“Isang Dakilang Gawain,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2021, 20–21.
Isang Dakilang Gawain
Tema ng mga Kabataan para sa 2021:
Doktrina at mga Tipan 64:33–34
Inaanyayahan kayo ng Panginoon na makibahagi sa “pinakadakilang gawain” sa mundo.1
Kayong mga kahanga-hangang kabataang babae at lalaki ay bahagi ng isang bagay na kamangha-mangha—kayo ay “naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” (Doktrina at mga Tipan 64:33). Ang gawaing iyan ay tumutulong sa Panginoong Jesucristo na isagawa ang Kanyang misyon kapag nakikibahagi tayo sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing at sa pagtatayo ng Sion.
Pakikibahagi sa Batalyon ng mga Kabataan
Inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang bawat isa sa inyo na makiisa sa gawaing iyan bilang bahagi ng “batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon.”2 Ngunit ano nga ba ang isang batalyon? Ang batalyon ay isang napakahusay na yunit na binuo upang isagawa ang mga partikular na gawain nang magkakasama. Ibig sabihin ay bahagi kayo ng isang napakahusay na yunit para hanapin at isakatuparan ang inyong bahagi sa dakilang gawain ng Panginoon.
Nang anyayahan kayo ng propeta na unawain ang layunin ng inyong buhay na nakatuon sa pagtitipon ng Israel, ang buhay ninyo ay nagsimulang maging tulad ng buhay ni Moises. Si Moises, na lumaki bilang isang prinsipe ng Egipto, ay kinailangang tumakas para mailigtas ang kanyang buhay at kalaunan ay naging kontento sa kanyang simpleng buhay na nag-aalaga ng mga tupa. Subalit tinawag siya ng Panginoon at sinabi sa kanya, “Ako ay may gawain para sa iyo” (Moises 1:6). Alam ng ating Ama sa Langit ang hindi nalalaman ni Moises: na sa tulong ng Diyos, si Moises ay maaaring maging kasangkapan sa pagsagip sa isang malaking bansa—kaya niyang gawin ang lahat.
Makagagawa Kayo ng Kaibhan
Maaaring iniisip ninyo, “Hindi ako si Moises. Makagagawa ba talaga ako ng kaibhan sa mundong ito?” Gayon din ang nadarama namin kung minsan, ngunit matagal-tagal na rin kaming nabubuhay sa mundong ito kaya alam namin na ang sagot ay oo. Nakakakita kami ng karaniwang mga kabataan araw-araw na pinipiling hindi mamuhay nang karaniwan. Mayroon silang malaking impluwensya sa mga nakapaligid sa kanila sa pamamagitan lamang ng pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo nang tahimik. Pinaghuhusay nila ang kanilang mga talento at tinutulungan ang kanilang mga pamilya na magtagumpay. Kayo ay tinawag ng propeta para “[maglagay] ng saligan ng isang dakilang gawain.” Kapag tayo ay nagtiwala kay Jesucristo at nagsikap na gawin ang Kanyang kalooban, nakagagawa tayo ng kaibhan!
Hindi kayo nag-iisa sa paggawa nito. Sa pakikibahagi ninyo sa batalyon ng Panginoon, nakikiisa kayo sa isang malaking grupo ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo. Nariyan kami sa tabi ninyo kasama ng inyong mga magulang, lider, at kaibigan, mga apostol at propeta, at mismong ang mga anghel sa Langit, lahat ay sama-samang nagsisikap na isagawa ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:88).
Mula sa Maliliit na Bagay Nagmumula ang Yaong Dakila
Gagawin natin ito nang paunti-unti. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na gumawa ng maliliit at mga karaniwang hakbang sa paggawa natin sa dakilang gawaing ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:33). Ang tuluy-tuloy at tapat na mga paggawa ay magsusulong at maghihikayat sa atin na tulungan ang mga nasa paligid natin. Ang ilan sa mga karaniwang bagay na ito ay maaaring angkop mismo sa bawat isa sa inyo dahil hindi naman magkakapareho ang lalakbayin ng bawat tao sa buhay.
Ipagdasal na malaman kung sino kayo at unawain ang ginagampanan ninyo mismo sa plano ng Diyos. Ipagdasal na malaman kung anong maliliit at mga karaniwang bagay ang dapat ninyong gawin sa bawat araw. Malamang na kinakailangan ninyong umalis sa inyong komportableng lugar, ngunit kapag handa kayong kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap ninyo, daragdagan pa ang mga ito.
Itinuro ni Pangulong Nelson kamakailan, “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.”3
Pag-iibayuhin ng Panginoon ang Inyong mga Kakayahan at Daragdagan ang Inyong Kagalakan
Sa paghingi ninyo ng paghahayag, gagabayan kayo ng Panginoon na malaman kung paano gamitin ang inyong mga inidibuduwal na talento at personalidad para makapaglingkod at maipamuhay ang ebanghelyo. Palalawigin Niya ang inyong imahinasyon, pagkamalikhain, at kakayahan sa mga paraang hindi ninyo inaakala na posibleng mangyari.
Kapag inialay ninyo ang inyong buong puso at isipan sa Panginoon, makakakilala kayo ng mas maraming kaibigan at madaragdagan ang mga pagkakataon ninyong maglingkod. Ang pagkakakilala ninyo sa inyong sarili kung sino talaga kayo at ang pagkaunawa ninyo sa inyong layunin ay mapapatibay, at makadarama kayo ng kagalakan.
Kung minsan ay maaari tayong maging kontento at magsawalang-bahala, ngunit may iba pang inilalaan ang Diyos. Kung may dakilang gawain Siya na ibinigay kay Moises, may dakilang gawain rin Siya para sa inyo. Huwag mapagod! Lubos ang tiwala namin sa inyo—ang batalyon ng mga kabataan ng Panginoon.