Lesson 1—Ang Malawakang Apostasiya: Ang Pangangailangan para sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas
“Lesson 1—Ang Malawakang Apostasiya: Ang Pangangailangan para sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Ang Malawakang Apostasiya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 1: Proklamasyon ng Pagpapanumbalik
Ang Malawakang Apostasiya
Ang Pangangailangan para sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas
Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong Kanyang mortal na ministeryo. Kasunod ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, inatasan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na gabayan ang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad at mga susi ng priesthood. Dahil sa matinding pag-uusig at pagkamatay ng mga Apostol, ang mga tao ay naiwan nang walang banal na patnubay mula sa mga buhay na propeta. Ang mga turo at doktrina ni Jesucristo ay binago, na humantong sa panahong tinatawag na Malawakang Apostasiya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na kailangan ang pagpapanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pamumuhay bago ang Pagpapanumbalik
Isipin na kunwari ay nabuhay kayo noong taong 1800 sa halip na ngayon.
Paano kaya maiiba ang inyong buhay?
Ano kaya ang magiging kaugnayan ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ano kaya ang mga tanong o alalahanin ninyo?
Ang Malawakang Apostasiya
Nangyayari ang apostasiya kapag tumatalikod ang mga tao sa totoong doktrina ng ebanghelyo at hindi nila tinatanggap ang mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon. Isang panahon ng apostasiya ang naganap kasunod ng panahon ng Bagong Tipan, matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan at atasan ang Kanyang mga Apostol na pamunuan ito.
“Pagkatapos ng kamatayan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol, binaluktot ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at gumawa ng mga di-awtorisadong pagbabago sa organisasyon ng Simbahan at sa mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa laganap na apostasiyang ito, kinuha ng Panginoon ang awtoridad ng priesthood mula sa mundo” (Mga Paksa at Mga Tanong, “Apostasiya,” topics.ChurchofJesusChrist.org).
Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at alamin ang mga kalagayan sa mundo noong panahon ng Malawakang Apostasiya.
Ano ang ilang salita o parirala na natuklasan ninyo na naglalarawan sa kalagayan ng mundo noong panahon ng Malawakang Apostasiya?
Paano maihahambing ang hindi pagkakaroon ng totoong ebanghelyo ni Jesucristo sa taggutom? Ano ang ibinibigay ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo na naghahatid ng buhay at pangangalaga sa mundo?
Sa inyong palagay, bakit mahalaga na maunawaan ang Malawakang Apostasiya at ang mga ibinunga nito?
Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas
Maraming beses sa kasaysayan ng mundo, tinulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na nag-apostasiya sa pamamagitan ng pagtawag sa mga propeta na magtatag ng katotohanan at ipahayag ang ebanghelyo. Sa ating dispensasyon, pinasimulan Niya ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20; Doktrina at mga Tipan 1:17).
Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa Kanilang kahandaang ipanumbalik ang ebanghelyo sa mundo sa mga panahon ng apostasiya?
Ano ang ibinibigay ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na tumutulong sa inyo na espirituwal na umunlad?
Ipaliwanag ang Malawakang Apostasiya at ang pangangailangan para sa Pagpapanumbalik
Kunwari ay may kaibigan kayo na hindi miyembro ng Simbahan pero gustong malaman ang inyong mga paniniwala. Pagkatapos ng kaunting talakayan, sinabi ng kaibigan ninyo, “Naisip mo na ba kung bakit napakaraming simbahang Kristiyano sa mundo? Hindi ko nauunawaan kung paano nakapagpapasiya ang mga tao kung aling simbahan ang sasalihan sa dami ng mga ito.”
Sa inyong study journal, gumawa ng maikling outline na naglalaman ng mga banal na kasulatan at ideya na maibabahagi ninyo na maaaring makatulong sa inyong kaibigan. Tiyaking isama ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa Malawakang Apostasiya at sa pangangailangan para sa Pagpapanumbalik. Subukang gamitin ang sarili ninyong mga salita upang ipahayag kung bakit kailangan ang pagpapanumbalik ng doktrina, awtoridad, at Simbahan ng Tagapagligtas para madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.