“Lesson 13—Doktrina at mga Tipan 3: ‘Hindi Mo Dapat Kinatakutan ang Tao nang Higit sa Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 3,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 13: Doktrina at mga Tipan 3-5
Doktrina at mga Tipan 3
“Hindi Mo Dapat Kinatakutan ang Tao nang Higit sa Diyos”
Kung minsan, maaaring napipilitan tayong suwayin ang Diyos dahil sa ibang tao. Gayundin ang nadama ni Joseph Smith nang hilingin ni Martin Harris na hiramin ang mga naisaling pahina ng Aklat ni Mormon. Gayunpaman, nalaman ni Joseph na ito ang mga sandali na dapat tayong maging tapat sa Diyos at hindi tayo dapat magpatangay sa pamimilit ng iba. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring magtiwala sa Diyos nang higit sa tao.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang mga pressure o pamimilit sa buhay
-
Anong mga pamimilit ang nadarama ng mga teenager sa kanilang buhay?
-
Ilan sa mga pamimilit na ito ang nagmula sa pagtatangkang bigyang-lugod ang iba?
Pag-isipan nang ilang minuto kung gaano katindi ang pamimilit sa inyo para bigyang-lugod ang iba at bakit.
Sa lesson na ito, pag-aaralan ninyo kung paano nadama ni Joseph Smith ang pamimilit na bigyang-lugod si Martin Harris at kung ano ang itinuro sa kanya ng Tagapagligtas sa sitwasyong iyon. Sa inyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para makahanap ng mga katotohanang makatutulong sa inyo kapag nadarama ninyo ang pamimilit na ito.
“Nawala na ang lahat”
Si Martin Harris ay isang respetadong mamamayan ng Palmyra at matagumpay na magsasaka na isa sa iilan lang na tao sa lugar na naniwala kay Joseph Smith. Bagama’t halos doble ng edad niya, si Martin ay kaibigan ni Joseph at nagbigay ng pera sa kanya para makalipat siya sa Harmony, Pennsylvania, upang maisalin ang Aklat ni Mormon nang hindi nagagambala. Nagsakripisyo rin si Martin para maglakbay roon at maglingkod bilang tagasulat.
Ang asawa ni Martin na si Lucy ay hindi sumusuporta sa pakikibahagi niya sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Tinanong ni Martin si Joseph kung maaari ba niyang ipakita ang unang 116 na pahina ng pagsasalin kay Lucy bilang katibayan ng kanilang gawain. Ipinagdasal ito ni Joseph nang dalawang beses at sa bawat pagkakataon ay sinabihan siya na huwag payagan si Martin na dalhin ang mga pahina.
Nanalangin si Joseph sa ikatlong pagkakataon, at pinahintulutan siya ng Panginoon nang may mahihigpit na kundisyon. Dinala ni Martin ang mga pahina sa Palmyra para ipakita ang mga ito sa kanyang asawa.
-
Sa inyong palagay, bakit hindi sinunod ni Joseph ang unang dalawang sagot na natanggap niya mula sa Panginoon?
Kinabukasan pagkaalis ni Martin, isinilang ni Emma Smith ang panganay na anak na lalaki nila ni Joseph. Nakalulungkot na ilang oras lang nabuhay ang sanggol, at si Emma ay tila papanaw rin. Mabuti na lang at nagsimulang bumuti ang kalusugan ni Emma pagkaraan ng ilang linggo. Bagama’t ayaw umalis ni Joseph sa tabi ni Emma, hinikayat siya ni Emma na maglakbay patungo sa Palmyra at magtanong tungkol sa manuskrito.
Nang dumating si Joseph sa bahay ng kanyang mga magulang, inanyayahan nila si Martin na saluhan sila sa almusal. Mahigit apat na oras bago dumating si Martin. Nang dumating siya sa wakas at umupo, nagdadalamhating sinabi niya, “Ipinahamak ko ang aking kaluluwa!” Hindi niya sinunod ang mahigpit na bilin sa kanya at nawala niya ang manuskrito.
“O, Diyos ko, Diyos ko. Nawala na ang lahat!” sabi ni Joseph. “Ganito bang balita ang sasabihin ko sa aking asawa sa pag-uwi ko? At paano ako haharap sa Panginoon?”
Pagkabalik ni Joseph sa Harmony, nagpakita si Moroni at kinuha nito sa kanya ang mga lamina. (Tingnan sa Mga Banal, 1:56–61.)
-
Sa palagay ninyo, bakit nadama ni Joseph na nawala na ang lahat?
Hindi nagtagal matapos ang karanasang ito, nangusap ang Panginoon kay Joseph Smith, at kinastigo siya at binigyan ng kapanatagan.
Matakot sa Diyos nang higit sa tao
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 3:1–10. Tukuyin ang nais ng Panginoon na matutuhan ni Joseph mula sa karanasang ito.
-
Ano ang ilang aral na nahanap ninyo?
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos:
Maraming tala sa mga banal na kasulatan na nagpapayo sa mga tao na matakot sa Diyos. Sa ating panahon, ang karaniwang interpretasyon natin sa salitang takot ay “paggalang” o “pagpipitagan” o “pagmamahal”; ibig sabihin, ang takot sa Diyos ay ang pagmamahal sa Diyos o paggalang sa Kanya at sa Kanyang batas. …
… Dapat natin Siyang pakamahalin at pagpitaganan kaya matatakot tayong gumawa ng anumang mali sa Kanyang paningin, anuman ang mga opinyon o pamimilit ng iba. (D. Todd Christofferson, “A Sense of the Sacred” [Church Educational System fireside for young adults, Nob. 7, 2004], 6–7, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa sarili ninyong mga salita, paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Elder Christofferson tungkol sa takot sa Diyos?
Kapag tayo ay tapat, susuportahan tayo ng Diyos sa lahat ng panahon ng kagipitan
Isulat ang pariralang Masusuportahan ako ng Panginoon sa mga panahon ng kagipitan dahil Siya ay … sa inyong study journal. Kumpletuhin ang pahayag na ito sa paggawa ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
Gumawa ng listahan ng tulong at suportang maibibigay sa inyo ni Jesucristo na hindi maibibigay ng ibang tao.
-
Ilista ang mga pagkakataon sa inyong buhay nang piliin ninyong maging tapat sa Panginoon, kahit pinipilit kayo ng iba na suwayin Siya, at nagbigay Siya ng suporta. Maaari ka ring gumamit ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan.
-
Ano ang isinulat ninyo tungkol sa Tagapagligtas na sa palagay ninyo ay lubos na makatutulong sa inyo na alalahanin kapag natutukso kayong bigyang-lugod ang iba nang higit sa Diyos?
Dahil sa pagkastigong ito, nalaman ni Joseph na susuportahan siya ng Diyos kapag pinili niyang maging tapat. Nagpatuloy si Joseph sa buhay, nang nagtitiwala sa mga kautusan at patnubay ng Diyos, kahit nakaranas siya ng pasakit, pag-uusig, pagkabilanggo, at maging kamatayan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122; 135).
Pagnilayan at isulat sa inyong study journal kung paano nauugnay sa inyo ang natutuhan ninyo sa lesson na ito. Maaari ninyong isama ang gusto ninyong tandaan o gawin kapag naharap sa pamimilit na matakot sa iba nang higit sa Diyos.