, “Marahil ang isa sa mga itinuturo sa atin ng Tagapagligtas sa paghahayag na ito ay ang aral na ang pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar ay kinakailangan at mahalaga subalit pangalawa lamang sa tawag sa gawain” (“Tinawag sa Gawain,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 68). Isipin ang iyong kasalukuyan o dating mga tungkulin sa Simbahan. Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na malaman na totoo ang mga salita ni Elder Bednar? Anong karagdagang mga aral ang makikita mo sa Doktrina at mga Tipan 79–80 na makatutulong sa isang tao na katatanggap pa lang ng bagong tungkulin?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 77:2.Pagkatapos basahin ang talatang ito, maaaring magdrowing ang mga miyembro ng pamilya ng mga larawan ng paborito nilang “mga hayop, [o] mga gumagapang na hayop [o] mga ibon ng himpapawid” na nilikha ng Diyos. Ano ang natutuhan natin tungkol sa mga likha ng Diyos mula sa talatang ito? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:16–20). Maaari rin kayong kumanta ng isang awit tungkol sa mga likha ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16), at ipakita ang larawan na kasama sa outline na ito.
-
Doktrina at mga Tipan 77:14.Ipinaliliwanag sa talatang ito na kinain ni Juan ang isang aklat na kumakatawan sa kanyang misyon na tipunin ang Israel. Ano ang ipinahihiwatig ng simbolismo ng pagkain tungkol sa kung paano natin dapat gawin ang ating tungkulin sa pagtitipon ng Israel o paggawa ng iba pang mga bagay na ipinapagawa sa atin ng Panginoon? Narito ang iba pang mga banal na kasulatan kung saan ang pagkain ay ginagamit upang ituro ang isang espirituwal na katotohanan: Juan 6:48–51; 2 Nephi 32:3; Moroni 4. Maaari kayong magluto ng paboritong putahe ng pamilya na pagsasaluhan ninyo habang nagtatalakayan.
-
Doktrina at mga Tipan 78:17–19.Maaaring magdrowing ang mga miyembro ng pamilya ng larawan ng mga pagpapalang nagmula sa Diyos na ipinagpapasalamat nila. Ano ang ginagawa natin para maipahayag natin ang ating pasasalamat para sa mga pagpapalang ito? Maaari din ninyong talakayin kung paano sinusunod ng inyong pamilya ang payo na tanggapin ang “lahat ng bagay nang may pasasalamat” (talata 19). Ano ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong ginagawa ito?
-
Doktrina at mga Tipan 79:1.Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa “kapangyarihan” na natanggap ninyo nang inorden o itinalaga kayo sa mga tungkulin sa Simbahan. Anong partikular na mga kaloob at inspirasyon ang ipinagkaloob sa inyo ng Panginoon habang naglilingkod kayo?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147.