“Lesson 22—Doktrina at mga Tipan 11:1–7: ‘Pahalagahan [ang] Walang Hanggang Kaligtasan … sa Kaharian ng Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 11:1–7,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 22: Doktrina at mga Tipan 10–11
“Pahalagahan [ang] Walang Hanggang Kaligtasan … sa Kaharian ng Diyos”
Kung sino ang pinipili nating sundin, kung anong mga bagay na hinahangad natin, at kung paano natin ginugugol ang ating oras ay makaiimpluwensya nang malaki sa kung magiging sino tayo sa huli. Bilang bahagi ng Pagpapanumbalik, ang ating mapagmahal na Tagapagligtas ay nagbigay ng maraming payo kung ano dapat ang pagtutuunan ng ating buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang mas matinding hangaring naisin ang kaloob na buhay na walang hanggan na ibinibigay ni Jesucristo sa lahat ng tatanggap nito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga mensaheng sulit ulitin
Para masimulan ang lesson, maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga mensaheng madalas ulitin. Maaari nilang banggitin ang mga mensaheng napapansin nila sa mga advertisement, musika, o meme. Sabihin sa kanila na isipin kung bakit madalas ulitin ang ilan sa mga mensaheng ito. Maaaring makatulong ito na ihanda sila na pag-isipan ang mga mensaheng madalas ulitin ng Panginoon at kung bakit.
Ano ang ilang partikular na mensahe na ipinahiwatig ni Jesucristo sa Kanyang mga buhay na propeta na ulitin nang madalas?
Anong mga paulit-ulit na mensahe ang napansin ninyo sa inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan?
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga paulit-ulit na mensaheng ito?
Noong 1829, maraming tao—tulad nina Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Joseph Knight Sr., at David Whitmer—ang naghangad na malaman kung ano ang nais ni Jesucristo na malaman at gawin nila. Kabilang sa ilang mapagmahal na sagot ng Tagapagligtas ang mga paulit-ulit na katotohanang nais Niyang maunawaan at ipamuhay nating lahat.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng mga grupong may apat na miyembro at anyayahan ang bawat estudyante na buklatin ang isa sa mga sumusunod na bahagi. Maaaring basahin nang malakas ng isang estudyante ang mga talata mula sa kanyang bahagi. Maaari silang tumigil pagkatapos ng bawat talata para makapagbahagi ang kanilang mga kapartner ng mga pagkakatulad at pagkakaiba na napansin nila mula sa mga kaugnay na talata sa kanilang mga bahagi.
Basahin ang unang anim na talata ng bawat isa sa sumusunod na mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan: 6 ; 11 ; 12 ; at 14 . Ikumpara ang mensahe ng Tagapagligtas sa bawat isa.
“Masdan, siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman”
Basahin ang talata 7 sa bahagi 6 at 11 , at alamin ang payo ng Tagapagligtas sa lahat ng naghahangad na paglingkuran Siya.
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng katotohanang tulad ng sumusunod: Nais ni Jesucristo na bigyan tayo ng buhay na walang hanggan, na siyang pinakamahalaga sa lahat ng kaloob.
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong palalimin ang kanilang pag-unawa tungkol sa kahulugan ng buhay na walang hanggan at kung bakit napakahalagang kaloob ito na matatanggap natin. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pag-aralan ang ilan sa sumusunod na resources nang mag-isa o sa mga grupo. Bilang alternatibo, maaari mong isulat ang mga reperensyang ito sa maliliit na piraso ng papel at ilagay sa paligid ng silid at hayaang lumibot ang mga estudyante sa silid at pag-aralan ang mga ito nang tahimik, at magsulat ng mga tala nang mag-isa.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila sa kanilang pag-aaral.
Pag-iisip tungkol sa natutuhan mo
Maglaan ng ilang sandali na talakayin sa mga estudyante ang maaaring makagambala sa paghahangad ng buhay na walang hanggan. Sabihin sa kanila na tahimik na pag-isipan kung gaano sila mainam na naihahanda ng kasalukuyan nilang mga desisyon para makatanggap ng buhay na walang hanggan. Maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring naisin ang buhay na walang hanggan:
Ilista ang lahat ng dahilan na maiisip ninyo kung bakit mayaman ang isang tao na may buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:7 ).
Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga sagot sa nakaraang prompt sa pisara. Anyayahan ang mga boluntaryo na ilarawan kung bakit mahalaga sa kanila ang isinulat nila. Maaari itong maging makabuluhang bahagi ng lesson. Maaaring makabubuting bigyan ng maraming oras ang mga estudyante na magsulat, mag-isip, at magbahagi.
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na isipin kung paano maaaring makaimpluwensya sa kanilang buhay ang natutuhan at nadama nila ngayon. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring magbigay sa mga estudyante ng pagkakataong itala ang kanilang mga iniisip at impresyon sa kanilang study journal.
