Seminary
Lesson 33: Doktrina at mga Tipan 19:25–41: Pagtingin sa mga Sakripisyo nang may Walang-hanggang Pananaw


“Doktrina at mga Tipan 19:25–41: Pagtingin sa mga Sakripisyo nang may Walang-hanggang Pananaw,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 19:25–41,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 33: Doktrina at mga Tipan 19

Doktrina at mga Tipan 19:25–41

Pagtingin sa mga Sakripisyo nang may Walang-hanggang Pananaw

ang Bukid ni Martin Harris

Nangako si Martin Harris na isasangla ang kanyang bukid sa halagang $3,000 para mabayaran ang pagpapalimbag sa Aklat ni Mormon. Ang manlilimbag, si E. B. Grandin, ay nagpasiya na hindi niya sisimulan ang pagpapalimbag hanggang sa pormal na maisagawa ang mga kasunduan. Dahil dito, kinakailangang ibenta ni Martin ang kanyang bahay at ang malaking bahagi ng kanyang ari-arian upang matiyak ang pagbabayad. Binigyan ng Panginoon si Joseph ng paghahayag na nagpalawak ng pananaw ni Martin at nagbigay sa kanya ng kinakailangang tiwala na magpatuloy sa kasunduan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsasakripisyo ng anumang hilingin sa atin ng Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang inaalala ni Martin Harris

Kunwari ay nabuhay ka noong 1829 at isa ka sa mga naunang naniniwala na tinawag si Joseph Smith bilang propeta. Lumapit sa iyo ang kaibigan mong si Martin Harris para humingi ng payo. Alam mong nakatira siya sa magandang 240-akreng sakahan. Sinabi niya sa iyo na kung hindi makakabenta ng sapat na mga kopya ng Aklat ni Mormon, kakailanganin niyang ibenta ang kanyang bahay at ang malaking bahagi ng kanyang sakahan para mabayaran ang paglilimbag. Ang kanyang asawa at mga kapitbahay ay hindi sang-ayon na ibenta niya ang kanyang sakahan para kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Maaari siyang mawalan ng bahay at masira ang pagsasamahan nila ng kanyang mga mahal sa buhay.

  • Ano ang madarama mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Martin?

  • Ano ang maipapayo mo sa kanya?

  • Sa iyong palagay, paano maikukumpara ang kahalagahan ng paglilimbag ng Aklat ni Mormon sa kahalagahan ng sakahan ng mga Harris?

Maaari mong piliing gawin ang mga sumusunod na column at listahan sa pisara.

Gumuhit ng linya sa gitna ng isang pahina ng iyong study journal. Lagyan ng label na “Mga Sakripisyo” ang unang column at ang pangalawang column na “Payo mula sa Diyos.”

Sa ilalim ng unang column, isulat ang mga sakripisyong ipinagawa kay Martin Harris.

Maaaring kabilang sa mga sagot ang kanyang pera, bahay, at sakahan gayundin ang kanyang reputasyon at ugnayan sa pamilya at mga kaibigan.

Pagkatapos, sa column ding iyon, ilista ang mga sakripisyong iniutos o maaaring iutos ng Panginoon na gawin ng mga teenager ngayon.

Maaaring nakagawa na ang mga estudyante ng listahan ng mga katulad na ideya sa lesson na “Doktrina at mga Tipan 19:1–24, Bahagi 1.” Kung gayon, maaari mong ipaalala sa kanila ang listahang iyon at itanong kung gusto nilang magdagdag ng anumang bagay roon.

Isang walang-hanggang pananaw

Buklatin ang bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2023). Basahin ang talata 8, at maghanap ng mga ideya na maaaring makatulong sa sitwasyon o mga sitwasyon ni Martin Harris kapag iniuutos sa atin ng Panginoon na magsakripisyo ngayon.

Sabihin sa mga estudyante na ilista ang nalaman nila sa column na “Payo mula sa Diyos” sa kanilang study journal at sa pisara.

  • Bakit napakahalaga ng walang-hanggang pananaw kapag iniuutos sa atin ng Panginoon na gumawa ng mahihirap na bagay?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag tinitingnan natin ang mga sakripisyong ito mula sa temporal na pananaw, tila mahirap o hindi makatarungan ang mga ito. Ang limitadong pananaw na ito ay maaaring humantong sa mga desisyong pagsisisihan natin kalaunan.

