“Lesson 10—Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65—Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 10: Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65
Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–50
Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith
Noong Setyembre 21, 1823, nanalangin si Joseph Smith sa Diyos para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at para malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Diyos. Bilang tugon, nagpakita ang propetang si Moroni kay Joseph Smith para ituro sa kanya ang tungkol sa Aklat ni Mormon at mga sinaunang propesiya tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Nagpropesiya rin si Moroni tungkol sa hinaharap ni Joseph. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Inilarawan ni Joseph Smith ang kanyang kabataan
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–29, at alamin kung paano inilarawan ni Joseph Smith ang kanyang nadama sa loob ng tatlong taon pagkatapos ng Unang Pangitain.
-
Paano maaaring makaugnay kay Joseph Smith ang mga kabataan sa ating panahon?
Ang Diyos ay may gawain para kay Joseph Smith
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–35 at alamin ang naranasan ni Joseph Smith nang manalangin siya.
-
Ano ang naranasan ni Joseph na maaaring nagbigay sa kanya ng pag-asa?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol kay Joseph Smith?
Noong gabi at umaga ng Setyembre 21–22, 1823, nagpakita si Moroni kay Joseph nang tatlong beses. Ibinahagi niya ang parehong mensahe at binanggit niya ang parehong mga banal na kasulatan sa bawat pagkakataon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–50).
Basahin ang mga talatang ito at alamin kung bakit ang mga propesiyang ito ay magbibigay kay Joseph ng karagdagang pag-unawa tungkol sa gawaing gagawin niya.
-
Paano nauugnay ang mga talatang ito sa gawaing ipinagawa ng Panginoon kay Joseph?
-
Paano mapapalakas ng mga propesiyang ito ang inyong patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Joseph?
-
Paano nakaimpluwensya ang gawaing naisagawa ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith sa nalalaman o nadarama ninyo tungkol kay Jesucristo? (Tingnan sa 2 Nephi 3:6–8, 11; Doktrina at mga Tipan 135:3.)
Ang pangalan ni Joseph Smith ay magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao
-
Sa inyong palagay, bakit maraming oposisyon kay Propetang Joseph Smith?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bakit tinutulutan ng Panginoon na pagsalitaan ng masama ang mabubuti? Ang isang dahilan ay itinutulak ng oposisyon laban sa mga bagay ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan na lumuhod [at] [m]analangin para sa mga sagot. …
Ang negatibong komentaryo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay madaragdagan pa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga katotohanang may halong kasinungalingan at panlilinlang ay hindi mababawasan. May mga kapamilya at kaibigan na mangangailangan ng tulong ninyo. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 28, 30)
-
Paano makatutulong na malaman na ipinropesiya ni Moroni na magkakaroon ng mga kritiko na magsasalita ng “masama” tungkol kay Joseph Smith?
-
Ano ang magagawa natin para maging handa sa pagtulong sa mga taong maaaring makaranas ng oposisyon sa kanilang paniniwala kay Joseph Smith?
Pagtupad sa propesiya na magsalita ng mabuti tungkol kay Joseph Smith
Si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng partikular na paanyaya sa mga kabataan ng Simbahan:
Sa mga kabataang nakikinig ngayon o nagbabasa ng mga salitang ito, may hamon ako sa inyo: Magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Hayaan ang inyong tinig na makatulong sa katuparan ng propesiya ni Moroni na magsalita ng kabutihan tungkol sa Propeta. (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 30)
-
Ano ang mga paraan na makatutulong kayo sa katuparan ng propesiya ni Moroni na magsalita ng kabutihan tungkol kay Joseph Smith?