Lumang Tipan 2022
Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16: “Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”


“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16: ‘Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Debora na may kasamang mga hukbo

Paglalarawan kay Debora na namumuno sa mga hukbo ng Israel, © Lifeway Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Mayo 30–Hunyo 5

Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16

“Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”

Tandaan na ang pinakamahalagang guro ay ang Espiritu Santo. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na maturuan ng Espiritu Santo habang tinatalakay ninyo ang mga katotohanan sa aklat na Mga Hukom?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat sa pisara ang mga pangalan ng ilan sa mga hukom na matatagpuan sa Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16 (tulad nina Debora, Barak, Gideon, at Samson). Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang mga kabanatang ito at isulat sa ilalim ng isa sa mga pangalan sa pisara ang isang katotohanang natutuhan nila mula sa karanasan ng taong iyon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Hukom 2:11–19; 3:5–12; 4:1–16

Nag-aalok ng kaligtasan ang Panginoon kapag nalilihis tayo ng landas.

  • Ang pagsusuri sa paulit-ulit na pagsuway, kalungkutan, pagsisisi, at pagliligtas ng Israel ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na kilalanin ang kapangyarihang magligtas ng Diyos sa kanilang sariling buhay. Maaaring magsama-sama ang mga miyembro ng klase sa maliliit na grupo para hanapin ang inilarawan na paulit-ulit na gawain sa Mga Hukom 2:11–19; 3:5–12. Paano iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kanilang paulit-ulit na pagkakasala at pagdurusa? Ano ang natututuhan natin mula sa aklat na Mga Hukom kung paano tayo makakatakas mula sa pagkakasala at pagdurusa? Ano ang ilang paraan na inililigtas tayo ng Diyos? Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap at magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na nagpapatotoo sa Panginoon bilang ating Tagapagligtas at Manunubos (halimbawa, 2 Samuel 22:1–3; Awit 40:16–17; 1 Nephi 1:19–20; Mosiah 23:21–23; Doktrina at mga Tipan 138:23).

  • Nakatala sa Mga Hukom 2:19 na paulit-ulit na tumalikod ang mga Israelita sa Diyos para sumamba sa mga diyus-diyusan. Marahil ay maaaring ibuod ng mga miyembro ng klase ang talatang ito bilang isang babala para sa kanilang sarili. Sa paanong mga paraan tayo “yumuyukod” kung minsan sa “ibang mga diyos”? Paano tayo matutulungan ng Panginoon na baguhin ang ating “pagmamatigas”?

  • Para magpasimula ng isang talakayan kung paano iniligtas nina Debora at Barak ang Israel mula sa mga Cananeo, maaari mong hilingin sa isang miyembro ng klase na ibuod ang kuwento para sa klase (maaaring makatulong na kontakin nang mas maaga nang ilang araw ang miyembro ng klase para maging handa siya). Maaaring pag-usapan ng klase ang mga katangiang taglay ni Debora na natatak sa kanilang isipan. Paano hinikayat ni Debora ang mga anak ni Israel na sumunod sa Panginoon? Marahil ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Mga Hukom 4:14 at talakayin ang kahulugan ng matapat na pahayag ni Debora: “Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Paano humaharap sa atin ang Panginoon? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:87–88).

Mga Hukom 6–8

Maaaring gumawa ng mga himala ang Panginoon kapag nagtitiwala tayo sa Kanyang mga paraan.

  • Ang pag-aaral tungkol sa panawagan ni Gideon na maglingkod ay makahihikayat sa mga miyembro ng klase sa sarili nilang paglilingkod. Maaari mong hilingin sa kanila na basahin at talakayin ang Mga Hukom 6:11–16. Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito? Para matulungan silang matuto mula sa Mga Hukom 7, maaari mong anyayahan ang isa o mahigit pang mga miyembro ng klase na magkunwaring mga sundalo si Gideon at ibahagi ang kuwento mula sa pananaw ng mga sundalo. Maaari silang tanungin ng ibang mga miyembro ng klase tungkol sa karanasan ng mga sundalo. Anong mga pagkakatulad ang nakikita natin sa pagitan ng kuwentong ito at ng nangyayari sa ating buhay? Ano ang natututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa kuwentong ito?

Mga Hukom 13–16

Ang lakas ay nagmumula sa katapatan sa ating mga tipan sa Diyos.

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan kapwa ang nagbibigay-inspirasyong mga katotohanan at ang mahahalagang babala mula sa kuwento ni Samson? Maaaring ang isang paraan ay anyayahan ang kalahati ng klase na rebyuhin ang Mga Hukom 14–16 na hinahanap ang mga talatang nagpapakita na ang Panginoon ay kasama ni Samson. Ang isa pang kalahati ay maaaring maghanap ng mga talatang nagpapakita na si Samson ay hindi lubos na tapat sa Panginoon. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natuklasan. Ano ang itinuturo sa atin ng buhay ni Samson tungkol sa pagtupad sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos? Ang pahayag ni Sister Ann M. Dibb sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong.

    Larawan
    si Samson na itinutulak ang mga haligi

    Samson Puts Down the Pillars [Pinabagsak ni Samson ang mga Haligi], ni James Tissot at iba pa

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Isang aral mula sa buhay ni Samson.

Itinuro ni Sister Ann M. Dibb: “Si Samson ay isinilang na may malaking potensyal. Pinangakuan ang kanyang ina na, ‘Kaniyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo’ [Mga Hukom 13:5]. Ngunit nang lumaki si Samson, mas tumingin siya sa mga tukso ng kamunduhan kaysa sa patnubay ng Diyos. Gumawa siya ng mga pasiya dahil ang mga ito ay ‘lubhang nakalulugod [sa kanya]’ [Mga Hukom 14:3] at hindi dahil tama ang mga ito. Paulit-ulit na ginamit sa mga banal na kasulatan ang mga katagang ‘at siya’y lumusong’ [Mga Hukom 14:7] sa paglalahad ng mga paglalakbay, ginawa, at pasiya ni Samson. Sa halip na bumangon at magliwanag si Samson para makamit ang kanyang dakilang potensyal, nadaig siya ng mundo, nawala sa kanya ang lakas na kaloob ng Diyos, at namatay siya nang maaga sa kalunus-lunos na paraan” (“Bumangon at Magliwanag,” Liahona, Mayo 2012, 118).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maglaan ng oras para makapagbahagi ang mga mag-aaral. “Kapag ibinahagi ng mga mag-aaral ang kanilang natututuhan, hindi lang nila madarama ang Espiritu at mapapalakas ang sarili nilang patotoo, kundi mahihikayat din nila ang ibang mga miyembro ng klase na tuklasin ang mga katotohanan para sa kanilang sarili. … Maglaan ng oras para sa pagbabahagi ng mga estudyante sa bawat lesson.” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 30).

Print