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang mga sumusunod na talata, sabihin sa kanila na markahan ang mga natutuhan nila at idagdag ang mga ito sa column na “Payo mula sa Diyos.”

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:26–28, 32–35, 38–41, at alamin ang payo na ibinigay ng Panginoon kay Martin Harris na makatutulong sa kanya na makita ang kanyang mga alalahanin nang may walang-hanggang pananaw.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang payo na nahanap nila bilang mga pahayag ng katotohanan. Maaari nilang matukoy ang mga payo na tulad ng mga sumusunod:

Hindi tayo dapat mag-imbot sa sarili nating ari-arian kundi dapat natin itong malayang ibahagi sa gawain ng Diyos (tingnan sa talata 26).

Ang pagwawalang-halaga sa ipinayo ng Panginoon ay magbubunga kalaunan ng kalungkutan at pagkawasak (tingnan sa talata 32–33).

Kung nasa atin ang Espiritu, ang ating pagpapala ay higit na dakila kaysa mga kayamanan ng mundo (tingnan sa talata 38).

  • Paano kaya nakatulong kay Martin Harris ang mga katotohanang nahanap mo?

  • Paano makikita ang pagmamahal ng Diyos kay Martin sa paghahayag na ito?

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa tugon ni Martin Harris sa paghahayag na ito:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang isa sa mga pinakamalaking kontribusyon ni Martin Harris sa Simbahan, na nararapat na patuloy na parangalan, ay ang pagbabayad niya sa pagpapalathala ng Aklat ni Mormon. Noong Agosto 1829, isinangla niya ang kanyang bahay at bukirin kay Egbert B. Grandin para magarantiyahan na mababayaran ang kontrata sa manlilimbag. Pitong buwan kalaunan, natapos ang 5,000 kopya ng unang pagpapalimbag sa Aklat ni Mormon. Kalaunan, nang kailangan nang bayaran ang pagkakasangla, ibinenta niya ang bahay at ang isang kapiraso ng bukirin sa halagang $3,000. Sa ganitong paraan, naging masunurin si Martin Harris sa paghahayag ng Panginoon. (Dallin H. Oaks, “The Witness: Martin Harris,” Ensign, Mayo 1999, 36)

  • Paano ipinakita ng mga ginawa ni Martin ang pag-uugaling tulad ng kay Cristo?

  • Mula sa walang-hanggang pananaw, bakit sulit ang sakripisyo ni Martin?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng unang kalahati ng bahagi 19. Maaari mong talakayin sa mga estudyante kung paano nakatulong ang kahandaan ng Tagapagligtas na isakripisyo ang Kanyang sarili para magawa ang kalooban ng Kanyang Ama upang maging handa si Martin na isakripisyo ang kanyang ari-arian. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paanong ang halimbawa ng Tagapagligtas na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama sa gitna ng matinding pagdurusa ay makahihikayat sa kanila na sundin ang iniuutos ng Ama sa Langit.

Ano ang maaaring iutos ng Panginoon sa akin

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay na nakasulat sa column na “Mga Sakripisyo” na nauukol sa mga teenager ngayon at pumili ng isa o mahigit pa sa mga payo ng Panginoon sa column na “Payo mula sa Diyos” na maaaring makatulong sa isang tao na gawin ang sakripisyong iyon. Pagkatapos ay maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na ipaliwanag sa kanilang kapartner kung paano makatutulong ang payo sa isang taong inatasan na gawin ang sakripisyong iyon.

Pagkatapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na magbahagi sa isa’t isa, maaari mong sabihin sa mga boluntaryo na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

Pagkatapos maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga saloobin sa kanilang study journal.

  1. Sa iyong study journal, isulat ang isang sitwasyon kung saan nais ng Panginoon na sundin mo ang Kanyang kalooban na maaaring mahirap para sa iyo.

  2. Ilista ang mga balakid na maaari mong kaharapin sa pagsisikap na gawin ang Kanyang kalooban.

  3. Isulat kung paano makatutulong sa iyo ang pagtingin sa iyong sitwasyon mula sa walang-hanggang pananaw ng Diyos para madaig mo ang alinman sa mga balakid na ito.

  4. Isulat kung paano ka mahihikayat ng halimbawa ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 19 na sundin ang kalooban ng iyong Ama sa Langit. (Maaari mong basahin ang talata 2, 16–19, 23–24.)

  5. I-outline ang mga unang hakbang na maaari mong gawin para matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa iyong sitwasyon.