Ano ang natutuhan mo ngayon na nagpatindi sa iyong hangaring mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ano ang ilang paraan na maiiwasan mong unahin ang paghahangad ng mga makamundong bagay kaysa sa pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tayo ay mga anak ng Diyos, na itinalaga para sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. …
Sa huli, ang mabiyayaang magkaroon ng malapit at matibay na kaugnayan sa Ama at sa Anak ang hinahangad natin. Ito ang malaking kaibhan sa lahat at sulit ang halaga nito magpakailanman. (D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos ,” Liahona , Mayo 2022, 79–80)
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa dami ng kagila-gilalas na layuning natupad sa buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo, may malaking aspeto ng Kanyang misyon na madalas hindi kinikilala. Hindi ito ganap na nauunawaan ng Kanyang mga alagad noon, at marami sa mga makabagong Kristiyano ang hindi nakauunawa rito ngayon, ngunit paulit-ulit itong binigyang-diin ng Tagapagligtas mismo. Ito ang dakilang katotohanan na sa lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus, kasama lalo na ang Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang katangian ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa, sinikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.
Inihayag Niya ito kahit paano dahil noon at ngayon kailangan nating lahat na ganap na makilala ang Diyos para lalo natin Siyang mahalin at lalo pa Siyang sundin. (Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos ,” Liahona , Nob. 2003, 70)
Itinuro ni Elder Christoffel Golden ng Pitumpu:
Ang ating paghahangad sa buhay na walang hanggan ay walang iba kundi ang hangaring maunawaan kung sino ang Diyos at para makabalik tayo sa piling Niya. Nanalangin ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” [Juan 17:3 ]. (Christoffel Golden, “Ang Ama at ang Anak ,” Liahona , Mayo 2013, 99–100)
Ang paggamit at paglalarawan ng isang espada o tabak na may dalawang talim ay karaniwan sa sinaunang mundo at kapwa nasa Luma at Bagong Tipan (tingnan sa Mga Hukom 3:16 ; Mga Awit 149:6 ; Mga Kawikaan 5:4 ; Mga Hebreo 4:12 ; Apocalipsis 1:16 ; 2:12 ). Ang isang espadang may dalawang talim ay makahahati nang kabilaan at nagbibigay ng mas maraming kalamangan sa panahon ng labanan. Sa kanyang analohiya ng baluti ng Diyos, inihambing ni Apostol Pablo ang tabak ng Espiritu sa salita ng Diyos (tingnan sa Efeso 6:17 ).
Sa Mga Hebreo 4:12 , ang salita ng Diyos ay sinabing “buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim.” Ginamit ng Tagapagligtas ang mga salita ring ito sa ating panahon nang ilarawan Niya ang Kanyang salita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:2 ; 11:2 ; 12:2 ; 14:2 ; 33:1 ).
Sabihin sa mga estudyante na pansinin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang “salita” sa talata 2 ng Doktrina at mga Tipan 6 ; 11 ; 12 ; at 14 .
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kapangyarihan ng salita ng Diyos, maaari mo silang hatiin sa mga grupo na may tig-aapat na miyembro at i-assign sa bawat estudyante sa grupo ang isa sa mga sumusunod na scripture passage. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang kanilang passage at ibahagi sa kanilang grupo ang natutuhan nila tungkol sa salita ng Diyos at kung paano nito pinagpala ang mga nasa iba’t ibang passage. Hikayatin din ang mga estudyante na alamin ang mga paghahambing na ginawa sa salita ng Diyos at sa isang espada.
Alma 31:5 . Naghanda si Alma na turuan ang mga Zoramita.
Helaman 3:29 . Inilarawan ni Mormon kung paano nadala ang libu-libong kaluluwa sa katotohanan.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12 . Pinag-aralan ng batang Joseph Smith ang mga banal na kasulatan para magtamo ng karunungan.
Mga Hebreo 4:12 . Tinagubilinan ni Pablo ang mga sinaunang Israelita.
Maaari kang magdrowing sa pisara ng espadang may isang talim at isang espadang may dalawang talim. Sabihin sa mga estudyante mula sa iba’t ibang grupo na talakayin ang anumang kalamangan ng isang espadang may dalawang talim at ilista ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan sa paligid ng drowing.
Halimbawa, maaaring matuklasan ng mga estudyante mula sa Alma 31:5 na ang salita ng Diyos ay higit na malakas kaysa sa espada. Mula sa Helaman 3:29 maaari nilang makita kung paano hinahati at inihihiwalay ng salita ng Diyos ang katotohanan sa kamalian. Mula sa karanasan ni Joseph Smith, maaari nilang mapansin na ang salita ng Diyos ay maaaring tumimo sa ating puso at makatutulong sa paggawa natin ng mabuti. Mula sa Mga Hebreo 4:12 maaaring matanto ng mga estudyante na ang salita ng Diyos ay maaaring tumagos sa ating isipan at kaluluwa.
Kung makikinabang ang mga estudyante na malaman kung paano maaaring makaapekto ang mga panggagambala, at maging ang nakaparaming mabuting hangarin sa kanilang pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan, maaari mong ipanood ang video na tulad ng “The Soul’s Sincere Desire ”(3:28), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org .
3:28
Habang nanonood ang mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga bagay na kailangan nilang gawin araw-araw at kung paano nila pinipiling gamitin ang kanilang libreng oras. Pagkatapos ng video, maaaring ilista ng mga estudyante ang lahat ng ginagawa nila sa isang karaniwang araw at i-highlight ang mga aktibidad na mas maglalapit sa kanila sa Tagapagligtas at ekisan ang anumang maaaring maglayo sa kanila sa Kanya.