“Matutuhan ang Wika ng Espiritu,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2021, 16–18.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Matutuhan ang Wika ng Espiritu
Ang paghahayag ay parang isang wika na kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin.
Maaaring mahirap matutuhan ang isang bagong wika. Kung nagkaroon ka na ng language class sa paaralan o sinubukan mo nang pag-aralan ang isang wika nang mag-isa, maaaring alam mo na ito batay sa iyong karanasan! Ito ay nangangailangan ng matinding pagsisikap at dedikasyon. Natuto ako ng Espanyol sa aking misyon, na mahirap noong una, ngunit kalaunan, sa tulong ng Espiritu, naging mahusay din ako rito.
Nais kong isipin na ang paghahayag ay isang uri ng wika—ang wika ng Espiritu—na kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin sa buhay. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”1
Kapag inisip mo ito, ang pag-aaral ng isang bagong wika at ang matutuhan ang wika ng Espiritu ay maraming pagkakatulad. Tingnan ang mga sumusunod na pagkakatulad—talagang matutulungan ka ng mga ito na malaman ang iba pa tungkol sa kung paano makatatanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng wika ng Espiritu.
Mga Paraan ng Pag-aaral
Kapag tayo ay nag-aaral ng isang bagong wika, iba’t ibang paraan ang epektibo sa iba’t ibang tao para matandaan ang mga bagay-bagay. Para sa akin, ang pag-aaral ng balarila at pagsusulat ng mga bagay-bagay ay talagang nakatulong sa pag-aaral ko ng Espanyol. Mas gusto naman ng ibang missionary na magsanay sa pakikipag-usap sa kanilang kompanyon. Maaaring mas makatulong ang isang paraan sa isang tao kaysa sa iba—alamin kung ano ang pinakamainam para sa iyo.
Hindi rin natin lahat nadarama o naririnig ang Espiritu sa iisang paraan. Tingnan, halimbawa, ang aking ina. Sa maikling panahon habang lumalaki ako, nag-alala ako na hindi ko nadarama ang Espiritu dahil kailanman ay hindi ako nakatanggap ng pahiwatig sa paraang katulad ng sa kanya. Palagi niyang inilalarawan ang mga pahiwatig bilang mga salitang pumapasok sa kanyang isipan. Kailanman ay hindi ko ito naranasan, kaya akala ko ay hindi ko nadarama ang Espiritu. Ngunit natuklasan ko sa paglipas ng panahon na ang Espiritu ay kadalasang nangungusap sa akin sa pamamagitan ng mga damdamin o impresyon sa halip na mga salita. Ang mga damdamin ng kapayapaan, kagalakan, at pagmamahal ay karaniwan kong iniuugnay sa aking karanasan tungkol sa paghahayag.
Katulad ng mga paraan ng pag-aaral, ang isang paraan ng pagdama sa Espiritu ay hindi nakalalamang sa iba. Magkakaiba ang bawat isa sa atin, kaya nangungusap sa bawat isa sa atin ang Espiritu sa magkakaibang paraan. Sa Doktrina at mga Tipan, matututuhan natin ang tungkol sa maraming iba’t ibang paraan na maaaring mangusap sa atin ang Espiritu. Maaaring “[linawin Niya] ang [ating] pag-iisip,” “[mangusap Siya] ng kapayapaan sa [ating] isipan,” “[sabihin Niya sa atin] sa [ating] isipan at sa [ating] puso,” o “[manahan Siya] sa [ating] puso,” o maaaring makadama tayo ng pag-aalab sa ating dibdib o “[madama natin] na ito ay tama,” at marami pang ibang paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:15, 23; 8:2; 9:8).
Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan at nagsanay tayo na pakinggan ang Espiritu, mahihiwatigan natin kung paano Siya nangungusap sa atin.
Humingi ng Tulong
Kapag nag-aaral ka ng isang wika, talagang mainam na humingi ng tulong sa isang taong may alam sa wikang iyon. Ang mga aklat at iba pang resources ay tiyak na makatutulong, ngunit mas mapapadali ang pag-aaral kung makikipag-usap ka sa isang tao na nagsasalita ng wikang iyon.
Kapag nais nating malaman ang iba pa tungkol sa Espiritu, maaari tayong makahingi ng karagdagang tulong kung tatanungin natin ang mga taong pinagkakatiwalaan natin kung paano nila pinapakinggan ang Espiritu—mga kapamilya, lider, o kaibigan. Ngunit ang pinakamahalaga ay magtanong sa Ama sa Langit. Maaari tayong humiling sa Kanya ng mga bagay tulad ng mas maraming pagkakataong marinig ang Espiritu o ng tulong para malaman kapag nakatanggap tayo ng mga pahiwatig. Kung tayo ay magpapakumbaba, hihiling sa Kanya na tulungan tayo, at mananampalataya na tutulungan Niya tayong malaman kung paano madarama ang Espiritu, tutulungan Niya tayo.
Isulat ang mga Bagay-bagay
Kapag nag-aaral ka ng isang wika, ang pagsusulat ng mga bagay-bagay ay talagang makatutulong din. May dala akong isang maliit na notebook buong araw para maisulat ko ang mga bagong salitang naririnig ko, at sinusubukan kong magsulat sa aking journal sa wikang Espanyol tuwing gabi para mapraktis ako. Hindi natin kayang tandaan ang lahat, ngunit kung isusulat natin ang mga bagay-bagay, maaalala natin ang mga ito.
Inanyayahan tayo ng ating mga lider na isulat ang mga espirituwal na impresyon para hindi natin makalimutan ang mga ito.2 Ang pagsusulat ng mga gayong bagay ay makatutulong sa atin na madama ang Espiritu sa maraming paraan: (1) Matutulungan tayo nitong maalala ang mga pahiwatig at damdaming iyon maging pagkalipas ng panahon. Maaaring ang isang pahiwatig na natanggap mo noon ay makatulong sa iyo sa hinaharap, o maaaring ipaalala nito sa iyo na talaga ngang nangusap sa iyo ang Espiritu. (2) Magandang paraan din ito para malaman mo kung paano mo nadama ang Espiritu noon para mas madali mo itong mahiwatigan sa hinaharap. Sa gayon, masisimulan mong mahiwatigan nang mas malinaw ang Espiritu.
Patuloy na Magsikap
At ang huli pero mahalaga rin, huwag sumuko. Kahit na sa pamamagitan ng kaloob na mga wika, malamang hindi ka magiging bihasa sa isang wika sa loob lang ng magdamag. Sa patuloy mong pagsasanay at pagsisikap, magiging bihasa ka rito, ngunit kailangan mong manampalataya at patuloy na magsikap.
Ang pag-aaral na makatanggap ng paghahayag at pagiging mas nakaayon sa Espiritu ay isa talagang panghabang-buhay na pagsisikap. Sigurado ako na kung tatanungin mo ang iyong mga magulang o lider sa Simbahan, sasabihin nila na pinagsisikapan pa rin nila ito. Kaya huwag mawalan ng pag-asa kung pakiramdam mo ay napakatagal nito—hindi lang ikaw ang patuloy na nag-aaral! Kailangan nating lahat ng panahon para matuto ng isang bagong wika. Kaya maging matiyaga, patuloy na magsikap, at ang Panginoon ay nariyan para tulungan kang matutuhan ang wika ng Espiritu.