Seminary
Lesson 16—I-assess ang Iyong Pagkatuto 1—Doktrina at mga Tipan 1–5; Joseph Smith—Kasaysayan 1


“Lesson 16—I-assess ang Iyong Pagkatuto 1—Doktrina at mga Tipan 1–5; Joseph Smith—Kasaysayan 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1,” Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 16: Doktrina at mga Tipan 3-5

I-assess ang Iyong Pagkatuto 1

Doktrina at mga Tipan 1–5; Joseph Smith—Kasaysayan 1

binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalala at masuri kung paano nakatulong sa kanila ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan at Joseph Smith—Kasaysayan na espirituwal na umunlad at mas mapalapit kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit tayo dapat mag-assess?

Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang progreso hanggang sa kasalukuyan, pag-isipang gumawa ng aktibidad na tulad ng sumusunod. Idrowing sa pisara ang sumusunod na graphic at pag-isipang magbigay ng halimbawa ng isang mithiin. Maaaring isaalang-alang ng mga estudyante ang mga mithiing espirituwal, intelektuwal, pisikal, o panlipunan na ginagawa nila sa programang Mga Bata at Kabataan.

Sa isang pahina sa inyong study journal, gumuhit ng linya. Sa dulo ng linya sa kanang bahagi, isulat ang isa sa inyong mga pangmatagalang mithiin. Ang ilang halimbawa ay maaaring paghusayin pa ang paglalaro ng isang sport o pagtugtog ng isang instrumento sa musika, maging partikular na magaling sa isang kasanayan, makakuha ng degree o sertipiko, o maikasal sa templo.

Tulad ng ipinapakita sa sumusunod na graphic, magdrowing ng stick figure sa itaas ng linya upang kumatawan sa kung gaano na kayo nakausad patungo sa inyong mithiin.

stick figure na kumakatawan sa progreso

Sa kaliwang bahagi ng linya, isulat sandali ang progresong nagawa na ninyo. Maaari ninyong isama ang mga partikular na bagay na natutuhan o nagawa ninyo para makausad patungo sa inyong mithiin.

  • Bakit makatutulong na tumigil at suriin ang natutuhan natin at kung paano tayo umunlad?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan o nagawa nila upang makausad patungo sa kanilang mga mithiin. Hindi lamang ito maghahanda sa mga estudyante na matuto pa sa lesson na ito kundi maaari din itong makatulong sa mga estudyante na mas makilala ang isa’t isa at magkaroon ng pagkakaisa sa klase.

Ang isa sa mga layunin ng seminary ay tulungan kayo na mas mapalapit sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at maging higit na katulad Niya.

  • Bakit mahalaga ring tumigil sandali at suriin ang ating mga pagsisikap na mas mapalapit kay Jesucristo at maging higit na katulad Niya?

Ano ang natututuhan ninyo? Kumusta na ang pag-unlad ninyo?

Ipaliwanag na sa buong taon na ito ng pag-aaral, bawat apat hanggang anim na linggo ay may lesson na tulad nito, kung saan maaaring tumigil sandali ang mga estudyante para suriin ang natututuhan nila at kung paano sila mas mapapalapit sa Tagapagligtas.

Kung kapaki-pakinabang, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilista ang ilan sa mga kuwento at paksang natutuhan na nila. Maaaring makatulong ito sa kanila kapag ginawa nila ang mga sumusunod:

Mag-ukol ng ilang minuto na isulat sa inyong study journal ang tungkol sa progresong ginagawa ninyo para mas mapalapit sa Tagapagligtas sa pag-aaral ninyo ng Doktrina at mga Tipan sa taong ito. Maaaring kabilang dito ang doktrina at mga katotohanang natututuhan ninyo, mga paraan kung paano nadaragdagan ang inyong patotoo kay Jesucristo, mga bagong gawi na ginagawa ninyo, at mga paraan na pinagsisikapan ninyong magbago.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip kung hindi ito masyadong personal. Maaari itong gawin sa maliliit na grupo o bilang isang klase. Bilang alternatibo, maaari ding mag-isip ang mga estudyante ng isang salita o parirala na magbubuod kung paano sila natututo o umuunlad at isulat ang mga ito sa pisara (halimbawa, “mas malakas na patotoo,” “natututuhan ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan,” o “nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas”). Pagkatapos ay maaari mong ituro ang mahahalagang salita sa pisara at itanong kung ang estudyanteng sumulat nito ay handang ibahagi kung bakit niya ito inilista. Habang nakikinig ka, maghanap ng mga paraan para purihin ang mga pagsisikap ng mga estudyante, hikayatin silang magpatuloy, at magpatotoo tungkol sa tulong at mga pagpapala ng Panginoon.

