Lumang Tipan 2022
Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: “Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”


“Mayo 16-22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: ‘Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Moises na nakatayo sa bundok

Paglalarawan kay Moises sa Bundok ng Nebo, © Providence Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Mayo 16–22

Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34

“Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”

Nabigyang-inspirasyon si Moises na turuan ang mga anak ni Israel batay sa kanilang mga pangangailangan (tingnan sa Deuteronomio 6:1). Habang pinag-aaralan mo ang Deuteronomio, maghangad ng inspirasyon na malaman ang mga alituntuning ituturo, batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Dahil nasa Deuteronomio ang mga huling salita ni Moises sa mga anak ni Israel, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na nakita nila sa Deuteronomio na gugustuhin nilang isama sa huling habilin nila sa kanilang mga anak o apo. Habang nagbabahagi sila, hilingin sa kanila na ipaliwanag kung bakit nila pinili ang mga salitang iyon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Deuteronomio 6:4–7, 20–25; 8:2–5, 11–17; 29:18–20; 30:6–10, 15–20

Nais ng Panginoon na mahalin natin Siya nang buong puso.

  • Sa buong Deuteronomio, may mga talatang maghihikayat sa atin na isipin ang espirituwal na kalagayan ng ating puso. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga saloobin tungkol sa mga talatang ito, maaari kang magdrowing ng isang puso sa pisara. Pagkatapos ay hatiin ang sumusunod na mga talata sa mga banal na kasulatan sa mga miyembro ng klase: Deuteronomio 6:4–7, 20–25; 8:2–5, 11–17; 29:18–20; 30:6–10, 15–20. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang reperensya sa loob ng puso kung nagtuturo ito ng isang bagay na dapat nating isapuso o isulat ang reperensya sa labas ng puso kung nagtuturo ito ng isang bagay na dapat nating iwasan. Ano ang ibig sabihin ng ilaan ang ating buong puso sa Ama sa Langit?

  • Paano natin ipaliliwanag sa ating pamilya at sa iba kung bakit natin sinusunod ang mga utos ng Diyos? Matapos pagnilayan ang tanong na ito, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Deuteronomio 6:4–7, 20–25 o ang pahayag sa “Karagdagang Resources” at ibahagi ang kanilang mga saloobin. Paano naaapektuhan ng mga kabatirang ito ang nadarama natin tungkol sa mga kautusan o tipan?

Deuteronomio 6:4–9, 20–25

“Ituro [ang mga salita ng Panginoon] nang buong sikap sa iyong mga anak.”

  • Kung minsan nakakatulong na makinig sa mga ideya kung paano itinuturo at pinag-aaralan ng iba ang ebanghelyo sa kanilang tahanan. Ang pagtalakay kung paano sinusunod ng mga miyembro ng klase ang payo sa Deuteronomio 6:4–9, 20–25 ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa klase mo na matuto mula sa isa’t isa. Ano ang ginagawa natin para maituro at “mapag-usapan ang” (talata 7) salita ng Diyos ayon sa paglalarawan ng mga talatang ito? Anong mga karanasan ang maibabahagi natin kung saan ginagabayan tayo ng Panginoon sa ating mga pagsisikap?

Deuteronomio 15:1–15

Sa pagtulong sa mga nangangailangan, kailangan ay mapagbigay tayo at handang tumulong.

  • Hindi pa tayo sumasapit sa panahon na “hindi magkakaroon ng dukha sa inyo” (Deuteronomio 15:4), kaya ang mga alituntunin tungkol sa pagtulong sa mga dukha sa Deuteronomio 15 ay mahalaga pa rin, kahit nagbago na ang partikular na mga gawi tungkol sa mga utang at kasambahay. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga talata 1–15 at hanapin ang mga alituntunin tungkol sa pagtulong sa mga dukha at nangangailangan na gusto nilang talakayin. Ang mga tanong na gaya nito ay maaaring makatulong sa talakayan: Ano ang ibig sabihin ng “bubuksan ang iyong kamay” sa mga nangangailangan? (mga talata 8, 11). Anong papel ang ginagampanan ng ating puso sa pagtulong sa iba? (tingnan sa mga talata 7, 9–10). Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangan mula sa halimbawa ng Panginoon? (tingnan sa talata 15).

Deuteronomio 29:9; 30:15–20

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na pumili sa pagitan ng “buhay at kabutihan, at kamatayan at kasamaan.”

  • Maaaring nakatutuwang ikumpara ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio sa ilan sa mga huling turo ni Lehi sa kanyang pamilya sa 2 Nephi 1–4. Marahil ay maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ng mga talatang ito: Deuteronomio 29:9 at 2 Nephi 4:4; Deuteronomio 30:15–20 at 2 Nephi 2:26–29. Paano pinalawak ni Lehi ang itinuro ni Moises? Bakit mabuting paraan ang mga salitang gaya ng buhay at kamatayan para ilarawan ang ating mga pagpapasiyang “tuparin” o “tumalikod” sa mga utos ng Diyos? (Deuteronomio 30:16–17). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang makikita nila sa mga talatang ito na naghihikayat sa kanila na “piliin ang buhay” (Deuteronomio 30:19).

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Tinutupad natin ang ating mga tipan dahil mahal natin ang Diyos.

Itinuro ni Pangulong Linda K. Burton:

“Sa lahat ng dahilan kung bakit dapat nating higit na pagsikapang tuparin ang ating mga tipan, ito ang pinakamatindi sa lahat—pagmamahal. …

“‘Kung ganap nating pinahahalagahan ang maraming pagpapalang napasaatin dahil sa pagtubos na ginawa para sa atin, walang iuutos sa atin ang Panginoon na hindi natin nanaisin at handang gawin’ [Joseph Fielding Smith, “Importance of the Sacrament Meeting,” Relief Society Magazine, Okt. 1943, 592]. Ayon sa pahayag na ito ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ang pagtupad ng tipan ay isang paraan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa di-maunawaan at walang-hanggang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas at Manunubos at sa sakdal na pagmamahal ng ating Ama sa Langit” (“Ang Kapangyarihan, Galak, at Pagmamahal sa Pagtupad ng Tipan,” Liahona, Nob. 2013, 114).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Makinig. “Ang pakikinig ay pagpapakita ng pagmamahal. … Magpatulong sa Ama sa Langit na maunawaan mo ang sinasabi ng mga miyembro ng klase mo. Habang pinapansin mong maigi ang kanilang binibigkas at hindi binibigkas na mga mensahe, mas mauunawaan mo ang kanilang mga pangangailangan, problema, at hangarin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 34).

Print