“Lesson 26—Doktrina at mga Tipan 17: Ang Tatlong Saksi,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 17,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 26—Doktrina at mga Tipan 12–17; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
Doktrina at mga Tipan 17
Ang Tatlong Saksi
Nangako ang Panginoon kay Joseph Smith na may tatlong iba pa na magiging mga saksi ng mga laminang ginto. Sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ang mga saksing ito na tinawag ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, dinalaw sila ng anghel na si Moroni at narinig nila ang tinig ng Tagapagligtas na nagpapahayag na ang nakita nila ay totoo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalakas ang sarili nilang patotoo sa Aklat ni Mormon habang pinag-aaralan nila ang mga patotoo ng Tatlong Saksi.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga Saksi
Mahalaga ang ginagampanan ng mga saksi sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:28, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga saksi (tingnan din sa 2 Corinto 13:1).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga saksi sa Simbahan?
-
Sa inyong palagay, bakit nagbigay ang Tagapagligtas ng maraming saksi sa Kanyang gawain?
Ang Tatlong Saksi
Alam ni Joseph Smith sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at mga paghahayag na tutulutan ng Panginoon na makita ng iba pang mga tao ang mga laminang ginto. Alam niya na makikita ang mga ito ng tatlo sa mga saksi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 27:12–13; Eter 5:2–4; Doktrina at mga Tipan 5:11–15). Bawat isa kina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay nagkaroon ng inspiradong hangarin na maging isa sa mga saksi. Bawat isa ay may mahalagang ginagampanan sa paglabas ng Aklat ni Mormon.
Itugma ang bawat isa sa Tatlong Saksi sa tamang detalye ng kanilang buhay.
-
Oliver Cowdery
-
David Whitmer
-
Martin Harris
-
Nagbigay ng pondo para sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon
-
Naglingkod bilang pangunahing tagasulat ni Joseph para sa karamihan sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon
-
Nag-anyaya kay Joseph Smith na tapusin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa tahanan ng kanyang pamilya
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 17:1–2, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na makikita ng Tatlong Saksi.
-
Ano ang alam ninyo tungkol sa alinman sa mga bagay na ito?
-
Ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga lalaking ito para makita ang mga bagay na ito?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 17:3–9, at alamin kung ano ang magiging responsibilidad ng Tatlong Saksi matapos makita ang mga lamina.
Ano ang responsibilidad natin kapag binigyan tayo ng Panginoon ng mga saksi ng mga banal na katotohanan?
Sa inyong palagay, bakit mahalaga na ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?
“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”
Basahin ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” na nasa mga pambungad na pahina ng Aklat ni Mormon, at alamin kung ano ang pinatotohanan nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang mahalaga sa kanilang patotoo?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa Tatlong Saksi tungkol sa pagkakaroon ng sarili nating patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo?
Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang kapangyarihan ng kanilang patotoo. Basahin ang sumusunod na pahayag o panoorin ang video na “An Enduring Testimony of the Mission of the Prophet Joseph” (17:32; panoorin mula sa time code na 4:18 hanggang 5:43).
Higit pa sa nahahawakang ebidensya ng nakita at narinig ng mga saksing iyon ang maaaring matanggap ng mga mahal ninyo. May iba pang taglay ang tatlong saksing iyon na kailangan nating lahat. Pinatotohanan ng Espiritu Santo sa puso at isipan nila na totoo ang kanilang nakita at narinig. Sinabi sa kanila ng Espiritu na ang anghel ay mula sa Diyos at ang tinig ay sa Panginoong Jesucristo. Ang pagsaksing iyon ng Espiritu ay ibinigay sa kanila at sa marami na wala roon. Isa iyong pagsaksi na mapapasaatin at mananatili sa atin magpakailanman kung magiging marapat tayo sa paggabay ng Espiritu Santo.
Kailanman ay hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit pa sa alam ng karamihan. Ganoon din ang patotoo ni Oliver Cowdery tungkol sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon noong naghihingalo na siya. Ngunit sa oras ng pagsubok, atubili sila sa paniniwalang propeta pa rin ng Diyos si Joseph at ang tanging paraan para makalapit sa Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo. (Henry B. Eyring, “Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph,” Liahona, Nob. 2003, 90)
-
Paano nakaapekto ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa sarili ninyong patotoo sa Aklat ni Mormon? kay Jesucristo?
-
Ano ang ilang paraan na maibabahagi natin ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Aklat ni Mormon?