“Iskolarsip mula sa Kabute,” Para sa Lakas ng mga Kabataan Ene. 2021, 6–7.
Iskolarsip mula sa Kabute
Anong mga aral ang maaari kong matutuhan mula sa isang bagay na nakakadiri katulad ng mga kabute?
Hindi ko gusto ang mga kabute. Ang amoy at lasa niyon—hindi ko talaga gusto! Ngunit nagsimulang magparami ng mga kabute ang aking mga magulang noong bata ako, kaya iyon ang kinakain namin araw-araw. Sa panahon ng pag-aani, tinutulungan ko ang aking mga magulang hanggang sa lumalim na ang gabi. Magtitimbang ako ng 200 gramo ng kabute, ilalagay ko ang mga iyon sa isang supot, at siselyohan ko ito. Naaalala ko na masaya ako habang nakikipag-usap sa aking pamilya. Tila nagdaraos kami ng family home evening araw-araw.
Nakadaragdag din ito sa kita ng pamilya, kaya kailangan naming tumulong. Ngunit may dalawa itong hindi kanais-nais na epekto: Una, ipinapalabas ang isa sa mga paborito kong programa sa telebisyon sa oras kung kailan kailangan naming magtrabaho, kaya hindi ko iyon napapanood. At pangalawa, pagkatapos kong magtrabaho, itim na ang aking mga kamay dahil sa mga kabute, at mahirap tanggalin ang kulay at amoy kahit may sabon. Noong bata ako, nagrereklamo ako minsan kung bakit kailangan kong tumulong araw-araw.
Noong una, maganda ang kita namin sa mga kabute, ngunit kalaunan ay bumagsak ang presyo nito dahil dumami ang nagtatanim ng mga kabute, at itinigil na ng aking mga magulang ang pagpaparami ng mga kabute. Akala ko itinigil nila ito dahil sa pagbagsak ng presyo, ngunit may nalaman akong isang nakakagulat na bagay noong nagtapos ako ng kolehiyo.
Nagsimulang magparami ng mga kabute ang aking mga magulang para makapag-ipon ng pondo para sa pag-aaral ko at ng aking mga kapatid sa kolehiyo. Itinigil lang nila ito dahil naabot na nila ang kanilang minimithing halaga. Nang malaman ko iyon, nahiya ako dahil sa pagrereklamo ko noon. Hindi ko alam na nagtatrabaho ako para sa aking pag-aaral sa kolehiyo sa hinaharap. At bukod pa roon, tinulungan ako ng aking pamilya!
Paulit-ulit akong nagreklamo nang hindi nalalaman na nagpaparami kami ng mga kabute para sa sarili kong iskolarsip. Ang pagrereklamo ko ay katulad ng kina Laman at Lemuel sa 1 Nephi 2:12: “At sa gayon sina Laman at Lemuel … ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila.” Napakasaya ko na kilalang-kilala at pinagpapala ako ng Panginoon, sa kabila ng aking pagrereklamo.
Sa palagay ko, kailanman ay hindi ko magugustuhan ang pagkain ng mga kabute. Ngunit kung wala ang mga kabute, malulungkot ako nang bahagya, dahil hindi ako magkakaroon ng pagkakataon na alalahanin ang mga karanasang iyon kasama ang aking pamilya. Dahil sa mga kabute, natutuhan kong pahalagahan ang mga pagpapalang natatanggap ko at magtiwala sa plano ng Panginoon—at huwag magreklamo! Kaya kahit hindi ko gusto ang mga kabute, pinahahalagahan ko na ngayon ang mga ito. Ang mga kabute ay mahalagang simbolo para sa akin na alalahanin ang mga ugnayan ng aking pamilya.
Ang awtor ay naninirahan sa Shinagawa City, Japan.