Lumang Tipan 2022
Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

bata at ina na nag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya

Ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay isang napakabisang paraan para matulungan ang inyong pamilya na matutuhan ang ebanghelyo. Mas mahalaga ang palagiang pagsisikap ninyong magbasa bilang pamilya kaysa kung gaano karami at gaano katagal kayong magbasa. Kapag ginawa ninyong mahalagang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, matutulungan mo ang mga miyembro ng inyong pamilya na maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at isalig ang kanilang patotoo sa salita ng Diyos.

Isiping gamitin ang sumusunod na mga tanong:

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili?

  • Ano ang magagawa mo para hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang natututuhan?

  • Paano mo mabibigyang-diin ang mga alituntuning natututuhan ninyo sa Lumang Tipan sa araw-araw na mga sandali ng pagtuturo?

Alalahanin na ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Maaari mong matutuhan at ituro ang ebanghelyo sa tahanan sa mga paraang hindi posible sa isang klase sa Simbahan. Maging malikhain sa pag-iisip ng mga paraan para matulungan ang inyong pamilya na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Isiping gamitin ang ilan sa sumusunod na mga ideya para mapahusay ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng inyong pamilya.

Gumamit ng Musika

Kantahin ang mga awit na nagpapatibay sa mga alituntuning itinuturo sa mga banal na kasulatan. Isang mungkahing himno o awiting pambata ang nakalista sa bawat lingguhang outline. Maaari mong itanong sa mga miyembro ng pamilya ang tungkol sa mga salita o katagang nasa mga titik ng awitin. Bukod sa pag-awit, maaaring gumawa ang iyong pamilya ng mga kilos na babagay sa mga awitin o makinig sa mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang iba pang mga aktibidad. Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang “Kabilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo” sa resource na ito.

Magbahagi ng Makabuluhang mga Talata sa Banal na Kasulatan

Bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang mga talatang naging makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral.

Gamitin ang Sarili Ninyong mga Salita

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibuod sa sarili nilang mga salita ang natututuhan nila mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.

tinutulungan ng kabataan ang maliit na bata na basahin ang mga banal na kasulatan

Ihalintulad ang mga Banal na Kasulatan sa Inyong Buhay

Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga paraan na angkop ang talata sa buhay nila.

Magtanong

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magtanong tungkol sa ebanghelyo, at pagkatapos ay mag-ukol ng oras na maghanap ng mga talatang makatutulong na masagot ang tanong.

Magdispley ng Isang Talata sa Banal na Kasulatan

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyo, at idispley ito kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng talatang ididispley.

Gumawa ng Listahan ng mga Talata ng Banal na Kasulatan

Bilang pamilya, pumili ng ilang talata na gusto ninyong talakayin sa darating na linggo.

Isaulo ang mga Talata

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit dito araw-araw o paglalaro ng memorization game.

mga taong sama-samang umaawit sa tahanan

Magbahagi ng mga Object lesson

Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nasa mga talatang binabasa ninyo bilang pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.

Pumili ng Isang Paksa

Sabihin sa mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang paksa na sama-samang pag-aaralan ng pamilya. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng mga talata tungkol sa paksa.

Magdrowing ng Isang Larawan

Basahin ang ilang talata bilang pamilya, at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga kapamilya na magdrowing ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga drowing ng isa’t isa.

Isadula ang Isang Kuwento

Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo bilang indibiduwal at bilang pamilya.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kalaban sa inyong buhay at inyong tahanan ay mababawasan. Ang pagbabago sa inyong pamilya ay magiging malaki at mapapanatili” (“Pagiging Ulirang mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 113).