2021
Joseph Smith—Aking Propeta
Enero 2021


“Joseph Smith—Aking Propeta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2021, 8–11.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Joseph Smith—Aking Propeta

Siya ay propeta rin ninyo. Maaari ninyong pag-aralan ang kanyang mga turo sa taon na ito para lalo ninyo siyang matanggap bilang propeta.

Joseph Smith

Naantig ako sa isang bagay na sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020: “Saan man kayo naninirahan o anuman ang inyong mga kalagayan, ang Panginoong Jesucristo ay inyong Tagapagligtas, at ang propeta ng Diyos na si Joseph Smith ay inyong propeta” (“Pakinggan Siya” [Liahona, Mayo 2020, 88]).

Mula noong bata pa ako, ganyan ang pakiramdam ko—si Joseph Smith ay aking propeta. Higit kaninuman, nakatulong sa akin ang propetang ito ng Pagpapanumbalik para makilala ko si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo. Pinag-aralan ko ang mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan. At noong tinedyer ako, binigyan ako ni Itay ng aklat ng mga turo ni Joseph Smith, at masaya kong binasa ito. Ang pag-aaral ng mga turong iyon ay naging pangunahing bahagi ng aking patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Naisip ko mula noon: ano nga ba ang mayroon sa mga turo ni Joseph Smith na nag-iwan ng gayong impresyon sa akin? Ano ang nagtulot sa Espiritu na magpatotoo nang gayong katindi sa akin tungkol sa katotohanan ng mga ito? Sasabihin ko na tatlong bagay iyon: (1) alam niya ang alam niya, at buong tapang niyang ipinahayag ito; (2) alam niya kung paano ipaliwanag nang malinaw ang mga katotohanang natutuhan niya sa pamamagitan ng paghahayag; at (3) nababanaag sa tuwina ang kanyang pagkatao at personalidad.

Alam Niya ang Alam Niya, at Buong Tapang Niyang Ipinahayag Ito

Mula noong Unang Pangitain, dumanas si Joseph Smith ng pang-uusig sa pagbabahagi ng natutuhan niya sa pamamagitan ng paghahayag. Ngunit alam niyang hindi niya ito maaaring ipagkaila: “Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan? Ako ay tunay na nakakita ng pangitain; at sino ako na aking kakalabanin ang Diyos, o bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita? Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

Bagama’t alam niya na ang paggawa niyon ay magiging dahilan para mas dumami ang pang-uusig at mas tumindi ang pagkapoot, buong tapang na ipinahayag ni Joseph Smith ang mga katotohanang natutuhan niya mula sa Diyos habang siya ay nabubuhay.

Halimbawa:

Bagama’t karamihan sa mga Kristiyano ay naniniwala na nilikha ng Diyos ang tao mula sa wala, kumpiyansang itinuro ni Joseph Smith ang isang naiibang bagay:

“Ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos. Ang katalinuhan, o ang liwanag ng katotohanan, ay hindi nilikha o ginawa, ni maaaring gawin” (Doktrina at mga Tipan 93:29).

“Ang kaluluwa—ang isipan ng tao—ang walang kamatayang espiritu. Saan ito nagmula? Lahat ng taong may pinag-aralan at dalubhasa sa relihiyon ay nagsasabi na nilikha ito ng Diyos sa simula; ngunit hindi ito gayon: sa tingin ko ay pinabababa ng ideyang ito ang tao. Hindi ako naniniwala sa doktrina; higit pa rito ang alam ko. Makinig kayo, kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo; sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Diyos; at kung hindi kayo maniniwala sa akin, hindi nito pawawalang-bisa ang katotohanan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 243).

nagtuturo si Joseph Smith

Ipinaliwanag Niya nang Malinaw ang mga Katotohanan

Kung minsan ay ipinahihiwatig ni Joseph Smith na mas marami siyang alam tungkol sa mga hiwaga ng Diyos kaysa sa maibabahagi niya sa mundo. Ngunit kapag nagturo siya, alam niya kung paano ituro nang malinaw at simple ang mga katotohanan ng Diyos.

Halimbawa:

Mula sa Unang Pangitain hanggang sa mga kaganapan sa kanyang buhay, natutuhan ni Joseph Smith ang maraming katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos Amang Walang Hanggan. At sa kanyang mga turo ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng mga katotohanang ito. Halimbawa, sinabi niya:

“Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili” (Mga Turo: Joseph Smith, 46). Iyan ay napakalinaw na pahayag na pinakamahalaga tungkol sa kung sino ang Diyos, kung sino tayo, kung ano ang ating kaugnayan sa Kanya, at kung ano ang ating potensyal.

Iyan ay sinundan niya ng pahayag na ito: “Ang Diyos mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila” (Mga Turo: Joseph Smith, 48). Mas nilinaw dito.

At pagkatapos ay itinuro niya ito: “Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya” (Mga Turo: Joseph Smith, 244). Ipinahayag ni Joseph Smith ang isang bagay dito na mahalaga sa plano ng Ama sa Langit: nais ng Ama sa Langit na maging katulad Niya tayo.

nagsasalita si Joseph Smith

Nababanaag ang Kanyang Pagkatao at Personalidad

Ang paraan kung paano ipinakita ni Joseph Smith ang kanyang sarili ay nagbibigay sa atin ng ideya kung sino siya at kung ano siya bilang tao at propeta. Ito ay mahalaga, dahil ang pakikipag-ugnayan sa mga tao kahit paano ay ginagawang mas madali ang pag-uugnay sa mga ideya. Ang pagkatao ni Joseph ay nababanaag sa kanyang mga turo.

