“Doktrina at mga Tipan 39–40: ‘Isang Dakilang Pagpapala na Hindi Mo Pa Nalalaman,’” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Seminary Teacher (2025)
“Doktrina at mga Tipan 37–40,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
Lesson 53: Doktrina at mga Tipan 37-40
Doktrina at mga Tipan 39–40
“Isang Dakilang Pagpapala na Hindi Mo Pa Nalalaman”
Si James Covel ay nagtrabaho bilang Methodist minister sa New York sa loob ng 40 taon. Nang marinig niya ang mensahe ng Pagpapanumbalik, nangako siyang susundin ang anumang utos na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Iniutos ng Tagapagligtas kay James na magpabinyag at magtipon kasama ng mga Banal sa Ohio at nangako sa kanya ng dakilang kapangyarihan kung gagawin at tutuparin niya ang mga sagradong tipan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng hangaring gumawa at tumupad ng mga tipan kay Jesucristo upang mas matamo ang Kanyang kapangyarihan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos
Basahin ang “Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin ang kahulugan ng mga tipan.
Ang tipan ay … sagradong pangako sa Diyos. Siya ang nagbibigay ng mga kondisyon. Maaaring piliin ng bawat tao na tanggapin ang mga kondisyong iyon. Kung tatanggapin ng isang tao ang mga kondisyon ng tipan at susundin ang batas ng Diyos, siya ay tatanggap ng mga pagpapalang nauugnay sa tipang iyon. (Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 86.)
-
Paano mo ilalarawan o bibigyang kahulugan ang tipan?
-
Anong mga tipan ang ginawa mo na sa Panginoon?
-
Paano naimpluwensyahan ng mga tipang ito ang iyong buhay?
Inaanyayahan ako ni Jesucristo na makipagtipan sa Kanya
Si James Covel ay isang Methodist minister. Nang malaman niya ang tungkol kay Propetang Joseph Smith, nangako si Covel sa Panginoon “na kanyang susundin ang alinmang kautusan na ibibigay sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph, ang Propeta” (Doktrina at mga Tipan 39, section heading).
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 39:1–9 at alamin ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na makahihikayat sa isang tao na makipagtipan sa Kanya.
-
Ano ang nalaman mo tungkol sa Tagapagligtas?
-
Ano ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas para matanggap ang Kanyang kapangyarihan?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 39:10–15 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay James Covel para makipagtipan sa Kanya.
-
Ano ang ipinangako ni Jesucristo kay James Covel kung gagawin niya ang tipang ito?
-
Paano naaangkop sa atin ngayon ang payo ng Panginoon kay James Covel?
-
Kailan mo nakita ang impluwensya ng Tagapagligtas sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo?
Takot, pag-uusig, at mga alalahanin ng sanlibutan
Si James Covel ay may malaking pamilya, mga kaibigan, at malapit na komunidad sa New York. Iniutos sa kanya ng Tagapagligtas na magpabinyag at lumipat kasama ng mga Banal sa Ohio. Ang pagsapi sa Simbahan ay magiging isang sakripisyo para kay James Covel.
Basahin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 40 gayundin ang talata 1–3, at alamin ang desisyong ginawa ni James Covel.
-
Paano maaaring maging dahilan ang “takot na mausig” (talata 2) sa isang tao para tanggihan o sirain ang kanilang mga tipan sa Diyos?
-
Ano ang ilan sa “mga alalahanin ng sanlibutan” (talata 2) na nagtutulak sa mga tao na tanggihan ang mga tipan sa Diyos sa panahon ngayon?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson o panoorin ang video na “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan” (18:31), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 4:21 hanggang 5:39. Habang nagbabasa o nanonood ka, alamin ang kapangyarihang ipinangako sa mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos:
Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay talagang nagpapadali sa buhay! Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. Pagnilayan sana ninyo ang kagila-gilalas na katotohanang iyon!
Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos. (Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96)
-
Ano ang pinakanapansin mo sa pahayag ni Pangulong Nelson?