Gustong malaman ni Joseph Smith Sr. kung paano niya mapaglilingkuran ang Diyos at ang iba. Bilang tugon sa hangarin ng kanyang ama, si Propetang Joseph ay humingi at tumanggap ng una sa ilang paghahayag na ibinigay sa mga taong nagnanais na tumulong sa gawain ng Panginoon (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 11–12; 14–16; 25). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na paglingkuran ang Diyos at ang iba sa mga paraang katulad ng kay Cristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paglilingkod na tulad ng sa Tagapagligtas
Isipin na kunwari ay may isang tao na gumagawa ng isa sa mga sumusunod na paglilingkod para sa inyo:
Nakikipag-usap sa inyo para kumustahin kayo
Tinutulungan kayo sa isang gawaing kailangan ninyong gawin
Nagdarasal para sa inyo
Paano ito maaaring makaapekto sa inyo kung naglilingkod sila sa inyo sa mga sumusunod na paraan? Bakit?
Buong puso o napipilitan lang
Matiyaga o walang pasensya
Nahikayat ng pagmamahal para sa inyo o ng ibang bagay
Ngayon, isipin kunwari na ginagawa ng Tagapagligtas ang paglilingkod na iyan para sa inyo. Paano Niya ito maaaring gawin at ano ang maaaring maging epekto nito?
Sa lesson na ito, pag-aaralan ninyo ang tungkol sa paglilingkod at mga katangiang tulad ng kay Cristo na nais ng Panginoon na hangarin natin habang naglilingkod tayo. Habang nag-aaral kayo, pag-isipan ang sarili ninyong mga hangaring maglingkod at kung bakit nanaisin ninyo na sikaping taglayin ang mga katangiang ito.
Pagsagot sa tanong ni Joseph Smith Sr.
Bagama’t hindi pa siya sumasapi sa anumang organisadong relihiyon, naniwala si Joseph Smith Sr. sa ibinahagi ng kanyang anak tungkol sa kanyang mga pangitain mula sa langit at sinuportahan niya ito sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nais ni Joseph Sr. na maglingkod sa Diyos ngunit hindi niya alam kung ano ang gagawin. Noong Pebrero 1829, binisita nilang mag-asawa si Joseph Jr. sa Harmony, Pennsylvania. Sa pagbisitang iyon, natanggap ni Propetang Joseph ang Doktrina at mga Tipan 4 bilang sagot sa tanong ng kanyang ama.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 4:1–4, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa (1) kung paano natin Siya dapat paglingkuran at (2) bakit dapat tayong maglingkod sa Kanya. Makatutulong na malaman na sa talata 4, inihambing ng Panginoon ang trigo na handang anihin sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo. Ang karit ay isang kasangkapan para sa pag-ani.
Ano ang nalaman ninyo?
Anong mga pagpapala ang nilalaman ng mga talatang ito para sa mga naglilingkod sa Diyos nang kanilang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?
Matapos ituro ang tungkol sa mga pagpapala ng paglilingkod sa Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, naghayag ang Panginoon ng maraming katangian na makatutulong sa atin habang naglilingkod tayo. Taglay ni Jesucristo ang bawat isa sa mga katangiang ito at inaanyayahan Niya tayong taglayin ang mga ito sa sarili nating buhay. Kapag ginawa natin ito, tayo ay magiging higit na katulad Niya at makapaglilingkod gaya ng paglilingkod Niya.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 4:5–6, at alamin ang mga katangiang nais ng Panginoon na taglayin natin habang naglilingkod tayo.
Paano ninyo maibubuod ang mga turo sa bahaging ito sa isang pangungusap?
Pag-unawa sa mga katangiang tulad ng kay Cristo
Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa pagpili ng isang katangiang tulad ng kay Cristo na magiging pinakamakabuluhan para sa inyo na pag-aralan. Isulat ito sa itaas ng isang pahina sa inyong study journal. Sa ibaba ng katangiang pinili ninyo, isulat ang sumusunod.
Mga halimbawa: Isipin kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang katangiang ito noong unang panahon o sa inyong buhay ngayon. Kung gagamit kayo ng halimbawa mula sa banal na kasulatan, subukang magsulat ng isang partikular na kuwento o reperensya. (Maaaring makatulong muli ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Maaari din kayong magsulat ng isang halimbawa mula sa kasalukuyang panahon tungkol sa isang taong naglilingkod nang may ganitong katangian at kung paano ito nakagawa ng kaibhan.
Ano ang magagawa natin: Maglista ng isa o dalawang hakbang na magagawa ninyo para mas mapagbuti pa ang katangiang ito sa inyong buhay. Para sa mga ideya, basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 4:7, humingi ng payo sa pamamagitan ng pagte-text o pagtatanong sa isang tao na sa palagay ninyo ay may katangiang tulad ng kay Cristo.
Pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo
Para tapusin ang lesson na ito, gumawa ng plano para sa isa o dalawang hakbang na magagawa ninyo para magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo na napag-aralan ninyo ngayon. Maaari kayong magsama ng mga paraan ng paghingi ng tulong sa Panginoon habang pinagbubuti ang katangiang ito.