Seminary
Lesson 3—Pambungad sa Doktrina at mga Tipan: Pakikinig sa Tinig ni Jesucristo


“Lesson 3—Pambungad sa Doktrina at mga Tipan: Pakikinig sa Tinig ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pambungad sa Doktrina at mga Tipan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 3: Pagpapahayag tungkol sa Pagpapanumbalik

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan

Pakikinig sa Tinig ni Jesucristo

Jesucristo

Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin ang sariling mga salita ng Panginoon, na tumutulong sa atin na marinig ang Kanyang tinig na nangungusap sa mga tao sa ating panahon at maging sa atin nang personal. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang matutuhan kung paano makilala ang Tagapagligtas habang sinisimulan nilang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagkilala sa iyo

Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na magtanong sa isang kaklase ng isang bagay na makatutulong sa kanila na mas makilala ang taong iyon. Halimbawa, maaari nilang itanong, “Ano ang isang bagay na nasisiyahan kang gawin sa libreng oras mo?”

Matapos ang sapat na oras na makausap ng mga estudyante ang isang kaklase, maaari mong talakayin ang sumusunod:

Isipin ang tao na sa palagay ninyo ay pinakakilala ninyo.

  • Ano ang nakatulong sa inyo na makilala nang husto ang taong ito?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pagnilayan kung gaano nila kakilala si Jesucristo at ano ang ginagawa nila sa kasalukuyan para mas makilala Siya.

Sa Doktrina at mga Tipan, inilarawan ni Jesucristo ang ilan sa mga paraan na mas makikilala natin Siya at nangako Siya sa atin ng mga pagpapalang matatanggap natin sa paggawa nito.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:23–24, at alamin ang mga paanyaya ng Tagapagligtas at ang pangakong ginawa Niya.

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong sa atin ang mga paanyaya ng Tagapagligtas sa mga talatang ito upang mas makilala Siya?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga salita sa mga talatang ito?

Maaari mong ipaliwanag ang pangako ng Tagapagligtas sa talata 23 na maaari nating maranasan ang Kanyang kapayapaan habang natututo tayo tungkol sa Kanya at nakikinig tayo sa Kanyang mga salita. Maaaring makatulong na anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan nang mas malalim ang pangakong ito. Maaari mong hilingin sa kanila na suriin kung gaano nila kadalas nadarama ang kapayapaang nagmumula kay Jesucristo at kung paano maaaring makaimpluwensya ito sa kanilang buhay kung mas makadarama sila ng kapayapaan.

Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan

Sa taong ito, magkakaroon kayo ng mga pagkakataong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan sa tahanan, sa simbahan, at sa seminary. Sa inyong pag-aaral, magkakaroon kayo ng maraming pagkakataon na matuto tungkol kay Jesucristo at makinig sa Kanyang mga salita. Matutulungan kayo nitong makilala Siya nang mas lubusan at maranasan ang kapayapaang ipinangako Niya.

  • Ano ang alam na ninyo tungkol sa Doktrina at mga Tipan?

Maaaring may mga talata ang ilang estudyante mula sa Doktrina at mga Tipan na partikular na makabuluhan sa kanila. Maaari mong hilingin sa ilang nakahandang estudyante na ibahagi ang mga talatang ito at ipaliwanag kung bakit makabuluhan ang mga ito. Maaari mo ring ibahagi ang ilan sa mga paborito mong talata.

Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kanilang mga banal na kasulatan sa pambungad sa Doktrina at mga Tipan.

Sa pambungad sa Doktrina at mga Tipan, basahin ang mga talata 1–3 at ang huling pangungusap ng talata 8. Habang nagbabasa kayo, maghanap ng mga parirala tungkol sa kung paano makatutulong sa inyo ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan para mas lubos ninyong makilala si Jesucristo.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kung paano naiiba ang Doktrina at mga Tipan sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan?

  • Bakit nagkaroon ng “dakilang kahalagahan” ang Doktrina at mga Tipan?

Ang tinig ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan

Jesucristo

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag pinag-aralan natin ang Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas na nangungusap sa atin sa ating panahon at mas marami tayong matututuhan tungkol sa Kanya.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:33–36, at alamin ang mga turo mula sa Tagapagligtas na may kaugnayan sa katotohanang ito.