Halimbawa:

Bagama’t likas na masayahin si Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:28), kapag tungkol na sa iniutos ng Panginoon, sineseryoso niya ito. Natutuhan niya sa kanyang karanasan ang idinulot ng hindi pagsunod sa mga utos (tingnan, halimbawa sa, Doktrina at mga Tipan 3:4–9). Natuon ang pansin ko sa ugali niyang ito na pagiging masayahin at pagiging seryosong disipulo—at nakakaugnay ako rito.

si Joseph Smith na naglalaro

Ngayon, bilang propeta ng Pagpapanumbalik, iniutos kay Joseph Smith na ituro ang mga inihayag na katotohanan ng Diyos, marami sa mga ito ay bago sa lahat. Kinailangang sikapin ni Joseph na tulungan ang mga tao na malaman ang mga bagong katotohanang ito. Ngunit kung minsan nakakadismaya ito. Minsan sinabi niya:

“Napakahirap ipaisip ang anumang bagay sa henerasyong ito. Para kang gumamit ng kapirasong tinapay sa pagsibak ng matigas na kahoy, at ng kalabasa para gawing [kahoy na] malyete. Maging ang mga banal ay mabagal makaunawa” (Mga Turo: Joseph Smith, 607).

Ito ay isang seryosong bagay para kay Joseph Smith. Marahil ay napakaraming bagay ang nais niya sanang malaman at maunawaan at tanggapin at isabuhay ng mga tao—at ayaw lang talaga nila. Ngunit isang maliit at simpleng analohiya mula sa U.S. frontier noong ikalabingsiyam na sigloang naglalarawan ng isang nakatutuwang larawan at nagbibigay sa atin ng kaunting ideya tungkol sa personalidad ni Joseph Smith.

Marami pang ibang aspeto ng pagkatao ni Joseph Smith ang mababanaag sa kanyang mga turo. Halimbawa, ang kanyang pagmamahal sa mga kaibigan: “Mamahalin sila ng puso ko, at ang aking mga kamay ay magpapagal para sa kanila, na nagmahal at nagpagal para sa akin, at magiging tapat magpakailanman sa aking mga kaibigan” (Mga Turo: Joseph Smith, 542).

O ang kanyang kabaitan at kabutihang-loob: Minsan noon nang sabihin ng mga tao kung gaano sila nalulungkot para sa isang lalaking nasunugan ng bahay, sinabi kaagad ni Joseph, “Nalulungkot ako para sa brother na ito at narito ang kanyang limang dolyar; gaano ang nadarama ninyong kalungkutan [para] sa kanya?” (Mga Turo: Joseph Smith, 539).

At nariyan din ang kanyang pagmamahal sa pamilya, integridad, kababaang-loob, tiwala sa sarili, katarungan at pagiging makatarungan, pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap. Naroon ang lahat ng ito, ipinahayag kasabay ng mga walang hanggang katotohanan at alituntuning ipamumuhay.

Siya Ang Aking Propeta

Mangyari pa, tinutuligsa at pinipintasan pa rin hanggang ngayon si Joseph Smith. Ngunit tulad ng sinabi niya, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” (Mga Turo: Joseph Smith, 609). Maaari nating patotohanan nang buong tapang ang katotohanan na siya ay isang propeta. Natuklasan ko na madaling magpatotoo tungkol kay Joseph Smith—hindi dahil madaling sagutin ang lahat ng bagay na maaaring itanong ng mga tao kundi dahil pinag-aralan ko ang kanyang mga paghahayag at mga turo bilang propeta at nadama ang Espiritu Santo na nagpapatotoo na ang mga ito ay totoo. Tulad ng minsang sinabi ni Joseph:

“Matitikman ko ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, at gayon din kayo. Ibinigay sa akin ang mga ito para sa paghahayag ni Jesucristo; at alam ko na kung sasabihin ko sa inyo ang mga salitang ito ng buhay na walang hanggan ayon sa pagkakabigay nito sa akin, matatamasa ninyo ang mga ito, at alam ko na paniniwalaan ninyo ang mga ito. Sinasabi ninyong matamis ang pulot at sinasabi ko rin ito. Matitikman ko rin ang diwa ng buhay na walang hanggan. Alam ko na ito ay mabuti; at kapag sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatitiyak kayo na matatanggap ninyo ito nang ganoon din katamis, at magagalak nang magagalak” (Mga Turo: Joseph Smith, 613).

Natikman ko na ang katamisang iyon. Ito ay ibinahagi sa akin ng aking propeta, si Joseph Smith. At tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, siya ay inyong propeta rin. Maaari ninyong seryosong pag-aralan ang kanyang buhay at mga turo sa taon na ito kasama ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Pagkatapos ay mapapatotohanan ninyo ang matamis na mga katotohanan na natikman ninyo dahil sa tulong niya.