“Ang Doktrina at mga Tipan: Isang Buod,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2021, 14–15.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Doktrina at mga Tipan: Isang Buod
Ano ito?
Ang Doktrina at mga Tipan ay tinipong mga makabagong paghahayag mula sa Diyos na karamihan ay natanggap sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Marami sa mga paghahayag na ito ang ibinigay bilang sagot sa mga tanong ni Joseph at ng iba pang naunang miyembro ng Simbahan sa Diyos.
Bakit ginawa ang Doktrina at mga Tipan?
Noong mga unang araw ng Simbahan, iilan lang ang sulat-kamay na kopya ng mga paghahayag na ito. Noong 1831, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ilimbag at ilathala ang mga paghahayag sa Book of Commandments. Sa isang kumperensya noong Nobyembre 1831 kung saan tinalakay ang Book of Commandments, natanggap ni Joseph ang paghahayag na ngayon ay nasa bahagi 1, ang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan.
Ang Doktrina
Ang unang tinipong mga paghahayag ay tinawag na Book of Commandments. Ang mga sumunod na koleksyon ay tinawag na Doktrina at mga Tipan dahil nadagdagan ang mga ito ng serye ng mga lektyur “tungkol sa doktrina ng simbahan,” na kilala bilang “doktrina” sa madaling-salita (tinatawag ngayon na Lectures on Faith). Simula noong 1921 edition, hindi na isinama ang Lectures on Faith, ngunit ang pamagat na Doktrina at mga Tipan ay hindi nagbago.1
Ang mga Tipan
Ang nalalabing bahagi ng aklat ay naglalaman ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith. Ang bahaging ito ay kilala bilang “mga tipan at kautusan ng Panginoon” o “mga tipan” sa madaling-salita. Ginamit ng mga naunang Banal ang “mga tipan” o “mga kautusan” para tukuyin ang mga paghahayag na ito na natanggap ng Propeta para maibukod ang mga ito sa iba pang isinulat ni Joseph Smith, tulad ng mga inspiradong sermon at pagsasalin niya ng Biblia.2
Bakit mahalaga ang Doktrina at mga Tipan ngayon?
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag mula kay Jesucristo sa Kanyang mga tao. Itinuturo nito sa atin na alam ng Diyos ang pangalan ng bawat isa sa atin, na dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga panalangin, at na nangungusap pa rin ang Diyos hanggang ngayon. Ito ay nagtuturo rin ng mahalagang doktrina tungkol sa plano ng kaligtasan at nagbibigay sa atin ng karagdagang kabatiran tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nagbibigay ito ng kapanatagan sa pamamagitan ng paglalarawan kung paano tayo minamahal ng Diyos at kung paanong tinatawag pa rin Niya tayo na lumapit sa Kanya kahit nakagagawa tayo ng mga pagkakamali.