Lesson 31: Doktrina at mga Tipan 19:1–24, Bahagi 1: Sinunod ni Jesucristo ang Kalooban ng Ama sa Langit
“Doktrina at mga Tipan 19:1–24, Bahagi 1: Sinunod ni Jesucristo ang Kalooban ng Ama sa Langit,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 19:1–24, Bahagi 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Sinunod ni Jesucristo ang Kalooban ng Ama sa Langit
Sa pagsusumamo para sa kapanatagan at patnubay, humiling si Martin Harris kay Propetang Joseph Smith ng paghahayag mula sa Panginoon. Sa Doktrina at mga Tipan 19, isinalaysay ng Tagapagligtas kung paano Niya piniling sundin ang kalooban ng Ama sa Langit at kung paano Siya nagkaroon ng lakas na madaig ang lahat ng bagay. Pinangakuan si Martin ng kapayapaan kung siya ay magsisisi at susunod sa ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong na mapag-ibayo ang hangarin ng mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang halimbawa ng Tagapagligtas
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng isuko ang ating kalooban sa Diyos?
Ano ang ilang mahihirap na sakripisyo na maaaring ipagawa sa mga teenager para makasunod sa kalooban ng Ama sa Langit?
Ang pagsunod ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama
Sa hangaring suportahan si Propetang Joseph Smith at ang paglalathala ng Aklat ni Mormon, nangako si Martin Harris na tutulong siya na mabayaran ang paglilimbag. Nang matanto niya kalaunan na maaaring kailanganin niyang ibenta ang kanyang sakahan, humingi siya kay Joseph ng paghahayag ng patnubay mula sa Panginoon. Sa paghahayag, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 19, nagturo ang Tagapagligtas ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang mga katotohanang ito ay nakatulong kay Martin na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit kahit mahirap ito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:1–5, 15–19, 23–24. Maaari mong markahan ang mga makabuluhang salita at parirala na nagtuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pagkatao.
Anong mga katotohanan ang nahanap mo sa mga talatang ito?
Ano ang ibig sabihin ng ipinasakop ni Jesucristo ang Kanyang kalooban sa Ama?
Sa iyong palagay, paano nakatulong sa sitwasyon ni Martin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa Kanyang Sarili? Paano ito makatutulong sa atin kapag hiniling sa ating gumawa ng mahihirap na sakripisyo?
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926-2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagpapasakop ng kalooban ng isang tao ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos. Ang maraming iba pang bagay na ating “ibinibigay” … ay ang mga bagay na ibinigay o ipinahiram na Niya sa atin. Gayunman, kapag sa huli ay ipinasakop natin ang ating sarili, sa pamamagitan ng pagpapasakop ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, talagang may ibinibigay na tayo sa Kanya! Ito lamang ang tanging pag-aari natin na talagang maibibigay natin! (Neal A. Maxwell, “Swallowed Up in the Will of the Father,” Ensign, Nob. 1995, 24)
Sa iyong palagay, paano naiiba ang pagpapasakop ng kalooban ng isang tao tulad ng itinuro ni Elder Maxwell sa simpleng pagsunod?
Kailan ka nakakita ng isang tao na tinularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsunod sa kalooban ng Diyos kahit mahirap ito?
Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan … pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang-hanggan. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 49–50)