Lumang Tipan 2022
Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34: “Ako’y Sasaiyo”


“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34: ‘Ako’y Sasaiyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jehova na nagpapakita kay Moises at sa mga elder ng Israel

Paglalarawan kay Jehova na nagpapakita kay Moises at sa 70 elder ng Israel, ni Jerry Harston

Abril 25–Mayo 1

Exodo 24; 31–34

“Ako’y Sasaiyo”

Hayaang gabayan ka ng mga salitang ito mula kay Elder Jeffrey R. Holland sa iyong paghahandang magturo: “Karamihan sa mga tao ay hindi nagsisimba para lamang maghanap ng ilang bagong katotohanan ng ebanghelyo. … Nagsisimba sila para maghanap ng espirituwal na karanasan. … Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at mapanibago ang kanilang pag-asa” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring isipin ng mga miyembro ng klase na ang sabi ng isang kaibigan ay, “Hindi ko binabasa ang Lumang Tipan; mukha namang walang kaugnayan ito sa buhay ko.” Hilingin sa kanila na tumugon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang bagay na makabuluhan para sa kanila sa pag-aaral nila ng Lumang Tipan kamakailan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Exodo 31:12–17

Iginagalang natin ang Sabbath bilang tanda ng ating katapatan sa Panginoon.

  • Maaari kang magsimula sa pagtatanong sa mga miyembro ng klase kung kinailangan ba nilang ipaliwanag sa isang kapamilya o kaibigan kung bakit iba ang pagtrato nila sa mga araw ng Linggo kaysa sa ibang mga araw. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang sinabi o ang maaari nilang sabihin sa hinaharap. Ang pagbabasa sa Exodo 31:12–17 o sa pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring magbigay sa kanila ng karagdagang mga ideya. Paano nagpapamalas ng ating katapatan kay Jesucristo ang ating mga pagpili sa araw ng Sabbath?

  • Kahit hindi angkop ang mga parusang nakalarawan sa Exodo 31:14–15 ngayon, ipinahihiwatig ng mga ito kung gaano katindi ang damdamin ng Panginoon tungkol sa Sabbath. Bakit napakahalaga ng kautusang ito? Makakatulong ang pagtalakay sa mga talatang ito: Exodo 31:12–17; Isaias 58:13–14; Doktrina at mga Tipan 59:9–13.

    Larawan
    mga taong naglalakad sa harap ng Simbahan

    Sa paggalang sa araw ng Sabbath, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon.

Exodo 32; 34:1–17

Ang kasalanan ay pagtalikod sa Diyos, ngunit nag-aalok Siya ng daan para makabalik.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na magnilay-nilay at gawing personal ang kuwento sa Exodo 32, hilingin muna sa kanila na rebyuhin ang kabanata nang mag-isa o sa mga grupo. Pagkatapos ay hilingin sa ilang miyembro ng klase na isiping sila ay mga Israelitang nainip sa paghihintay na bumalik si Moises at nagpasiyang gumawa ng ginintuang diyus-diyusan. Anong mga damdamin ang maaaring nagtulak sa kanila na sumamba sa diyus-diyusan? Maaaring subukan ng iba pang mga miyembro ng klase na himukin silang manatiling tapat sa Panginoon at sa Kanyang propeta. Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase kung ano ang nagbibigay-inspirasyon sa kanila na tuparin ang kanilang mga tipan. Ano ang magagawa natin para matulungan yaong mga nahihirapang tuparin ang kanilang mga tipan?

  • Kapag binabasa ng mga tao ang Lumang Tipan, nagugulat sila kung minsan sa mahihigpit na parusang iniutos ng Panginoon para sa kasalanan. Matutulungan sila ngExodo 34:1–9 na makita na bagama’t hindi pinalalampas ng Diyos ang kasalanan, maawain din Siya, na nag-aalok ng kapatawaran sa mga nagsisisi. Marahil ay mababasa ng mga miyembro ng klase ang talatang ito at mapagninilayan ang mga tanong na katulad ng mga ito: Ano ang malalaman natin tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito? Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanya? Maaari mong ipaliwanag na nililinaw sa Joseph Smith Translation, Exodo 34:7 (sa Exodo 34:7, talababa e) na hindi “ituturing na walang sala ang suwail” (sa halip na “ituring na walang sala ang may sala”). Ano ang ibig sabihin nito? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nasaksihan ang awa ng Diyos. Paano naging posible sa Diyos na maging lubos na maawain at makatarungan? (tingnan sa Alma 42:13–15).

  • Ang Exodo 34:6–17 ay maituturing na isang tagubilin upang tulungan ang mga Israelita na pagsisihan ang kanilang kasalanan na pagsamba sa diyus-diyusan (na nakalarawan sa Exodo 32). Ano ang nakikita natin sa mga talatang ito na maaaring nakatulong sa mga Israelita na magsisi? Ano ang natututuhan natin tungkol sa Panginoon at sa pagsisisi mula sa tagubiling ito?

Exodo 33:11–17

Kailangan natin ang presensya ng Diyos sa ating buhay.

  • Paano mo tutulungan ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang sinabi ng Panginoon kay Moises sa Exodo 33:11–17? Maaari kang magsimula sa pagrerebyu ng gawaing kinailangan pa ring ipatupad ng Diyos kay Moises (tingnan sa Exodo 33:1–3). Ano ang nakikita natin sa mga talata 11–17 na nagpalakas at nakaaliw kay Moises? Maaaring mag-isip ang mga miyembro ng klase ng isang bagay na nais ipagawa sa kanila ng Diyos—tulad ng pagganap sa isang tungkulin sa Simbahan, isang responsibilidad sa pamilya, o isang pagkakataong maglingkod. Pagkatapos ay maaari nilang basahing muli ang mga talata. Anong mga kabatiran ang natatamo natin kung paano tayo susuportahan ng Diyos?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang Sabbath ay isang tanda.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat gawin at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon nagiging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magturo sa pamamagitan ng Espiritu. “Ang pinakalayunin ng lahat ng ginagawa ng isang guro ng ebanghelyo—bawat tanong, bawat talata sa banal na kasulatan, bawat aktibidad—ay anyayahan ang Espiritu na patibayin ang pananampalataya at anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).

Print