I-assess ang pag-aaral ng banal na kasulatan

Magpakita ng larawan ni Joseph Smith tulad ng sumusunod at talakayin sa mga estudyante ang epekto sa kanya ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang propeta ng Diyos.

ang batang Joseph Smith na nagbabasa ng Biblia
  • Paano nakatulong ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan kay Propetang Joseph Smith?

Pag-isipan ang sarili ninyong mithiin na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Paano nakakaapekto sa inyo ang inyong pagsisikap?

Bigyan ang bawat estudyante ng dalawang maliit na piraso ng papel. Maaaring isulat ng mga estudyante sa isang papel ang kanilang sagot sa unang tanong at pagkatapos ay maaari nilang isulat sa isa pang papel ang kanilang sagot sa pangalawang tanong.

  • Ano ang isang paraan na sa palagay ninyo ay nagtagumpay kayo sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang mahirap sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan?

Sabihin sa mga estudyante na ilagay sa isang salansan ang mga papel na naglalaman ng kanilang mga tagumpay at ilagay ang mga papel na naglalaman ng kanilang mga paghihirap sa isa pang salansan. Magkahiwalay na paghalu-haluin ang dalawang salansan ng mga papel at ibahagi ang mga ito sa klase. Habang binabasa mo ang kanilang mga tagumpay, purihin at hikayatin ang mga estudyante. Pag-isipang itanong ang “Mayroon ba sa inyo na nagtagumpay rin sa paggawa ng tulad nito?” at “Paano nakatulong sa inyo ang pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?” Habang binabasa mo ang mga paghihirap na nararanasan ng mga estudyante sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaaring epektibo na anyayahan ang klase na maghanap ng mga banal na kasulatan, maghanap ng mga pahayag mula sa mga propeta o mga lider ng Simbahan, o mag-isip ng mga personal na karanasan na maaaring makatulong.

I-assess kung ano ang nadarama ng mga estudyante tungkol kay Propetang Joseph Smith

Magbigay ng pagkakataon tulad ng mga sumusunod para ma-assess ng mga estudyante ang nadarama nila tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Isulat ang maraming bagay na maiisip ninyo na natutuhan ninyo tungkol kay Propetang Joseph Smith sa nakaraang ilang linggo ng seminary.

Maaaring isulat ng mga estudyante ang natutuhan nila sa pisara sa paligid ng larawan ni Joseph Smith. Bilang alternatibo, maaari ding gawin ng mga estudyante ang aktibidad na ito sa maliliit na grupo.

Salungguhitan o bilugan ang anumang bagay sa inyong listahan na tumutukoy rin sa paraan na natulungan niya kayo na mas mapalapit kay Jesucristo.

Kung hindi ito mababanggit ng mga estudyante, siguraduhing isama na nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Unang Pangitain, isinalin ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at tumanggap ng mga paghahayag mula sa Panginoon na kasama sa Doktrina at mga Tipan. Isama rin na ipinanumbalik ng Panginoon ang priesthood, ang Simbahan, at mga tipan at mga ordenansa sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Sabihin sa mga estudyante na suriin kung gaano kalakas ang paniniwala nila sa mga bagay na inilista nila mula sa scale na 1 hanggang 5 (1=hindi naniniwala at 5=matibay na naniniwala). Anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan na nakatulong na madagdagan ang kanilang paniniwala na tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging propeta para tulungan tayo na mas mapalapit kay Jesucristo.

Maaaring nahihirapan pa rin ang ilan sa iyong mga estudyante na magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta. Ang pagtatanong ng sumusunod at pagtutulot sa mga estudyante na magbigay ng maraming ideya ay maaaring makatulong sa mga estudyanteng ito.

  • Kung nahihirapan ang isang tao na maniwala na tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging propeta, ano ang maaari ninyong imungkahi na gawin nila para mapalakas ang kanilang paniniwala?