Lumang Tipan 2022
Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24: “Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot”


“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24: ‘Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
lambak na disyerto

Mayo 9–15

Mga Bilang 11–14; 20–24

“Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon ni Matakot”

Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para malaman kung ano ang pagtutuunan sa oras ng klase ay tanungin ang mga miyembro ng klase kung ano ang naging makabuluhan para sa kanila nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatan. Ihahayag nito kung ano ang mahalaga sa kanila at kung ano ang handa nilang matutuhan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Kung minsan ang kailangan lamang para mahikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran mula sa kanilang pag-aaral ay magtanong ng isang simpleng bagay na gaya ng “Ano ang itinuro sa iyo ng Espiritu Santo habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan sa linggong ito?” Pagkatapos ay bigyan sila ng oras para magnilay at tumugon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Bilang 12

Ang pagsasalita laban sa propeta ng Panginoon ay nakakasakit sa Panginoon.

  • Ang pagbabasa sa Mga Bilang 12 ay magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa kaseryosohan ng pagsasalita laban sa propeta ng Panginoon. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang kabanatang ito at pag-usapan kung ano ang damdamin ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga lingkod. Batay sa mga talata 1–2, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magsalita laban sa propeta ng Panginoon? Ano ang mga panganib sa paggawa nito? Ano ang matututuhan natin sa mga ginawa ni Moises at ng mga Israelita sa mga talata 13 at 15?

Mga Bilang 12:3.

“Si Moises ay napakaamo.”

  • Maaaring magulat ang ilang tao na ang isang pinunong kasinglakas ni Moises, na tumayo sa harap ni Faraon at nagsagawa ng kagila-gilalas na mga himala sa tulong ng kapangyarihan ng Panginoon, ay “napakaamo” rin. Maaari mong gamitin ang Mga Bilang 12:3 para magpasimula ng isang talakayan kung ano ang tunay na kaamuan. Maaari kang sumangguni sa kahulugan sa “Maamo, Kaamuan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Bilang isang klase, maaari din ninyong hanapin ang mga pahiwatig ng kaamuan ni Moises sa Mga Bilang 12.

  • Sa ano pang ibang mga katibayan ng kaamuan ni Moises tayo matututo? (tingnan, halimbawa, sa Exodo 18:13–25; Mga Bilang 11:26–29; Mga Hebreo 11:24–27; Moises 1:10–11). Maaari din ninyong basahin at talakayin kung paano nagpamalas ng kaamuan ang Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 11:29; 27:11–14; Lucas 22:41–42; Juan 13:4–5). Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawa ni Moises at ng Tagapagligtas—o ng mga taong kakilala natin—tungkol sa kaamuan? Bakit nais ng Diyos na maging maamo tayo?

Mga Bilang 13–14

Sa pagsampalataya sa Panginoon, maaari tayong magkaroon ng pag-asa sa hinaharap.

  • Habang tinatalakay ninyo ang kuwento tungkol sa 12 Israelitang nagsisiyasat sa lupang pangako at nag-uulat, isiping itanong sa mga miyembro ng klase ang pakiramdam nila kung paano maaaring iangkop ang kuwentong ito sa mga sitwasyong nararanasan nila. Para makatulong, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista ang mga bagay mula sa Mga Bilang 13:23–33 na maaaring ikumpara sa isang bagay sa ating buhay. Halimbawa, ang lupang pangako ay maaaring kumatawan sa isang bagay na nais ng Panginoon na isakatuparan natin, ang kumpul-kumpol na mga ubas ay maaaring maging mga pagpapala, ang mga higante ay maaaring maging mga hamon na mararanasan natin, at kung anu-ano pa. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang nais ng Panginoon na matutuhan nila mula sa kuwentong ito.

    Larawan
    kalalakihang nagpapakita ng mga bunga kay Moises

    Takot ang sampu sa mga espiyang Israelita; Sumampalataya sina Josue at Caleb. © Lifeway Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Mga Bilang 21:4–9

Kung aasa tayo kay Jesucristo nang may pananampalataya, mapapagaling Niya tayo sa espirituwal.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang kuwento sa Mga Bilang 21:4–9 at palaguin ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas, maaari mong isulat ang mga tanong na gaya nito sa pisara: Ano ang kinakatawan ng ahas na tanso? Ano-ano ang mga posibleng paghambingan ng mga tuklaw ng ahas? Bakit tumangging tumingin ang ilang tao sa ahas na tanso? Paano natin ito maaaring “tingnan” ngayon? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga sagot na nakita nila habang binabasa ang Mga Bilang 21:4–9; 1 Nephi 17:40–41; Alma 33:18–22; at Helaman 8:13–15. Ano ang ilan sa mga simpleng bagay na inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na gawin upang matanggap ang Kanyang pagpapagaling? Bakit mahirap kung minsan na gawin ang gayon kasimpleng mga bagay? (tingnan sa “Karagdagang Resources” para sa ilang saloobin tungkol dito). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano naghatid ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay ang paggawa ng mga bagay na ito.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Maliliit at mga karaniwang bagay.”

Nagkuwento si Elder L. Whitney Clayton tungkol sa isang bishop na nagpayo sa mga miyembro ng ward na nahaharap sa iba’t ibang mahihirap na hamon sa kanilang buhay:

“Madalas na kabilang sa kanyang mga payo sa mga miyembro ng ward ang muling pagtutuon sa mga simpleng gawain na nagpapalakas ng pananampalataya, tulad ng araw-araw na pagbabasa ng Aklat ni Mormon[,] … pagbabayad ng ikapu, at paglilingkod nang tapat sa Simbahan. Gayunman, madalas ay may pagdududa ang tugon nila sa kanya: ‘… Ano ang kinalaman ng paggawa sa alinman sa mga bagay na iyon sa mga problemang kinakaharap ko ?’

“… Yaong nagsisikap na gawin ang ‘maliliit at mga karaniwang bagay’ [Alma 37:6]—pagsunod sa tila maliliit na paraan—ay nabibiyayaan ng pananampalataya at lakas na higit pa sa pagsunod mismo at, sa katunayan, tila lubos na walang kinalaman sa mga ito” (“Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” Liahona, Mayo 2017, 98).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga. Hindi posibleng ituro ang bawat kuwento o bawat alituntunin. Sundin ang Espiritu, at isaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase habang nagpapasiya ka kung paano gugulin ang oras ng klase. Alalahanin na ang tahanan, hindi ang silid-aralan, ang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo.

Print