“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93: ‘Tumanggap ng Kanyang Kaganapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
Agosto 23–29
Doktrina at mga Tipan 93
“Tumanggap ng Kanyang Kaganapan”
Ang mga taong tinuturuan mo ay katangi-tanging mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng mga Magulang sa Langit at may banal na potensyal. Matapos pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 93, ano ang nahihikayat kang gawin para tulungan silang lumago sa “liwanag at katotohanan”? (talata 36).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat sa pisara ang Sa Doktrina at mga Tipan 93, inanyayahan tayo ni Jesucristo na … Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga paraan na makukumpleto nila ang pangungusap.
Ituro ang Doktrina
Sinasamba natin ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 93, maaaring maraming nakitang katotohanan ang mga miyembro ng klase tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natuklasan nila. Maaari mo ring hatiin ang klase sa mga grupo at bigyan ang bawat grupo ng ilang talata na sama-sama nilang pag-aaralan. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo sa klase ang natutuhan nila “kung paano sumamba, at … kung ano ang sinasamba [natin]” (talata 19).
Maaari nating “tanggapin ang [kaganapan ng Diyos], at maluluwalhati [tayo].”
-
Ang Doktrina at mga Tipan 93 ay naglalaman ng maraming katotohanan tungkol sa ating walang-hanggang pagkatao at potensyal bilang mga anak ng Diyos. Maaaring natuklasan na ng ilang miyembro ng klase ang mga katotohanang ito sa pag-aaral nila ng bahagi 93 sa bahay (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Yaong mga gumawa nito ay maaaring ibahagi ang kanilang natuklasan, at maaari ninyong tuklasin ang iba pang mga katotohanan bilang isang klase. Paano maaapektuhan ng mga katotohanang ito ang paraan ng pagtrato natin sa mga tao sa ating paligid—o sa ating sarili?
-
Narito ang isa pang paraan para malaman ang ating walang-hanggang pagkatao at potensyal: maaaring sama-samang basahin ng mga miyembro ng klase ang talata 24 at isulat sa pisara ang tatlong heading na Tayo ngayon, Tayo noon, at Tayo sa hinaharap. Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at hilingin sa bawat grupo na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 93:6–39, na naghahanap ng mga katotohanan tungkol sa kung sino tayo sa kasalukuyan, sa nakaraan, o sa walang-hanggang hinaharap. Maaaring isulat ng bawat grupo sa ilalim ng mga heading ang nahanap nila. Paano nakakaimpluwensya ang mga katotohanang ito sa ating mga pagpapasiya?
Doktrina at mga Tipan 93:40–50
Inuutusan tayong “isaayos ang [ating] sariling tahanan.”
-
Ang utos na “isaayos ang inyong sariling tahanan” (talata 43) ay hindi tungkol sa pag-oorganisa ng mga aparador at kabinet kundi tungkol sa pagtuturo—at pagkatuto—ng “liwanag at katotohanan” (talata 42). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila sinisikap na sundin ang payong ito. Ano ang ilang hamong kinakaharap nila? Anong mga katotohanan o alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 93 ang makakatulong?
-
Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa mga talatang ito, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang ilang bahagi ng mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon” (Liahona, Mayo 2019, 22–25) at ibahagi ang anumang mga kabatirang may kaugnayan sa mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 93:40–50. (Tingnan din ang pahayag sa “Karagdagang Resources.”)
Karagdagang Resources
“Tiyaking sila ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan.”
Itinuro ni Elder David A. Bednar:
“Sa opisina ko ay may magandang painting ng taniman ng trigo. Ang painting ay malaking koleksiyon ng bawat hagod ng pinsel---at wala ni isa sa mga hagod na ito ang maganda o kahanga-hanga kung nag-iisa ito. Katunayan, kung nakatayo ka malapit sa canvas, ang makikita mo lang ay isang tumpok ng tila di-magkakaugnay at di-nakakaakit na mga hagod ng pinturang kulay dilaw at ginto at brown. Gayunman, kapag dahan-dahan kang lumayo sa canvas, nagsasama-sama ang bawat hagod ng pinsel at lumilikha ito ng napakagandang tanawin ng taniman ng trigo. Maraming karaniwan at paisa-isang hagod ng pinsel ang nagtutulungan upang makalikha ng isang kaakit-akit at magandang dibuho.
“Bawat panalangin ng pamilya, bawat pag-aaral ng banal na kasulatan, at bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa. Walang iisang pangyayari na magmumukhang kaakit-akit para hangaan nang husto o manatili sa alaala. Ngunit tulad ng mga hagod ng pinturang kulay dilaw at ginto at brown na bumagay sa isa’t isa at lumikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay. ‘Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila’ (D at T 64:33). Ang hindi pagbabagu-bago ay mahalagang tuntunin sa paglalatag natin ng pundasyon ng dakilang gawain sa sari-sarili nating buhay at sa pagiging mas masigasig at mapagmalasakit sa sarili nating tahanan” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 19–20).