“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin
Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tulungan tayong maging higit na katulad Nila. Dahil dito, kapag pinag-aralan natin ang ebanghelyo, hindi lamang tayo naghahanap ng bagong impormasyon; nais nating maging isang “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17). Nangangahulugan ito ng pag-asa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na baguhin ang ating puso, pananaw, kilos, at ang ating mga pagkatao mismo.
Ngunit ang uri ng pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapalakas sa ating pananampalataya at humahantong sa mahimalang pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang biglaan. Hindi lamang sa isang silid-aralan ito nangyayari kundi maging sa ating puso at tahanan. Nangangailangan ito ng palagian at araw-araw na pagsisikap na maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng ebanghelyo na humahantong sa tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng impluwensya ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ang gumagabay sa atin patungo sa katotohanan at nagpapatotoo sa katotohanang iyon (tingnan sa Juan 16:13). Pinalilinaw Niya ang ating isipan, pinabibilis ang ating pang-unawa, at inaantig ang ating puso sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Dinadalisay ng Espiritu Santo ang ating puso. Pinupukaw Niya sa atin ang hangaring mamuhay ayon sa katotohanan, at ibinubulong Niya sa atin ang mga paraan para magawa ito. Tunay ngang “ang Espiritu Santo … ang magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26).
Dahil dito, sa mga pagsisikap nating ipamuhay, matutuhan, at ituro ang ebanghelyo, dapat muna nating hangarin una at higit sa lahat ang patnubay ng Espiritu. Ang mithiing ito ang dapat mangibabaw sa ating mga pagpili at gumabay sa ating mga iniisip at ikinikilos. Dapat nating hangarin ang anumang nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu at iwaksi ang anumang nagtataboy sa impluwensyang iyon—sapagkat alam natin na kung magiging karapat-dapat tayo sa presensya ng Espiritu Santo, magiging karapat-dapat din tayong mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.