Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtitipon sa maraming paraan. Ang unang pagkakataon na nagtipon ang mga miyembro ng Simbahan sa iisang pangkat ay nang iutos ng Panginoon ang Kanyang mga tao na magtipon “sa Ohio” (Doktrina at mga Tipan 37:1). Ang mga miyembro ng Simbahan sa New York at iba pang mga lugar ay nagsakripisyo nang malaki upang magtipon sa Ohio. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tao na magtipon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“[Magtungo] kayo sa Ohio”
Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kapangyarihan ng pagtitipon? Tungkol sa kapangyarihan ng pagtitipon sa Tagapagligtas?
Sa iyong palagay, bakit iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tao na magtipon?
Anong mga pagpapala ang kailangan mo sa iyong buhay na maaaring nagmumula sa pagtitipon kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan?
Ano ang ilang lugar na pinagtitipunan natin ngayon para madama ang kapangyarihan ng Tagapagligtas?
Maraming tao sa Ohio ang tumugon sa mensahe ng Pagpapanumbalik at sumapi sa Simbahan ng Tagapagligtas. Kabilang sa kanila ang isang pastor na nagngangalang Sidney Rigdon. Naunawaan ni Sidney at ng kanyang asawang si Phebe na kung tatanggapin nila ang Aklat ni Mormon at sasapi sa Simbahan, mawawala ang kanilang tahanan at kabuhayan. Mapanalangin nilang pinag-isipan ang bagay na ito at nabinyagan sila. Maraming miyembro ng kongregasyon ni Rigdon ang sumapi rin sa Simbahan.
Sa New York, maraming miyembro ng Simbahan ang nakaranas ng matinding pag-uusig. Sa ilang pagkakataon, pinagbabantaan ng kanilang mga kaaway ang buhay ng mga lider ng Simbahan, at nagpupulong nang lihim upang pagplanuhan ang paglipol sa kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:13, 28–29). Nang dumating si Sidney Rigdon sa New York upang makilala si Joseph Smith, ipinahayag niya kung paano tinanggap ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa Ohio. Nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na may mga tagubilin na makatutulong sa mga Banal sa New York sa mga paghihirap na dinaranas nila.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 37:1–4, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Ano kaya ang naging reaksyon ng mga miyembro ng Simbahan sa kautusang ito? Bakit?
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa iyo na kumilos nang may pananampalataya kapag tila mahirap sundin ang Kanyang mga kautusan?
Hindi nagtagal matapos matanggap ang utos na pumunta sa Ohio, nagtipon ang mga lider ng Simbahan para sa isang kumperensya at tinalakay nila ang paglipat. Ang pagsunod sa utos ay nangahulugang pag-iwan sa ari-arian at, para sa ilang mga Banal, pamilya. Natanggap ni Joseph Smith ang Doktrina at mga Tipan 38 sa kumperensyang ito. (Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 120–27.)
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:1–7, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili.
Paano nakatulong sa mga Banal ang pag-unawa sa mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas upang magawa ang mga kinakailangang sakripisyo para magtipon?
Pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang mga Banal kapag nagtitipon sila sa Kanya
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:28–33, at alamin ang mga paraan na mapagpapala ang mga Banal sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Tagapagligtas na magtipon sa Ohio.
Paano pagpapalain ng Tagapagligtas ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa pagtitipon sa Ohio?
Ano ang ilang dahilan kung bakit iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tao na magtipon?
Ano ang ilang paraan na pinoprotektahan at espirituwal na pinalalakas tayo ng Tagapagligtas kapag sinusunod natin ang Kanyang utos na magtipon?
Ang Fayette Branch
Pinamunuan ni Lucy Mack Smith ang Fayette Branch. Naglakbay sila sakay ng barko sa Erie Canal at patawid sa Lake Erie. Pagdating nila sa lawa, naharangan ng makapal na yelo sa daungan ang kanilang paglalayag. Ang mga Banal na pinanghihinaan ng loob ay nilalamig at nagugutom, at nagsimula silang magtalu-talo. Sinabi ni Lucy sa kanila:
“Nasaan ang inyong pananampalataya? Nasaan ang inyong pananalig sa Diyos? Kung iaakyat ninyo ang inyong mga kahilingan sa langit, na sana ay mabitak ang yelong ito at makapaglayag tayo, kasingtiyak na buhay ang Diyos, mangyayari ito.”
Nang sandaling iyon nakarinig si Lucy ng ingay na parang sumasabog na kulog. Ang yelo na nasa daungan ay nabitak at nagkaroon ng sapat na espasyo upang makalayag ang barko sa pagitan nito. Nagpasalamat, sama-samang nagdasal ang mga Banal. Ligtas silang naglakbay patungong Kirtland, Ohio (Tingnan sa Mga Banal, 1:138–40).
Ang Colesville Branch
Pinamunuan ni Newel Knight ang Colesville Branch. Habang nasa malayo si Newel, natumba ang kanyang tiyang si Electa Peck at nabali ang kanyang balikat. Sinubukan ng isang surgeon na ibsan ang sakit na nadarama niya at sinabi nito na isang himala kung makakapaglakbay siya sa loob ng ilang linggo. Nanaginip si Electa na si Newel ay bumalik at ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanya at gumaling siya. Nang bumalik si Newel, narinig niya ang nangyari sa kanyang tiya at pinuntahan niya ito. Hiniling niya na basbasan siya ni Newel. Si Newel ay lumapit sa kama, inalis ang sakit sa pangalan ni Jesucristo, at iniutos na gumaling si Electa. Kinaumagahan bumangon si Electa, nagbihis, at nagpatuloy sa paglalakbay. (See Newel Knight, The Rise of the Latter-day Saints: The Journals and Histories of Newel Knight, ed. Michael Hubbard MacKay at William G. Hartley [2019], 32–33.)
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salaysay na ito tungkol sa kung paano tayo mapoprotektahan at espirituwal na mapalalakas ng Tagapagligtas kapag nagtitipon tayo sa Kanya?
Paano ka personal na napagpala dahil sa pagtanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na matipon sa Kanya?
Ang sarili nating pagtitipon
Sa iyong palagay, paano ka inaanyayahan ng Tagapagligtas na matipon sa Kanya?
Isinakripisyo ng mga Banal ang kanilang mga bukid upang sundin ang utos ng Panginoon na magtipon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:37). Anong mga sakripisyo ang iniuutos sa atin ng Panginoon para matanggap ang mga pagpapala ng pagtitipon?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na tutulong sa iyo na tanggapin ang Kanyang paanyaya na magtipon sa Kanya?