Pagkatapos mawala ang 116 na pahina ng manuskrito, ang mga laminang ginto, ang Urim at Tummim, at ang kapangyarihang magsalin ay pansamantalang kinuha mula kay Joseph Smith. Tinanggap ng Panginoon ang taos-pusong pagsisisi ni Joseph at ipinaliwanag Niya kung paano Siya naghanda ng paraan para magpatuloy ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kaalaman noon pa man. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang tiwala na tutulungan sila ng Diyos na madaig ang mga tusong plano ni Satanas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pinakamatalinong tao na kilala ninyo
Sino ang pinakamatalinong taong kilala ninyo, o nabuhay sa mundo, sa bawat isa sa mga sumusunod na paksa?
Kung pagsasama-samahin ninyo ang karunungan ng bawat taong naisip ninyo, sa inyong palagay, paano maihahambing ang karunungang iyon sa karunungan ng Diyos?
Ang Diyos ay hindi lamang mas matalino kaysa sinuman sa atin. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 10:43 para malaman kung saan pa nakahihigit ang karunungan ng Diyos.
Paano makatutulong sa isang tao na malaman ang katotohanan na ang karunungan ng Diyos ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo?
Ano ang ilang halimbawa sa mga banal na kasulatan o sa kasaysayan kung saan nadaig ng karunungan ng Diyos ang tusong plano ng diyablo?
Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson na ito, isipin ang mga pagpipilit ni Satanas na pigilan kayong umunlad sa espirituwal at gawin ang gawain ng Diyos. Pakinggan ang pagpapatunay ng Espiritu Santo na lubos na nauunawaan ng Diyos ang mga taktika ni Satanas at nakapaghanda na Siya ng paraan para madaig ninyo ang mga ito.
“Ang katusuhan ng diyablo”
Plano ni Satanas na mapahinto ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon at pagdudahin ang mga tao sa katotohanan ng aklat. Pinilit ni Martin Harris si Joseph Smith na payagan siya na ipakita sa kanyang asawa at sa iba pa ang unang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Patuloy na humingi ng pahintulot si Joseph sa Diyos, kahit dalawang beses na siyang sinabihan ng Diyos na huwag pumayag. Sa huli ay naiwala ni Martin ang mga pahina. Pagkatapos ay kinuha ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim mula kay Joseph.
Ano sa palagay ninyo ang ipinag-alala ni Joseph matapos mawala ang manuskrito?
Matapos ang mapagpakumbabang pagsisisi, muling natanggap ni Joseph ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim. Sinabi sa kanya ni Moroni na tinanggap ng Panginoon ang kanyang pagsisisi.
Bakit ang mensahe ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 10:43 ay makapagpapanatag lalo na kay Joseph sa panahong iyon?
Sa Doktrina at mga Tipan 10, itinuro ng Panginoon kay Joseph na ang mga nagnakaw ng mga pahina ay nagplanong baguhin ang mga salita ng manuskrito. Kung muling isinalin ni Joseph ang parehong materyal, sasabihin nila na iba ang pagkasalin niya rito at samakatuwid ay isa siyang huwad na propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:10–19).
Ano ang mga halimbawa ng gawaing iniuutos ng Diyos na isakatuparan ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon?
Anong mga tusong plano ang ginagamit ni Satanas para subukang pigilan tayo na isakatuparan ang gawain ng Diyos?
Isulat sa inyong study journal ang gawain na sa palagay ninyo ay nais ng Diyos na pagtuunan ninyo ngayon at isakatuparan sa hinaharap. Kapag pinag-isipan ninyo ito, iinspirasyunan kayo ng Espiritu Santo na magkaroon ng ilang ideya. Anong mga pamamaraan ang maaaring ginagamit ni Satanas ngayon sa inyong buhay upang mahadlangan kayo sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos?
Ang karunungan ng Diyos
Mga Tulong:
1 Nephi 19:1–3—Iniutos ng Diyos kay Nephi na gumawa ng dalawang set ng mga lamina na sumasaklaw sa parehong yugto ng panahon.
Mga Salita ni Mormon 1:3–7—Binigyang-inspirasyon ng Diyos si Mormon na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa pinaikling talaan na may parehong yugto ng panahon na ginawa na ni Mormon mula sa iba pang mga lamina ni Nephi.
Doktrina at mga Tipan 10:30, 40–42—Sinabi ng Diyos kay Joseph Smith na isalin ang maliliit na lamina ni Nephi sa halip na isaling muli ang naiwala ni Martin mula sa pinaikling malalaking lamina ni Mormon.