Seminary
Doktrina at mga Tipan 11:8–30: “Sa Lahat ng May Mabuting Hangarin”


“Doktrina at mga Tipan 11:8–30: ‘Sa Lahat ng May Mabuting Hangarin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 11:8–30,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Doktrina at mga Tipan 10–11

Doktrina at mga Tipan 11:8–30

“Sa Lahat ng May Mabuting Hangarin”

Hyrum Smith

Nang simulang ilahad ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, ninais ng ilang tao na malaman kung paano sila makatutulong. Kabilang dito ang mga miyembro ng sariling pamilya ni Joseph Smith, tulad ng kanyang kapatid na si Hyrum. Pinuri ng Panginoon si Hyrum dahil sa kanyang mabubuting hangarin at itinuro sa kanya kung paano maghandang tumulong sa gawain. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na hingin ang tulong ng Panginoon para makapaghandang makibahagi sa Kanyang gawain.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

“Maging anuman ang naisin mo”

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na gusto nilang sumali o makibahagi sa makabuluhang aktibidad o adhikain. Maaaring kabilang sa mga ideya ang pagpaplano ng aktibidad ng mga kabataan, pakikibahagi sa isang proyektong panserbisyo, o pagsali sa isang club o organisasyon. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga bagay na kailangan nila para makapaghanda nang maaga para maisakatuparan ang aktibidad o makapaglingkod para sa layunin.

Maaari mong ibahagi ang impormasyon na tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung saan nais makibahagi ni Hyrum Smith na humantong sa paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 11.

Noong Mayo 1829, ang matinding hangarin ni Hyrum Smith ay makibahagi sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas. Naglakbay siya nang mahigit 250 milya mula Palmyra, New York, patungong Harmony, Pennsylvania, para bisitahin ang kanyang nakababatang kapatid na si Joseph at malaman kung ano ang magagawa niya para makatulong. Inihayag ng Panginoon ang Doktrina at mga Tipan 11 dahil sa mabubuting hangarin ni Hyrum.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:8, at alamin kung paano pagpapalain ng Panginoon si Hyrum Smith dahil nais niyang tumulong sa gawain. Pagkatapos, basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:27, at alamin kung sino pa ang kinausap ng Tagapagligtas sa paghahayag na ito.

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang katotohanan mula sa mga talatang ito at ipahayag ito gamit ang sarili nilang mga salita. Maaaring ganito ang sabihin nila: Kung nais nating paglingkuran ang Diyos, magagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan natin.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang sarili sa kanilang paghahandang gawin ang gawain ng Diyos. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano nila maa-assess ang kanilang sarili.

Gamit ang sumusunod na scale, piliin kung gaano ka kaya kahandang gawin ang gawain ng Diyos:

  • 1 = Talagang hindi pa handa

  • 2 = Medyo hindi pa handa

  • 3 = Medyo handa

  • 4 = Handang-handa

Pag-isipan ang maaari mong gawin para madagdagan ang iyong kahandaan. Maaari mong isulat ang ilan sa mga ideya mo sa iyong study journal.

Paghahandang maglingkod

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at hikayatin sila na halinhinang basahin nang malakas ang mga sumusunod na talata.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:11–26, at markahan ang mga partikular na parirala na nagpapayo na ibinigay ng Tagapagligtas upang tulungan si Hyrum na maghandang maglingkod nang tapat. Matapos pag-aralan ang mga talatang ito, pumili ng isang parirala na nagmumungkahi kung paano tayo makapaghahanda. Mag-isip ng dalawa hanggang tatlong partikular na paraan na masusunod ng isang tao ang payong iyon sa kanyang buhay.

Maaari mong anyayahan ang bawat grupo na isulat sa pisara ang pariralang pinili nila at ibahagi sa klase ang ilang paraan na masusunod nila ito. Maaari kang magbigay ng follow-up na tanong tulad ng “Paano makakaimpluwensya ang pagsunod sa payong iyon ngayon sa magiging kung sino kayo kalaunan sa buhay?” Makinig nang mabuti habang nagbabahagi ang mga estudyante para mahiwatigan kung aling mga parirala ang pag-uukulan ng mas maraming oras sa pagtalakay. Ang sumusunod na tatlong bahagi ay magagamit upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan, talakayin, at maghandang sundin ang mga partikular na parirala.

“Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (talata 12)

Isipin ang ilang sitwasyon sa tunay na buhay kung saan maaaring kailanganing magpasya ng isang teenager kung magtitiwala ba siya sa Espiritu.

  • Bakit kailangan ang pananampalataya sa Tagapagligtas para lubos na magtiwala sa Espiritu sa mga ganitong sitwasyon?

  • Ano ang magagawa natin para matutuhan kung paano mas tumanggap ng inspirasyon at kumilos ayon sa inspirasyong ito mula sa Espiritu Santo?

Maaaring kabilang sa mga sagot ang marapat na pagtanggap ng sakramento, pagsulat at pagkilos ayon sa mga pahiwatig na dumarating, at pagninilay bilang bahagi ng personal na panalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nagtiwala sila sa Espiritu na gumawa ng mabuti.

“Sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang buo mong kakayahan, pag-iisip at lakas” (talata 20)

Pumili ng tatlo hanggang apat na kautusan na sa palagay mo ay nauugnay lalo na sa mga teenager.

Para sa bawat kautusan, isulat kung ano kaya ang mangyayari kung susundin ito ng isang teenager nang buo niyang kakayahan, pag-iisip, at lakas.

  • Bakit kailangang magsikap na sundin ang mga kautusan ng Panginoon para mas mapaglingkuran Siya?

  • Paano ka napagpala o ang isang taong kilala mo sa masigasig na pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Tagapagligtas?

“Hangarin munang matamo ang aking salita” (talata 21)

Ilista ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao na naghahangad na “matamo ang salita [ng Panginoon]” sa halip na basta na lang basahin ang mga banal na kasulatan.

Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagmamarka ng mga talata, pagtatala ng mga kaisipan na dumarating, paghahanap ng mga sagot sa mga tanong, at pagdarasal habang nag-aaral.

  • Paano nababago ng kusa mong paghahanda na maging mas mabuting missionary, titser, lider, minister, asawa, o magulang sa hinaharap ang paraan ng pag-aaral mo ng ebanghelyo ngayon?

  • Ano ang isang partikular na bagay na magagawa mo para maging mas epektibo ang pag-aaral mo ng banal na kasulatan sa araw-araw? (Maaaring nagtakda ka na noon ng mithiing kapareho nito. Maaaring magandang pagkakataon ito para suriin ang iyong progreso.)

Ipamuhay ang natutuhan mo

Ang pag-unawa sa paglalarawan ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili sa bahagi 11 ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pag-asa na tutulungan Niya sila na masunod nila ang mga paanyaya sa bahaging ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talata 11, 28–30 at talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano tatanglawan ng Tagapagligtas ang iyong daan habang nagsisikap kang sundin ang Kanyang payo at naghahandang maglingkod sa Kanya?

  • Paano mo mas “[tatanggapin]” ang Tagapagligtas at ang Kanyang payo sa iyong buhay?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mabigyan ng kakayahang maging mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Diyos?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang tahimik na sandali para pag-isipan ang sumusunod at ipamuhay ang natutuhan nila. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-iisip ng mga ideya, sabihin sa kanila na pumili ng isang pariralang nakalista sa pisara kanina sa lesson. Maaari mong ibahagi ang sarili mong nadarama tungkol sa kung paano nakabuti at napagpala ang iyong buhay ng paglilingkod sa Panginoon.

Pag-isipan sandali kung anong uri ng tagapaglingkod ang gusto mong maging para sa Panginoon ngayon, sa loob ng dalawang taon, sa loob ng 10 taon, at sa buong buhay mo. Pumili ng kahit isang parirala na nagpapayo mula sa iyong pag-aaral ngayon na gusto mong pagtuunan at gumawa ng plano para masunod ito. Ang isang paraan para magawa ito ay magdrowing ng isang simpleng hagdan na may tatlo o apat na baitang. Sa bawat baitang, sumulat ng isang bagay na magagawa mo upang matulungan kang mas matamo ang salita ng Panginoon, masunod ang Kanyang mga kautusan, o ang anumang payo na ipinasya mong pagtuunan.