“Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo
Ang pagkanta ng mga himno at awitin sa Primary ay magpapala sa iyo at sa iyong pamilya sa maraming paraan. Ang mga ideyang ito ay makatutulong sa iyo na gamitin ang sagradong musika sa pagsisikap mong matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo.
-
Matuto ng mga alituntunin ng doktrina. Hanapin ang mga katotohanang itinuturo sa mga awiting kinakanta o pinakikinggan mo. Maaaring humantong ito sa talakayan sa ebanghelyo tungkol sa mga katotohanang ito sa buong maghapon. Kantahin o pakinggan ang mga himno o awitin sa Primary na nagtuturo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Bigyang-pansin ang mga paraan na nagpapatotoo ang Espiritu Santo sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.
-
Kilalanin ang kapangyarihan ng musika. Ang pagkanta o pakikinig sa mga himno at awitin sa Primary ay maaaring maging pagpapala sa mga oras ng pangangailangan. Halimbawa, sa pagkanta ng isang awitin ay mapapanatag ang isang bata sa pagtulog, lilikha ng galak kapag nagtulungan ang inyong pamilya, magpapasigla sa isang kapitbahay na maysakit, o aalo sa isang taong nababalisa.
-
Magbahagi ng mga karanasan. Ibahagi ang mga karanasan ng sarili at pamilya na nauugnay sa mga mensahe ng mga awitin. Maaari din ninyong ibahagi ang kaugnay na mga kuwento sa banal na kasulatan.
-
Isali ang iyong pamilya. Ang iyong pamilya ay marami pang matututuhan mula sa mga kanta kung sila ay aktibong nakikilahok. Para maisali ang mga miyembro ng pamilya, maaari mong anyayahan ang isang kuya o ate na tumulong sa pagtuturo ng isang awitin sa mas batang mga kapatid o anyayahan ang mga bata na ituro sa kanilang pamilya ang awiting natutuhan nila sa Primary. Maaari mo ring hayaang maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagkanta.
-
Maging malikhain. Gumamit ng iba’t ibang paraan para matutuhan ang sagradong musika bilang pamilya. Halimbawa, maaari kang gumamit ng mga galaw na may mga salita at kataga sa isang awitin. O maaari kayong maghalinhinan sa pagsasadula ng mga bahagi ng isang kanta habang sinisikap ng ibang mga miyembro ng pamilya na hulaan ang kanta. Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagkanta ng mga awitin sa iba’t ibang bilis o lakas. Ang Gospel Library app at ang Gospel for Kids app ay may mga audio recording at video na makatutulong sa inyo na matutuhan ang mga awitin. Maaari din kayong gumawa ng mga playlist ng sagradong musika na pakikinggan.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga bahaging “Paggamit ng Musika sa Pagtuturo ng Doktrina” at “Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Matandaan ang mga Himno at Awitin sa Primary,” na matatagpuan sa “Mga Tagubilin sa Oras ng Pagkanta at sa Pagtatanghal ng Musika ng mga Bata sa Sacrament” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.