Lumang Tipan 2022
Pagtuturo sa mga Batang Musmos


“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

mga magulang at batang nakatingin sa aklat

Pagtuturo sa mga Batang Musmos

Kung may mga batang musmos sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makatutulong sa kanila na matuto:

  • Umawit. Ang mga himno at mga awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay nagtuturo ng doktrina sa mabisang paraan. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang iyong mga anak na iugnay ang mga mensahe ng mga awitin sa buhay nila. (Tingnan din ang “Kabilang ang Sagradong Musika sa Iyong Pag-aaral ng Eanghelyo” sa resource na ito.)

  • Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga batang musmos ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, sa inyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan, o sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari din silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga ikinukuwento mo.

  • Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mas maliliit na bata, ngunit maaari mo silang pasalihin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong pagtuunan ang isang talata, mahalagang kataga, o salita. Baka nga maisaulo pa ng mga bata ang maiikling kataga mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ito nang ilang beses. Kapag naririnig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.

  • Tingnan ang isang larawan o panoorin ang isang video. Kapag nagpakita ka sa iyong mga anak ng isang larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa banal na kasulatan, itanong sa kanila ang mga bagay na tutulong sa kanila na matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang ipinadarama nito sa inyo?” Ang Gospel Media app, MediaLibrary.ChurchofJesusChrist.org, at children.ChurchofJesusChrist.org ay magagandang lugar para hanapan ng mga larawan at video.

  • Lumikha. Ang mga bata ay maaaring bumuo, magdrowing, o magkulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila.

  • Sumali sa mga object lesson o pakay-aralin. Ang isang simpleng object lesson ay maaaring makatulong na magpaunawa sa iyong mga anak ng isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap unawain. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makasali ang iyong mga anak. Mas marami silang matututuhan sa pakikisalamuha kaysa sa panonood lamang ng isang demonstrasyon.

  • Magdula-dulaan. Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na maranasan nila sa totoong buhay, mas higit nilang mauunawaan kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

  • Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig nang maraming beses ng mga batang musmos ang mga konsepto para maunawaan nila ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad. Halimbawa, maaari mong ikuwento nang ilang beses ang isang salaysay sa banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan—magbasa mula sa mga banal na kasulatan, magbuod sa sarili mong mga salita, magpalabas ng video, hayaang tumulong ang iyong mga anak sa pagkukuwento, anyayahan silang isadula ang kuwento, at kung anu-ano pa.