Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin sa Kanyang mga Banal habang naghahanda silang gumawa ng malalaking sakripisyo upang magtipon sa Ohio. Sa Kanyang paghahayag sa mga Banal, inihayag ng Tagapagligtas ang Kanyang pagkatao at inanyayahan ang Kanyang mga tao na mamuhay nang katulad Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa iba at paghahangad ng pagkakaisa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Nais ng Panginoon na maging katulad Niya tayo
Noong Disyembre ng 1830, ginagawa ni Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Biblia at natanggap niya ang tinatawag na ngayon na Moises 6–7 sa Mahalagang Perlas. Ang mga kabanatang ito ay salaysay tungkol sa isang propetang nagngangalang Enoc at sa kanyang mga tao. Dahil sa kanilang kabutihan at pagkakaisa, tinawag ng Panginoon ang mga tao na ito na Sion.
Sa Doktrina at mga Tipan 38, iniutos ng Tagapagligtas sa mga Banal na magtipon sa Ohio. Itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang pagkatao at binigyang-diin Niya ang mga alituntunin ng pagtatayo ng Sion. Ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay makatutulong sa mga Banal na ihanda ang kanilang sarili na tanggapin ang batas ng Tagapagligtas at mapagkalooban ng Kanyang kapangyarihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32).
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27, at alamin kung anong mga katangian ang gusto ni Jesucristo na taglayin natin.
Ano ang nakita mo na makatutulong sa mga lumipat sa Ohio na pahalagahan ang isa’t isa at magkaisa?
Ang ating mga pagsisikap na pahalagahan ang iba at maghangad ng pagkakaisa
Nagturo si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga paraan na maaari tayong magkaisa bilang mga disipulo ni Cristo. Basahin ang pahayag o panoorin ang video na “Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot” (12:39; panoorin mula sa time code na 4:49 hanggang 6:32) sa ChurchofJesusChrist.org.
12:51
Ang pagkakaisa ay nangangailangan ng pagsisikap. Nabubuo ito kapag nagsisikap tayong magkaroon ng pag-ibig ng Diyos sa ating puso at nakatuon tayo sa ating walang hanggang tadhana. Pinagkakaisa tayo ng ating karaniwan, pangunahing pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos at ng ating katapatan sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Bunga nito, ang ating pagmamahal sa Diyos at ang ating pagiging disipulo ni Jesucristo ay lumilikha ng tunay na malasakit sa iba. Pinahahalagahan natin ang maraming iba’t ibang katangian, pananaw, at talento ng ibang tao. Kung hindi natin kayang unahin ang ating pagiging disipulo kay Jesucristo kaysa sa ating mga personal na interes at pananaw, kailangan nating muling suriin ang ating mga priyoridad at magbago.
Maaaring masabi natin na, “Siyempre maaari tayong magkaisa—kung sasang-ayon ka sa akin!” Mas mabuti kung itatanong natin, “Ano ang magagawa ko upang magkaroon ng pagkakaisa? Paano ako tutugon upang matulungan ang taong ito na mas mapalapit kay Cristo? Ano ang magagawa ko upang mabawasan ang pagtatalo at makabuo ng isang mapagmahal at mapagmalasakit na komunidad sa Simbahan?”
Kapag puspos ng pag-ibig ni Cristo ang ating buhay, tumutugon tayo sa mga ‘di-pagkakasundo nang may kaamuan, pagtitiis, at kabaitan. Mas inaalala natin ang damdamin ng ibang tao kaysa sa sarili nating damdamin. Sinisikap nating “mamagitan at magtaguyod ng pagkakaisa” [Dallin H. Oaks, “Pagtatanggol sa Ating Saligang-Batas na Binigyang-Inspirasyon ng Langit,” Liahona, Mayo 2021, 107]. Hindi tayo nakikibahagi sa “away tungkol sa mga kuru-kuro,” hindi hinuhusgahan ang mga hindi natin makasundo, at hindi gumagawa ng anumang ikatitisod ng iba [tingnan sa Roma 14:1–3, 13, 21]. Sa halip ay iniisip natin na ang mga hindi natin makasundo ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya batay sa mga karanasan nila sa buhay. (Dale G. Renlund, “Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot,” Liahona, Nob. 2021, 84)
Mapanalanging pumili ng isang ugnayan na nais mong patibayin sa isang indibiduwal o sa isang grupo. Sagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
Ano ang magagawa mo para pahalagahan ang tao o mga taong ito at magpakita ng pagmamahal sa kanila?
Paano ka makababaling sa Tagapagligtas para madaig ang mga balakid na kinakaharap mo?
Paano makatutulong sa iyo ang paggawa nito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?