“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92: ‘Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
Agosto 16–22
Doktrina at mga Tipan 89–92
“Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako”
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga alituntuning namukod-tangi sa iyo habang pinag-aaralan mo ang mga bahagi 89–92 sa linggong ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Narito ang mga tanong na magagamit mo upang hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay mula sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan: Ano ang nabasa ninyo sa linggong ito na nagpalakas sa inyong pananampalataya kay Jesucristo? sa pagkatawag kay Joseph Smith bilang propeta? Ano ang nabasa ninyo na mas nagpaunawa sa inyo sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?
Ituro ang Doktrina
Ang Word of Wisdom ay isang “alituntunin na may lakip na pangako.”
-
Maaaring ituring ng maraming tao ang Word of Wisdom na isang listahan lamang ng mga “dapat gawin” at “hindi dapat gawin.” Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga alituntuning nakapaloob sa tagubiling ito, anyayahan silang saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 89 na nasasaisip ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod: Bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang Word of Wisdom? Ano ang itinuturo sa atin ng paghahayag na ito tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano para sa atin? Maaaring makatulong ang pahayag sa “Karagdagang Resources.” Kung sa tingin mo ay makakabuti sa mga miyembro ng klase, maaari mo silang anyayahang ilista sa pisara ang nakapagpapalusog na gawain at mapanganib na mga gawain na tinukoy ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 89:5–17. Pagkatapos ay maaari nilang rebyuhin ang “Kalusugang Pisikal at Emosyonal” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (25–27) at idagdag sa kanilang listahan ang iba pang mga bagay na makikita nila. Paano natupad ang mga pangako sa mga talata 18–21 sa ating buhay?
-
Narito ang isa pang paraan para matalakay ng mga miyembro ng klase ang mga alituntunin sa Word of Wisdom. Maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at hilingin sa bawat grupo na basahin ang bahagi 89, na hinahanap ang mga sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong: Anong mga alituntunin ang makapaghihikayat sa isang tao na nahihirapang sundin ang Word of Wisdom? Anong mga alituntunin ang makakatulong sa atin na hindi maging mapanghusga sa mga taong nagsisikap na sundin ito? Anong mga alituntunin ang makakaaliw sa atin kapag mayroon tayong mga problema sa kalusugan sa kabila ng pagsunod sa Word of Wisdom? Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mong ibahagi ang karanasan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa training para maging fighter pilot (tingnan sa “Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 58). Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pagbulayan ang isang bagay na naisip nilang gawin sa oras ng talakayan, at bigyan sila ng panahon na isulat ang kanilang mga impresyon.
Hawak ng Unang Panguluhan ang “mga susi ng kaharian.”
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ng mga miyembro ang Doktrina at mga Tipan 90:1–17 para malaman ang tungkol sa Unang Panguluhan. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa tahanan mula sa aktibidad na ito, o maaari ninyong saliksikin ang mga talatang ito bilang isang klase. Maaari ding maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga parirala sa “Halina, Tinig ng Propeta’y Dinggin” (Mga Himno, blg. 14) o sa isa pang awitin tungkol sa mga propeta na may kaugnayan sa mga turo sa mga talatang ito. Paano nakatulong ang paglilingkod ng Unang Panguluhan na makilala ninyo ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
“Ang Espiritu ay nagpapahayag ng katotohanan.”
-
Sa mundo ngayon, lantad tayo sa mga mensaheng kinapapalooban ng “maraming bagay … na totoo” at ng “maraming bagay … na hindi totoo” (mga talata 1–2). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin sa bahagi 91 ang payo tungkol sa Apocripa na makakatulong sa kanila na mahiwatigan ang katotohanan sa mga mensaheng natatagpuan nila. Anong mga halimbawa ang maibabahagi nila kung paano sila natulungan ng Espiritu na mahiwatigan ang katotohanan?
Karagdagang Resources
Ang Word of Wisdom.
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer:
“Ang Word of Wisdom ay ‘ibinigay bilang isang alituntunin na may lakip na pangako’ [Doktrina at mga Tipan 89:3]. Ang salitang alituntunin sa paghahayag ay napakahalaga. Ang alituntunin ay isang walang hanggang katotohanan, isang batas, isang patakaran na magagamit para gumabay sa inyong mga pagpapasiya. Karaniwan na ang mga alituntunin ay hindi ipinaliliwanag nang detalyado. Dahil diyan kayo ang magpapasiya gamit ang walang hanggang katotohanan, ang alituntunin, bilang inyong batayan.
“Sumusulat ang mga miyembro sa amin at nagtatanong kung ang bagay na ito o iyon ay labag sa Word of Wisdom. Alam natin na ang tsaa, kape, alak, at tabako ay labag dito. Hindi ito naipaliwanag nang mas detalyado. Sa halip, itinuturo natin ang alituntunin nang magkakasama at nang may mga pangakong pagpapala. Maraming mga sangkap o bagay na nakakagawian at nakalululong na maaaring mainom o manguya o masinghot o maiturok na makapipinsala kapwa sa katawan at sa espiritu na hindi binanggit sa paghahayag. …
“Igalang ang alituntunin ng Word of Wisdom at tatanggapin ninyo ang ipinangakong mga pagpapala” (“The Word of Wisdom: The Principle and the Promises,” Ensign, Mayo 1996, 17–18).