“Doktrina at mga Tipan 14: Ikaw ay Magkakaroon ng Buhay na Walang Hanggan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 14,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Doktrina at mga Tipan 12–17; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
Doktrina at mga Tipan 14
Ikaw ay Magkakaroon ng Buhay na Walang Hanggan
Lumipat sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York, para tapusin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nadama ni David Whitmer ang kapangyarihan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas at ninais niyang maging bahagi ng gawain. Ang Doktrina at mga Tipan 14 ay natanggap bilang tugon sa mga hangarin ni David na malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging masunurin at magtiis hanggang wakas sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan
Matapos malaman sa seminary ang tungkol sa buhay na walang hanggan, iniisip ng isang dalagita, “Sa palagay ko, hindi sapat ang kabutihan ko para makapiling ang aking mga magulang sa langit at si Jesucristo at maging katulad Nila. Hindi ko kaya.”
-
Bakit maaaring ganito ang nararamdaman niya?
-
Ano pa kaya ang ipinag-aalala niya?
Ang pamilya Whitmer
Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay naharap sa matinding pag-uusig habang isinasalin nila ang Aklat ni Mormon sa Harmony, Pennsylvania. Sumulat sila sa pamilya Whitmer para itanong kung maaari silang lumipat sa kanilang tahanan sa Fayette, New York, para tapusin ang pagsasalin. Matapos ang mga banal na pagpapakita mula sa Panginoon, nagpasiya sina Mary at Peter Whitmer Sr. at ang kanilang pamilya na anyayahan sina Joseph, Emma, at Oliver sa kanilang tahanan. Sinuportahan nila sila habang ginagawa nila ang pagsasalin. Nabigyang-inspirasyon lalo na si David Whitmer ng gawain ng Pagpapanumbalik at ninais niyang malaman ang kalooban ng Tagapagligtas para sa kanya. Tumanggap si Joseph ng paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 14, kung saan inanyayahan ng Tagapagligtas si David na sumama sa Kanya sa “dakila at kagila-gilalas na gawain” (Doktrina at mga Tipan 14:1) na ito. Inanyayahan Niya si David na “hangaring ipahayag at itatag ang [Kanyang] Sion” (Doktrina at mga Tipan 14:6). Ang mga paanyayang ito, pati na ang patnubay at mga pagpapalang ipinangako rin ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 14, ay angkop sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.
Pagsunod sa mga kautusan at pagtitiis hanggang wakas
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 14:5–7 at alamin ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas upang maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.
-
Ano ang nalaman mo?
-
Anong alituntunin ang matutukoy mo?
Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas:
Ang pagtitiis hanggang wakas, o pananatiling tapat sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo habambuhay, ang pangunahing kailangan para maligtas sa kaharian ng Diyos. …
… Ang pagtitiis hanggang wakas ay hindi lang basta pagpapabaya sa mga kahirapan ng buhay o “basta magtiyaga lang.” Ang atin ay isang aktibong relihiyon, na tumutulong sa mga anak ng Diyos na makatahak sa tuwid at makipot na landas upang mapaghusay ang kanilang ganap na potensyal sa buhay na ito at makabalik sa Kanya balang araw. (Dieter F. Uchtdorf, “Hindi Ba’t May Dahilan Upang Tayo ay Magsaya?,” Liahona, Nob. 2007, 20)
-
Sa iyong palagay, bakit kailangan ang pagsunod sa mga kautusan at pagtitiis hanggang wakas upang matamo ang buhay na walang hanggan?
-
Paano naging halimbawa si Jesucristo ng pagsunod sa mga kautusan at tapat na pagtitiis hanggang wakas?
-
Paano tayo matutulungan ng kaalamang ito na magkaroon ng walang-hanggang pananaw kapag naharap sa mga hamon ng buhay?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 14:8–11 at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas kay David Whitmer na makatutulong sa kanya na matanggap ang kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan.
-
Sa iyong palagay, paano naaangkop sa atin ngayon ang payong ito?
Ang nakahihikayat na kapangyarihan ng Tagapagligtas na sumunod at magtiis
Isipin kung gaano mo kailangan ang tulong ng Tagapagligtas sa iyong buhay. Maghanap ng scripture reference na nagtuturo ng mga paraan na makakaasa ka sa Kanyang kapangyarihan na tulungan ka. Kung kinakailangan, maaari mong basahin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na scripture reference.
Basahin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol at alamin kung paano tayo pagpapalain ng Panginoon habang nagsisikap tayong maging masunurin at magtiis hanggang wakas.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kung ibibigay natin ang ating puso sa Diyos, mamahalin ang Panginoong Jesucristo, at gagawin ang lahat ng ating makakaya upang ipamuhay ang ebanghelyo, kung gayon ang bukas—at ang bawat araw—ay magiging napakaganda, hindi man natin ito napapansin sa tuwina. Bakit? Dahil iyon ang nais ng ating Ama sa Langit! Nais Niya tayong pagpalain. Ang maganda, masagana, at walang hanggang buhay ang pinakalayunin ng Kanyang maawaing plano para sa Kanyang mga anak! Ito ay isang plano na nakabatay sa katotohanan “na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios” [Mga Taga Roma 8:28]. Kaya patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman. (Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127)
-
Anong mga salita o parirala sa pahayag na ito ang nakahikayat sa iyo na sundin ang mga kautusan at magtiis hanggang wakas?
Kasama ng Tagapagligtas, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan
-
Ano ang isa o dalawang bagay na sa palagay mo ay magagawa mo para maging masunurin at magtiis hanggang wakas?
-
Ano ang maaalala o magagawa mo kapag nahaharap ka sa mga balakid sa pagsunod o pagtitiis hanggang wakas?
-
Paano ka makakaasa sa kapangyarihan ng Tagapagligtas habang nagsisikap kang sundin ang Kanyang mga kautusan at magtiis hanggang wakas?