Lumang Tipan 2022
Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: “Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti”


“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: ‘Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Moises na inoorden si Josue

Paglalarawan kay Moises na inoorden si Josue, ni Darrell Thomas

Mayo 23–29

Josue 1–8; 23–24

“Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti”

Habang binabasa mo ang Josue 1–8 at 23–24, isipin ang payo na “pagbubulay-bulayan araw at gabi” (Josue 1:8). Bigyang-pansin ang mga paramdam na dumarating. Maaaring humantong ang mga ito sa mga ideya sa pagtuturo para sa klase mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang talata mula sa binasa nila sa linggong ito na nagpalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Halimbawa, maaaring napagnilayan nila ang mga paraan na ipinapaalala sa kanila ng misyon ni Josue si Jesucristo. Bakit tayo nagpapasalamat para sa mga kuwento sa aklat ni Josue?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Josue 1:1–9

“Magpakalakas at magpakatapang na mabuti.”

  • Sinabihan si Josue, “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti” nang ilang beses (tingnan sa Deuteronomio 31:7, 23; Josue 1:6–7, 9). Marahil ay makikinabang ang mga miyembro ng klase sa pagtalakay kung ano ang ibig sabihin ng Panginoon sa katagang ito. Maaari nilang saliksikin ang Josue 1:1–9 para sa payo na ibinigay ng Panginoon kay Josue upang tulungan siyang maging malakas at matapang. Maaari din silang magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong kilala nila na may ganitong mga katangian. Paano nagpakita ng lakas at tapang si Josue sa mga salaysay na matatagpuan sa aklat ni Josue? (halimbawa, tingnan sa mga kabanata 3, 6, at 8). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila sinisikap na maging malakas at matapang para kay Cristo.

Josue 1:8

Mapapaginhawa ng salita ng Diyos ang ating lakad.

  • Para mahikayat ang mga miyembro ng klase sa pag-aaral nila ng banal na kasulatan nang personal at sa pamilya, maaari ninyong basahin ang Josue 1:8 bilang isang klase. Ano ang natututuhan natin sa talatang ito kung paano pag-aralan ang mga banal na kasulatan? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang ginagawa nila para “pagbulay-bulayan” ang mga banal na kasulatan “araw at gabi.” Paano nagawa ng Panginoon na “[paginhawahin] ang [ating] lakad” at nabigyan tayo ng “tagumpay” nang pag-aralan natin ang Kanyang salita?

    Larawan
    babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

    Magagawa ng salita ng Diyos na “paginhawahin ang [ating] lakad” (Josue 1:8).

Josue 3–4

Maaari nating maranasan ang “mga kababalaghan” ng Diyos.

  • Marahil ay makikinabang ang mga miyembro ng klase sa maikling pagrerebyu ng salaysay tungkol sa pagtawid ng mga Israelita sa Ilog Jordan. Maaari mong hatiin ang klase nang magkakapares at anyayahan ang bawat magkapares na ibahagi ang kuwento sa isa’t isa, at maghalinhinan sa pagsasabi ng paisa-isang pangungusap (hikayatin silang tumingin sa Josue 3 kung kailangan nila ng tulong na maalaala ang kuwento). Pagkatapos, bilang isang klase, maaari nilang talakayin ang anumang mga detalye na namukod-tangi sa kanila. Ano ang natututuhan natin sa kuwentong ito na makakatulong sa atin na maranasan ang “mga kababalaghan” ng Panginoon sa ating buhay? (talata 5). Anong “mga kababalaghan” ang nagawa Niya para sa atin? Bakit mahalagang magkaroon ang bawat henerasyon ng mga espirituwal na karanasan na nagtuturo sa kanila na “makapangyarihan … ang Panginoon”? (Josue 4:24).

  • Bagama’t kailangan nating lahat na magkaroon ng sarili nating mga karanasan na nagpapalakas ng pananampalataya, mahalaga ring maalaala ang nagawa ng Panginoon para sa ating mga ninuno. Ayon sa Josue 4, ano ang ginawa ng mga Israelita para matulungan ang darating na mga henerasyon na maalaala ang pagtawid sa Ilog Jordan? (tingnan sa Josue 4:1–7). Ano ang ginagawa natin upang matiyak na hindi malimutan ng darating na mga henerasyon ang ating mga karanasan?

Josue 6–8

Ang pagsunod ay naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ko.

  • Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagmumungkahi na ikumpara ang mga pakikibaka ng mga Israelita laban sa mga Cananeo sa Josue 6–8 sa ating sariling mga pakikibaka laban sa tukso. Maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang naging mga saloobin o impresyon nila habang binabasa nila ang mga kabanatang ito na isinasaisip ang pagkukumparang ito. O maaari ninyo silang ituro sa partikular na mga talata na tila mahalaga sa ating mga pakikibaka upang makaiwas sa pagkakasala, at maaari nilang pag-usapan kung ano ang itinuturo ng mga talatang iyon tungkol sa pagtatamo ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Maaaring kabilang sa mga talatang ito ang Josue 6:1–5, 18, 20; 7:11–13.

Josue 23–24

“Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.”

  • Marahil ay matutulungan nito ang mga miyembro ng klase na iangkop ang Josue 23–24 sa kanilang sarili kung inisip nila na kunwari’y sila ang mga Israelitang nakikinig sa payo ni Josue sa huling sandali ng kanyang buhay. Maaari mo silang bigyan ng ilang talatang babasahin nang tahimik at pagkatapos ay hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay mula sa mga talatang iyon na naghikayat sa kanila na manatiling tapat sa Panginoon. Maaari din nilang ibahagi kung paano sila personal na nagpasiya kung “sino ang [kanilang] paglilingkuran” (Josue 24:15). Bakit nila ginawa ang desisyong ito?

  • Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang parirala mula sa Josue 23–24 na naghihikayat sa kanila na magpasiyang paglingkuran ang Diyos at pagkatapos ay gumawa ng isang poster o meme gamit ang pariralang ito na ididispley sa bahay o sa social media.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang espirituwal na paglago ay nangyayari sa bahay. Ang mga miyembro ng klase mo ay kailangang magkaroon ng sarili nilang mga espirituwal na karanasan sa labas ng klase upang manatiling espirituwal na matatag. Humanap ng mga paraan para magamit ang maikling oras ninyo sa kanila na hikayatin silang magkaroon ng espirituwal na pangangalaga sa mga banal na kasulatan sa bahay—nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 18.)

Print