Maaaring makatulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na maghanap ng ilan pang ibang halimbawa ng pagsasalita ni Jesucristo sa Doktrina at mga Tipan. Maaari mo silang anyayahang buklatin ang kanilang mga banal na kasulatan sa anumang bahagi ng Doktrina at mga Tipan at maghanap ng mga halimbawa ng pagsasalita ng Panginoon.

  • Sa inyong palagay, paano mapagpapala ng pagbabasa ng mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan ang inyong buhay?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na marami tayong matututuhan tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan natin ang Kanyang mga salita. Mas mauunawaan natin ang Kanyang pagkatao, Kanyang mga hangarin, at kung ano ang mahalaga sa Kanya. Makatutulong din na ipaliwanag na si Jesucristo at ang Ama sa Langit ay magkatulad sa Kanilang pagiging ganap at mga katangian at nagkakaisa Sila sa Kanilang layunin. Samakatuwid, habang nakikilala ng mga estudyante si Jesucristo, marami rin silang natututuhan tungkol sa Ama sa Langit (tingnan sa Juan 14:9).

Ang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay makapagpapatindi sa ating pagmamahal sa Kanila at makatutulong sa atin na maranasan ang kapayapaan na tanging Sila lamang ang makapagbibigay.

Sa pag-aaral ninyo ng Doktrina at mga Tipan, pagtuunan ang natututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring makatulong din na isaayos ang isang bahagi ng inyong study journal o gumawa ng isang tala sa inyong Gospel Library app para sa pagtatala ng mga nalaman ninyo tungkol sa Kanila. Maaari ninyong dagdagan ang inyong listahan ng mga kaalaman sa buong taon. Isipin kung paano nakakaimpluwensya ang natututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa inyong pagmamahal at pagtitiwala sa Kanila.

Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga halimbawa ng matututuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan. Maaaring makatulong na hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at magtalaga sa bawat grupo ng isa o mahigit pa sa mga talata na pag-aaralan.

Pag-aralan ang mga salita ng Tagapagligtas sa ilan sa mga sumusunod na talata mula sa Doktrina at mga Tipan. Pansinin kung ano ang matututuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa una sa mga sumusunod na tanong. O maaari mong anyayahan ang iba’t ibang estudyante na pumunta sa pisara at isulat ang kanilang mga ideya.

  • Ano ang nauunawaan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga talatang ito? Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanila?

  • Paano makatutulong sa inyo ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mga talatang ito para makadama kayo ng kapayapaan?

Magtakda ng mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan

Ibahagi ang sumusunod, at bigyan ang mga estudyante ng oras na magtakda ng mithiin na may kaugnayan sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon.

icon ng training Para sa karagdagang training kung paano mahihikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang ebanghelyo araw-araw, tingnan ang training na pinamagatang “Tulungan ang mga Estudyante sa Paglikha ng Pang-araw-araw na Mithiin sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan,” na matatagpuan sa training ng Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral.

Ang isang layunin ng seminary ay tulungan kayo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Humingi ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang makapagtakda ng mithiin na may kaugnayan sa inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Maaari ninyong isipin ang mga sumusunod na tanong habang nagtatakda kayo ng mithiin:

  • Kailan at saan ko maaaring pag-aralan ang aking mga banal na kasulatan araw-araw?

  • Gaano katagal ako mag-aaral sa bawat araw?

  • Ano ang magagawa ko upang mas lubos kong maanyayahan ang Espiritu Santo sa karanasan ko sa pag-aaral?

Isulat ang mithiin ninyo sa inyong study journal.

Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa ilan o sa lahat ng mga naunang tanong pagkatapos nilang magsulat.

Hikayatin ang mga estudyante na sikaping makamit ang kanilang mithiin. Ipangako sa kanila na ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na marinig ang tinig ng Tagapagligtas at makatanggap ng patnubay mula sa Kanya. Mag-ukol ng oras sa buong taon na ipaalala sa mga estudyante ang kanilang mithiin, at bigyan sila ng mga pagkakataong suriin ang kanilang pag-unlad.