Lumang Tipan 2022
Mayo 2–8. Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19: “Banal sa Panginoon”


“Mayo 2–8. Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19: ‘Banal sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 2–8. Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
São Paulo Brazil Temple

Mayo 2–8

Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19

“Banal sa Panginoon”

Kapag mayroon kang makabuluhang mga karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makakaya mong magturo at magpatotoo kapag nakipagkita ka sa mga miyembro ng klase sa Linggo. Ano ang magagawa mo para mahikayat ang mga miyembro ng klase na gawin din iyon?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang mga kabanata sa babasahin sa linggong ito ay gumagamit ng mga simbolo para magturo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na isulat o idrowing sa pisara ang isang bagay na natagpuan nila sa Exodo 35–40 o Levitico 1; 16; 19 na nagturo sa kanila tungkol sa Tagapagligtas. Anyayahan silang ibahagi ang nalaman nila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Exodo 35–40

Nais ng Panginoon na maging banal tayo na tulad Niya.

  • Nang pag-aralan ng mga miyembro ng klase ang Exodo 35–40 sa linggong ito, maaaring napagnilayan nila kung paano ibinabaling ng mga elemento ng sinaunang tabernakulo ang kanilang mga isipan kay Jesucristo. Kung ginawa nila ito, hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga iniisip. Maaaring makatulong ang table sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya sa talakayang ito. Maaari mo ring ibahagi kung ano ang itinuturo ng mga simbolong ito na may kaugnayan sa tabernakulo tungkol sa pagiging mas banal. Paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na maging mas banal?

  • Para sa marami, ang ideya ng pagiging mas banal ay tila imposibleng makamtan. Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase na ang pagiging banal ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin? Maaari ninyong sama-samang basahin ang pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring sa “Karagdagang Resources.” Ano ang ibig sabihin ng maging banal? Paano tayo tinutulungan ng ating mga templo sa mga huling araw at ng gawaing ginagawa natin doon na maging mas banal? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:19–24; 109:6–26; 128:15–18). Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila—o sa ibang mga kakilala nila—ang mga bagay na ito na maging mas banal.

  • Ang tabernakulo ng mga Israelita sa ilang ay katulad ng ating mga templo sa mga huling araw sa maraming paraan. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista ang mga bagay na natutuhan nila tungkol sa tabernakulo sa Exodo 35–40 na nagpapaalala sa kanila ng nararanasan natin sa templo. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mo silang ituro sa mga talata sa Exodo 40 na tumutukoy sa isang tabing, mga altar, sagradong kasuotan, mga paghuhugas, at mga pagpapahid langis. Paano tayo tinutulungan ng templo na lumapit kay Cristo? Ano ang magagawa natin para maituon sa Kanya ang ating oras sa templo?

Levitico 1:1–9; 16

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong mapatawad.

  • Bagama’t ang ideyang pag-aalay ng hayop ay maaaring tila kakaiba sa atin ngayon, marami tayong matututuhan sa kaugaliang ito tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Para magpasimula ng isang talakayan, maaari kang magdispley ng mga larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 5657). Maaaring magbahagi ng mga salita ang mga miyembro ng klase na sa pakiramdam nila ay may kaugnayan sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Levitico 1:1–9 o Levitico 16, na naglalarawan sa pag-aalay ng mga hayop, at hanapin ang mga salita na sa pakiramdam nila ay may kaugnayan din sa sakripisyo ng Tagapagligtas. Paano higit na maipauunawa sa atin ng mga sinaunang sakripisyong ito ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Maaaring kantahin ng mga miyembro ng klase ang isang himno tungkol sa Tagapagligtas at ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa Kanya.

    Larawan
    mga sinaunang tao na nagdadala ng mga handog sa pagtatayo ng tabernakulo

    Nagbigay ng mga handog ang mga anak ni Israel para sa tabernakulo nang may “mapagbigay na puso” (Exodo 35:5). Paglalarawan ni Corbert Gauthier, © Lifeway Collection/lisensyado ng goodsalt.com

  • Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na ikumpara ang mga sakripisyong ipinagawa ng Panginoon sa panahon ng Lumang Tipan sa mga sakripisyong hinihiling Niya sa atin ngayon. Halimbawa, maaari nilang ilista ang mga paraan na nagsasakripisyo tayo para sa Panginoon at sa Kanyang gawain, tulad ng paglilingkod sa mga katungkulan, pagbabayad ng mga handog-ayuno, paggawa ng gawain sa family history, o paglilingkod sa isa’t isa. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Levitico 1:1–9 at anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga elemento ng mga handog na inilarawan sa mga talatang ito na maaaring iugnay sa mga handog na hinihiling sa atin ng Panginoon ngayon (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 64:34). Ano ang matututuhan natin mula sa Moises 5:7 kung paano natin dapat ituring ang ating mga sakripisyo para sa gawain ng Panginoon?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Magagawa tayong banal ng Diyos.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring:

“Ang mas malaking kaligayahan ay mula sa higit na personal na kabanalan. … Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na bukod sa iba pang bagay, tayo ay mapababanal o magiging mas banal kapag nananampalataya tayo kay Cristo, ipinakikita ang ating pagsunod, nagsisisi, nagsasakripisyo para sa Kanya, tinatanggap ang mga sagradong ordenansa, at tinutupad ang ating mga tipan sa Kanya. …

“Ang himnong ‘Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan’ [Mga Himno, blg. 80] ay nagmumungkahi kung paano hihingi ng tulong na maging mas banal. Matalinong iminumungkahi ng awtor na ang kabanalang hanap natin ay kaloob mula sa mapagmahal na Diyos, na ibinibigay sa paglipas ng panahon, matapos ang lahat ng ating magagawa” (“Kabanalan at ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2019, 100–101, 103).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng sagradong musika. Mapapatibay ng mga mensahe sa mga himno ang doktrina sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaaring mapatibay ng pagkanta ng isang himnong gaya ng “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” o “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 80, 115) ang ilan sa mga mensaheng itinuturo sa Levitico 16 at 19.

Print