“Lesson 15—Doktrina at mga Tipan 5: ‘Nalalaman Ko nang May Katiyakan na ang mga Yaon ay Totoo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 5,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 15: Doktrina at mga Tipan 3-5
Doktrina at mga Tipan 5
“Nalalaman Ko nang May Katiyakan na ang mga Yaon ay Totoo”
Muling tiniyak ng Panginoon kay Martin Harris nang humingi ito ng karagdagang patunay na kay Joseph Smith ang mga laminang ginto. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga saksi na inilaan ng Panginoon upang tulungan silang magkaroon ng personal na patotoo sa Aklat ni Mormon bilang isa pang tipan ni Jesucristo at sa tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang problema ni Martin Harris
Isipin na kunwari ay may nagsagawa ng paglilitis tungkol sa kung talagang na kay Joseph Smith ba o hindi ang mga laminang ginto.
-
Gaano kayo kakumportableng magpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at si Joseph Smith ay Propeta ng Pagpapanumbalik? Bakit?
-
Ano ang sasabihin ninyo?
-
Ano ang ipapakita ninyo bilang ebidensya para masuportahan ang inyong pahayag?
Ang pagbabahagi o pagbubuod ng sumusunod na impormasyon ng konteksto ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano ipamumuhay ang Doktrina at mga Tipan 5 sa sarili nilang mga natatanging kalagayan.
Nagalit si Lucy Harris, ang asawa ni Martin Harris, sa panahon at pera na inilalaan ng kanyang asawa sa paglalathala ng Aklat ni Mormon. Naghain siya ng reklamo sa korte laban kay Joseph Smith at nagtipon siya ng ilang tao na handang tumestigo na nagsinungaling siya na may mga lamina. Binalaan si Martin na kung hindi siya sasama sa kanila sa pagpapatotoo laban kay Joseph, maaari ding maipabilanggo si Martin. Bagama’t si Martin ay naging tagasulat noon ni Joseph, nagpakita sa mga dalubhasa ng mga titik mula sa mga lamina upang patunayan na sinauna ang mga ito, at nakawala ng 116 na pahina ng orihinal na manuskrito, naghangad pa rin si Martin ng karagdagang katibayan tungkol sa katotohanan ng mga laminang ginto. Naglakbay siya patungo sa tahanan ni Joseph Smith, kung saan nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap niya ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 5.
Habang pinag-aaralan ninyo ang Doktrina at mga Tipan 5, hingin ang tulong ng Espiritu Santo para mapagtibay ang nalalaman na ninyo tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Maghanap din ng mga paraan para mapalakas ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:1–3, at alamin kung paano tumugon ang Panginoon kay Martin Harris.
-
Sa inyong palagay, bakit hindi pinatunayan ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pagpayag na ipakita ang mga lamina sa mundo?
Bagama’t hindi pinayagan si Martin na makita ang mga laminang ginto noong panahong iyon, pinalakas siya ng paghahayag na ito kaya nagawa niyang makapagbigay ng malakas na patotoo tungkol sa Propeta. Sa lesson na ito, makikita ninyo na ang Panginoon ay naglaan ng mga saksi upang tulungan ang bawat isa sa atin na magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang propeta ng Diyos at sa Aklat ni Mormon bilang isa pang tipan ni Jesucristo.
Katibayan mula sa Panginoon
Maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at maaari kang mag-assign sa bawat isa ng magkakaibang “saksi” na pag-aaralan nang mag-isa gamit ang handout sa ibaba. Matapos ang sapat na oras, maaaring ikumpara at talakayin ng mga estudyante sa kanilang grupo ang natutuhan nila.
Maaari mo ring lagyan ng label ang tatlong magkakahiwalay na sobre bilang “Saksi #1,” “Saksi #2,” at “Saksi #3.” Punan ang bawat sobre ng maraming kopya ng kaugnay na bahagi ng handout. Ipamahagi ang mga ito sa bawat grupo para mapag-aralan.
Mga Saksi
Saksi #1
Ang mga salita ng Panginoon
Iniutos kay Joseph Smith na huwag ipakita ang mga laminang ginto sa mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:3). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:6–10, at alamin kung ano ang pinayagan na ibahagi ni Joseph.
Maaari mong markahan ang isang parirala na inulit ng Panginoon sa talata 5, 6, at 7.
-
Sa iyong palagay, bakit mas inaalala ng Panginoon na naniniwala at nakikinig tayo sa Kanyang mga salita sa Aklat ni Mormon kaysa sa inaaalala Niya na dapat alam natin na talagang may mga lamina?
