“Ang Dakilang Adhikain ng Pagpapanumbalik,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2021, 3–5.
Ang Dakilang Adhikain ng Pagpapanumbalik
Ang gawaing sinimulan nina Joseph at Hyrum Smith, kasama ang napakarami pang ibang matatapat na tao, ay patuloy pa rin sa Simbahan ngayon.
Nang magtungo ang batang si Joseph Smith sa kakahuyan para manalangin, nakaranas siya ng isang kamangha-manghang pangitain, na kilala ngayon bilang Unang Pangitain.
Sa pangitaing ito, sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph na pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sinagot din Niya ang tanong ni Joseph at sinabing wala ni isa man sa mga simbahan noon ang “kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian.”
“At kasabay nito,” paggunita ni Joseph, “ay [na]tanggap [ko] ang isang pangako na ang kabuuan ng ebanghelyo ay dapat ipaalam sa akin sa hinaharap.”1
Kasunod ng maluwalhating pangitaing ito, lumabas si Joseph mula sa Sagradong Kakahuyan para simulan ang kanyang paghahanda na maging isang propeta ng Diyos.
Si Moroni at ang Aklat ni Mormon
Tatlong taon pagkaraan, noong 1823, muling nabuksan ang kalangitan bilang bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw. Isang anghel na nagngangalang Moroni ang nagpakita sa kanya at nagsabi “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa [kanya] … [at na] may nakalagak na isang aklat, na nakasulat sa mga laminang ginto” na naglalaman “ng kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–34).
Kalaunan, nakuha, isinalin, at inilathala ni Joseph ang sinaunang talaan, na kilala ngayon bilang Aklat ni Mormon.
Matapat na Magkapatid
Ang kapatid ni Joseph na si Hyrum ay laging nakasuporta kay Joseph. Noong nabubuhay sila, magkasamang naharap sina Joseph at Hyrum sa mga mandurumog at pag-uusig. Halimbawa, nakaranas sila ng sobrang hirap sa napakaabang kalagayan sa Liberty Jail sa Missouri sa loob ng limang buwan noong panahon ng taglamig ng 1838–39.
Sa harap ng pag-uusig, nagpakita si Hyrum ng pananampalataya sa mga pangako ng Panginoon, kabilang ang katiyakan na makakatakas siya sa kanyang mga kaaway kung pipiliin niya. Noong Hunyo 1844, pinapili si Hyrum kung gusto niyang mabuhay o magbuwis ng kanyang buhay para luwalhatiin ang Diyos at “tatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo”—sa tabi ng kanyang pinakamamahal na kapatid na si Joseph (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 136:39).
Isang linggo bago sila walang-awang pinaslang, sinabi ni Joseph kay Hyrum na itakas ang pamilya nito at umalis na. Nararamdaman ko pa rin ang matinding pagkaantig ng aking damdamin habang inaalala ko ang sagot ni Hyrum: “Joseph, hindi kita maaaring iwan.’’2
Kaya nagtungo sina Joseph at Hyrum sa Carthage, kung saan sila pinaslang bilang mga martir para sa layunin at pangalan ni Cristo. “Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay!” (Doktrina at mga Tipan 135:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isang Panawagan na Kumilos
Dapat nating alalahanin palagi ang sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith, pati na ng napakaraming iba pang matatapat na lalaki, babae, at bata, upang maitatag ang Simbahan para matamasa ko at ninyo ang maraming pagpapala at lahat ng katotohanang inihayag sa atin ngayon. Hindi dapat makalimutan ang kanilang katapatan kailanman!
Bago siya namatay noong 1844, sumulat si Joseph ng isang [mapanghikayat na] liham sa mga Banal. Iyon ay isang panawagang kumilos, na nagpapatuloy sa Simbahan ngayon:
“Mga kapatid [na lalaki at babae], hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid [na lalaki at babae]; at humayo, humayo sa pananagumpay! …
“… Tayo, samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 128:22, 24; idinagdag ang pagbibigay-diin.).
Isipin kung ano ang maihahandog ninyo sa Panginoon sa kabutihan sa darating na mga araw. Maging matapang—ibahagi ito sa isang taong pinagkakatiwalaan ninyo, at ang pinakamahalaga, mag-ukol ng panahon na gawin ito!
Alam ko na nalulugod ang Tagapagligtas kapag naghahandog tayo sa Kanya mula sa ating puso sa kabutihan, tulad noong malugod Siya sa matapat na alay ng kahanga-hangang magkapatid na sina Joseph at Hyrum Smith, at ng lahat ng iba pang matatapat na Banal.