“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84: ‘Ang Kapangyarihan ng Kabanalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Hulyo 26–Agosto 1
Doktrina at mga Tipan 84
“Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”
Ano ang gagawin mo para anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 84?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isa pang miyembro ng klase ang isang katotohanan na natagpuan nila sa bahagi 84 na nakahikayat o nakatulong sa kanila na mas maunawaan ang priesthood ng Diyos. Pagkatapos ay anyayahan ang ilan na magbahagi sa klase.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 84:1–5, 17–28, 31–42
May access tayong lahat sa kapangyarihan ng priesthood at mga pagpapala ng Diyos.
-
Sinimulan ng Panginoon ang “paghahayag sa pagkasaserdote” (Doktrina at mga Tipan 84, section heading) sa pagtuturo na isang templo ang itatayo sa Sion (tingnan sa mga talata 1–5). Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase ang kaugnayan sa pagitan ng mga sagradong layunin ng mga templo at ng priesthood? Maaari kang magsimula sa pagsulat ng isang tanong sa pisara tulad ng Ano ang mga layunin ng priesthood? at pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 84:17–28, 31–42. Paano tumutulong ang mga templo at ordenansa sa templo na matupad ang mga layuning ito?
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kapangyarihang maaaring idulot ng priesthood sa kanilang buhay, maaari mo silang anyayahang basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:17–28 at isipin kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala ang priesthood ng Diyos. Hikayatin silang ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa priesthood, kasama ang naging mga karanasan nila sa kapangyarihan ng priesthood—sa kanilang mga pamilya, tungkulin, o personal na buhay. Paano tayo nagkakaroon ng access sa kapangyarihan ng priesthood?
-
Ang sumpa at tipan ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:31–42) ay may espesyal na kaangkupan para sa mga taong inorden sa isang katungkulan sa priesthood. Ngunit marami sa mga ipinangakong pagpapala sa mga talatang ito ay para sa lahat. Para maipakita sa mga miyembro ng klase kung paano naaangkop ang mga pangakong ito sa kanila, maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talata 33–42 at pag-usapan kung paano tayo maaaring “tumanggap” ng priesthood (talata 35), at paano natin matatanggap ang mga lingkod ng Panginoon, at ang Panginoon. Maaari din nilang basahin ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” para malaman kung ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng priesthood. Maaari mong tulungan ang mga miyembro ng klase na isipin kung ano ang maaaring napapaloob sa “lahat ng mayroon [ang] Ama” (talata 38), tulad ng kanyang mga katangian at klase ng buhay na tinatamasa niya. Ano pa ang hinahangaan natin tungkol sa mga talata at pahayag na ito?
Doktrina at mga Tipan 84:61–88
Pagtitibayin ng Panginoon ang mga taong naglilingkod sa Kanya.
-
Bagama’t ang mga talatang ito ay nauukol sa mga taong “hahayo at mangangaral ng ebanghelyong ito ng kaharian” (talata 80), marami sa mga alituntuning naroon ay maiaangkop sa sinumang naglilingkod sa Diyos. Maaari mong bigyan ang bawat miyembro ng klase ng isang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 84:61–88 para basahin at hilingan silang ibahagi sa isa pang miyembro ng klase ang natutuhan nila na maaaring umangkop sa lahat ng naglilingkod sa Panginoon. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isang paboritong talata o grupo ng mga talatang isasaulo o ididispley kung saan makikita nila ito araw-araw. Anong mga pangako ang lubos nilang kinatutuwaan? Ano ang ibabahagi natin mula sa mga talatang ito para bigyang-inspirasyon ang mga full-time missionary ngayon o ang mga naghahandang maglingkod?
Karagdagang Resources
Matatanggap ng lahat ang lahat ng mayroon ang Ama.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mapaglingkuran ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama” (“Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 32).
Isinulat ng unang panguluhan ng Relief Society sa Salt Lake Stake noong 1878: “Talagang nagpapasalamat kami na sa pagpapala ng ating Ama sa Langit, tayo, na Kanyang mga alipin, ay tinawag na maging mga kapwa-manggagawa ng ating mga kapatid sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa, sa pagtulong na magtayo ng mga Templo, kung saan makatatanggap tayo ng mga pagpapala para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Sa lahat ng ordenansang natatanggap sa Bahay ng Panginoon, ang babae ay nakatayo sa tabi ng lalaki, kapwa para sa mga buhay at sa mga patay, na nagpapakita na ang lalaki ay hindi maaaring walang babae ni ang babae ay walang lalaki sa Panginoon” (Mary Isabella Horne, Elmina S. Taylor, at Serepta M. Heywood, “To the Presidents and Members of the Relief Society of Salt Lake Stake of Zion, Greeting!” Woman’s Exponent, Ene. 15, 1878, 123).