Patungkol sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
Ang katibayan ng katotohanan nito, ng katumpakan nito sa daigdig na mapaghanap ng ebidensya, ay hindi matatagpuan sa arkeolohiya o antropolohiya, bagama’t makatutulong ito sa ilan. Hindi ito matatagpuan sa pagsasaliksik ng salita o pagsusuri ng kasaysayan, bagama’t makapagpapatunay ang mga ito. … Kailangang basahin ng tao ang [aklat] para malaman niya ang katotohanan nito. Ito’y aklat ng Diyos. (Gordon B. Hinckley, “Four Cornerstones of Faith,” Ensign, Peb. 2004, 6)
Maglaan ng ilang minuto na pagnilayan ang iyong karanasan sa pag-aaral at sa pagtuturo sa iyo mula sa Aklat ni Mormon. Isipin kung paano nakaapekto sa buhay mo ang iyong pag-aaral. Maaari mong isulat ang ilan sa mga naiisip mo sa iyong journal.
Saksi #2
Ang patotoo ng tatlong tagapaglingkod
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:11–15, at alamin kung sino ang tutulutan kalaunan ng Panginoon na makita ang mga lamina.
-
Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na maaaring magpalakas sa mga patotoo ng Tatlong Saksi?
Kalaunan, makikita nina Martin Harris, Oliver Cowdery, at David Whitmer ang mga laminang ginto at magpapatotoo sila sa katotohanan ng mga ito. Marami ka pang malalaman tungkol sa pangyayaring ito kapag pinag-aralan mo ang Doktrina at mga Tipan 17.
Patungkol sa Tatlong Saksi, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang kanilang patotoo ay hindi kailanman sinalungat ng iba pang mga saksi. Maaaring hindi paniwalaan ng tao ang [kanilang patotoo], ngunit paano maipapaliwanag na nagkaisa at nagpursige ang tatlong mabubuting lalaking ito na ilathala ang kanilang patotoo hanggang sa katapusan ng kanilang buhay sa gitna ng matinding panlalait at iba pang bagay na maglalagay sa kanila sa alanganin? Tulad ng Aklat ni Mormon mismo, wala nang paliwanag na huhusay pa kaysa sa ibinigay mismo sa patotoo, ang taimtim na pahayag ng mabubuti at tapat na kalalakihan na ipinahayag ang nakita nila. (Dallin H. Oaks, “The Witness: Martin Harris,” Liahona, Mayo 1999, 36)
Pag-isipang basahin ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa simula ng Aklat ni Mormon o gumawa ng listahan ng mga taong nagpatotoo sa iyo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Isipin kung paano napalakas ng kanilang patotoo ang iyong patotoo.
Saksi #3
Ang Espiritu Santo
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:16 at Moroni 10:4–5. Tukuyin kung paano inihahayag ng Diyos ang katotohanan ng Aklat ni Mormon sa Kanyang mga anak.
-
Ano ang ilang paraan na maaaring magpatotoo ang Espiritu sa isang tao tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon?
Sinabi ni Glenn L. Pace, na naglingkod bilang Presiding Bishop:
Walang ibang paraan para magtamo ng patotoo kundi sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu Santo. Wala kayong ibang maaasahan. … Maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan kung paano nawalang-saysay ang isang pisikal na katibayan kung walang kaakibat na pagpapatibay ng Espiritu Santo. Ang pagbabalik-loob ay dumarating hindi sa pamamagitan ng mga pisikal na pagpapakita mula sa langit. (Glenn L. Pace, “The Elusive Balance,” New Era, Mar. 1989, 49)
Gumawa ng listahan ng mga dahilan kung bakit sa palagay mo ay mas mahalaga ang isang patotoo mula sa Espiritu Santo, isang miyembro ng Panguluhang Diyos, kaysa sa pisikal na katibayan na totoo ang isang bagay. Pag-isipang isama ang anumang patotoo na sa palagay mo ay natanggap mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
Kapag natapos nang pag-aralan at talakayin ng mga estudyante ang naka-assign na saksi sa kanila, sabihin sa kanila na tumukoy ng isa o mahigit pang mga kinatawan mula sa kanilang grupo para ilahad ang sumusunod na impormasyon sa klase:
-
Ipaliwanag ang saksing ibinigay ng Panginoon na pinag-aralan ninyo kasama ang inyong grupo.
-
Magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga listahang ginawa ng mga kagrupo ninyo.
Maaari mong anyayahan ang lahat ng estudyante na idagdag ang kanilang mga ideya at patotoo sa ibinahagi ng kanilang mga kaklase.
Maaari ninyong panoorin ang natitirang bahagi ng video na “Compelling Witness” mula sa time code na 0:37 hanggang 7:46.
Compelling Witness
When her Book of Mormon falls onto the cafeteria floor and into the hands of a skeptical classmate, one young woman works to create a case for its truthfulness.
Kasunod ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 5, matapang na nagpatotoo si Martin sa korte tungkol sa pagkatao ni Joseph Smith at sa katotohanan ng mga laminang ginto. Matapos marinig ang patotoo ni Martin at ng iba pa, pinawalang-saysay ng hukom ang kaso laban kay Joseph Smith.
Ibahagi ang iyong mga saloobin at patotoo tungkol sa mga katotohanang nasa lesson na ito.