“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29: ‘Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
Marso 22–28
Doktrina at mga Tipan 29
Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao
Ang pinakamahalagang paraan para maghandang ituro ang Doktrina at mga Tipan 29 ay mapanalanging pag-aralan ito at hangarin ang patnubay ng Espiritu. Isipin ang iba pang mga paraan para maanyayahan ang Espiritu sa buhay mo, tulad ng pag-aayuno, pagdalo sa templo, o paglilingkod sa iba.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sa Doktrina at mga Tipan 29:5, sinabi ng Panginoon sa mga Banal, “Pasiglahin ang inyong mga puso at magalak.” Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral o sa pag-aaral ng pamilya na naghihikayat sa kanila na “pasiglahin ang [kanilang] puso at magalak.”
Ituro ang Doktrina
Ang Ama sa Langit ay naghanda ng isang plano para sa ating kadakilaan.
-
Ang isang paraan para maghikayat ng pag-aaral sa tahanan ay ang magsimula sa mga aktibidad na matatagpuan sa outline para sa linggong kasalukuyan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Halimbawa, maaari mong ilista sa pisara ang mga bahagi ng plano ng kaligtasan, tulad ng buhay bago isilang, Paglikha, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at iba pa. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 29 tungkol sa mga bahaging ito ng plano. Maaari mo pa ngang ipabahagi sa kanila kung ano ang ituturo nila mula sa bahaging ito sa isang taong walang alam tungkol sa plano ng Diyos.
Doktrina at mga Tipan 29:1–8, 14–21
Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung bakit tinitipon ni Jesucristo ang Kanyang mga tao, maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talata 1–8 at talakayin ang mga tanong tungkol sa pagtitipon, tulad ng: Paano natin naranasan ang pagtitipon at pagprotekta ni Cristo sa atin, na tulad ng pagtitipon at pagprotekta ng inahing manok sa mga sisiw nito? Paano tayo nagtitipon sa Tagapagligtas? (tingnan, halimbawa, sa talata 2). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila napagpala ng pagtitipon at pagsamba na kasama ng iba pang mga miyembro ng Simbahan.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na isipin ang kanilang responsibilidad na tulungan ang Ama sa Langit na tipunin ang Kanyang mga anak, maaari mong ibahagi ang mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources.” Ano ang matututuhan natin sa mga mensaheng ito tungkol sa pagtitipon? Paano napapatibay ng mga mensaheng ito ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 29:1–8?
-
Maaaring makabagabag sa mga miyembro ng klase ang ilan sa mga kaganapan sa mga huling araw na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 29:14–21. Ipabahagi sa kanila kung ano ang pakiramdam nila. Bakit tayo binabalaan ng Panginoon tungkol sa mga kaganapang ito? Anong nakapapanatag na mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas at sa pagtitipon mula sa mga mga talata 1–8? Paano tayo tinutulungan ng pagtitipon na asamin ang mga kaganapang ito nang may pananampalataya sa halip na takot? Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong kantahin ang isang himno tungkol sa pagtitipon, tulad ng “Israel, Diyos ay Tumatawag” (Mga Himno, blg. 6), at talakayin kung ano ang itinuturo ng himno tungkol sa pagtitipon ng Israel.
Doctrina at mga Tipan 29:34–35
Bawat utos ng Panginoon ay espirituwal.
-
Kahit maaaring tila temporal ang ilang kautusan, lahat ng kautusan ay espirituwal sa Panginoon. Para maunawaan ang katotohanang ito, maaaring basahin nang sama-sama ng mga miyembro ng klase ang mga talata 34–35 at ilista ang ilang kautusan sa pisara, pati na ang espirituwal na mga alituntunin at pagpapalang nauugnay sa bawat isa. Maaari silang magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay o mula sa mga banal na kasulatan na nakatulong sa kanila na makita ang pagiging likas na espirituwal ng mga utos ng Diyos. Paano nakakaapekto ang aktibidad na ito sa paraan ng pagtingin natin sa mga kautusan?
Karagdagang Resources
Pakikibahagi sa pagtitipon ng Israel.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!
“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa magkabilang panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa. …
“Inilaan na ng ating Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na espiritu—marahil, masasabi kong, ang pinakamagaling Niyang grupo—sa huling yugtong ito. Ang mararangal na espiritung iyon—ang pinakamagagaling na tauhang iyon, ang mga bidang iyon—ay kayo!” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], ChurchofJesusChrist.org).