“Bilang mga Disipulo ni Jesucristo Kailangan Nating Alagaan ang mga Maralita at Nangangailangan,” Disability Services: Resources (2020)
“Bilang mga Disipulo ni Jesucristo Kailangan Nating Alagaan ang mga Maralita at Nangangailangan,” Disability Services: Resources
Bilang mga Disipulo ni Jesucristo Kailangan Nating Alagaan ang mga Maralita at Nangangailangan
“Anong buti ang maidudulot ng pagliligtas sa mundo kung pababayaan natin ang mga pangangailangan ng mga taong pinakamalapit sa atin at pinakamamahal natin? Gaano kahalaga ang tulungan ang mundo kung ang mga tao sa paligid natin ay naghihirap at hindi natin napapansin? Maaaring inilagay ng Ama sa Langit ang mga taong nangangailangan sa atin na pinakamalapit sa atin, dahil alam Niya na tayo ang higit na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan” (Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 26).
“Alam ko na ngayon na sa Simbahan, para mabisang mapaglingkuran ang iba ay kailangan natin silang tingnan ayon sa paningin ng isang magulang, ayon sa paningin ng Ama sa Langit. Noon lamang natin mauunawaan ang tunay na kahalagahan ng isang kaluluwa. Noon lamang natin madarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak. Noon lamang natin madarama ang pagmamalasakit ng Tagapagligtas para sa kanila. Hindi natin lubos na magagampanan ang ating obligasyon sa tipan na makidalamhati sa mga taong nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw maliban kung titingnan natin sila ayon sa paningin ng Diyos” (Dale G. Renlund, “Sa Paningin ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 94).
“Ipagdarasal ninyong malaman kung sino ang nais ng Ama na paglingkuran ninyo dahil sa inyong pagmamahal sa Kanya at sa ating Tagapagligtas” (Henry B. Eyring, “Magtiwala sa Espiritung Yaon na Nag-aakay na Gumawa ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2016, 18).
“[Pangalagaan] natin ang bawat tao. Laging binabanggit ni Cristo ang mga tao. Isa-isa Niyang pinagaling ang mga maysakit. Binanggit Niya ang mga tao sa Kanyang mga talinghaga. Mga tao ang inaalala ng Simbahang ito, gaano man tayo karami. Kahit 6 o 10 o 12 o 50 milyon man, hindi natin dapat kaligtaan ang katotohanan na ang tao ang mahalaga” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 333).
“Sa gayon unang ipinahayag ng Tagapagligtas sa publiko ang Kanyang ministeryo bilang Mesiyas. Ngunit nilinaw din sa talatang ito na sa landas patungo sa Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli, ang una at pinakamahalagang tungkulin ni Jesus bilang Mesiyas ay pagpalain ang dukha, pati na ang mga aba sa espiritu.
“Sa simula pa lang ng Kanyang ministeryo, minahal na ni Jesus ang mga dukha at nagdarahop sa pambihirang paraan. Siya ay isinilang sa tahanan ng dalawa sa kanila at lumaki na kahalubilo ng marami pa sa kanila. Hindi natin alam ang lahat ng detalye ng Kanyang temporal na buhay, ngunit minsan ay sinabi Niya, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon …; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan [ng] kaniyang ulo.”’ (Mateo 8:20). Malinaw na ang Lumikha ng langit at lupa ‘at lahat ng bagay na naroroon’ (2 Nephi 2:14; 2 Nephi 9:15) ay may panahon sa buhay Niya na wala Siyang matirhan” (Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Liahona, Nob. 2014, 40).