Seminary
Lesson 54: I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: Doktrina at mga Tipan 20–40


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: Doktrina at mga Tipan 20-40,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 54: Doktrina at mga Tipan 37–40

I-assess ang Iyong Pagkatuto 3

Doktrina at mga Tipan 20–40

Nakatingin si Jesus sa batang nakaupo sa tabi Niya

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalala at masuri kung paano nakatulong sa kanilang espirituwal na pag-unlad ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pisikal at espirituwal na pag-unlad

Maaari kang magpakita ng mga larawan na paghahambingin na nagpapakita ng paglaki o paglago.

Upang masukat ang paglaki, pagbabago, at pag-unlad, madalas gumamit ang mga tao ng mga larawan para paghambingin ang mga ito.

  • Paano tayo matutulungan ng mga larawan ng ating sarili na matukoy ang mga paraan na maaaring nagbago o lumaki tayo?

  • Ano ang ilan pang paraan para makita ang ating paglaki o pag-unlad?

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan at talakayin ang espirituwal na pag-unlad, maaari kang magpakita ng larawan ni Jesus at ng isang bata, tulad ng nasa simula ng lesson na ito.

Isipin kung ano ang maaari mong sabihin sa isang bata tungkol sa kanyang potensyal na lumaki at maging higit na katulad ni Jesucristo.

  • Ano ang ilang paraan na makikita ng isang tao kung paano sila nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Lucas 2:52; tingnan din sa Alma 5:14.)

Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong mula sa Espiritu Santo habang pinagninilayan nila ang kanilang pag-unlad. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang journal ang ilan sa mga paraan na sa palagay nila ay nagiging higit na katulad sila ni Jesucristo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga katangian ng Tagapagligtas na natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Hikayatin ang mga estudyante na tingnan ang mga isinulat nila sa kanilang journal o ang mga banal na kasulatan na minarkahan nila tungkol sa Tagapagligtas nitong mga nakaraang linggo. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung alin sa mga katangian ni Jesucristo ang mas nakikita nila sa kanilang sarili (kahit sa maliliit na paraan).

Maaaring hindi nakikita ng ilang estudyante ang kanilang pag-unlad. Ipaalala sa mga estudyante na ang pag-unlad ay kadalasang mahirap makita, lalo na sa kanilang sarili, ngunit hindi ibig sabihin noon na hindi sila umuunlad. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng mga pagkakataong ipaliwanag ang layunin ng sakramento, pagnilayan ang kanilang mga hangaring sundin ang propeta, at rebyuhin ang kanilang mga plano na ibahagi ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng iyong klase ng Doktrina at mga Tipan 20–40 ay maaaring nakapagbigay-diin sa mga katotohanan na wala sa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaari mong iangkop ang mga aktibidad para maisama ang mga katotohanang iyon.

Ipaliwanag ang layunin ng sakramento

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang layunin ng sakramento. Para maihanda sila, maaari mo silang anyayahang rebyuhin ang natutuhan nila tungkol sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79; 27:1–2). Maaari din nilang balikan ang mga tala na maaaring naisulat nila sa kanilang study journal.

Maaari kang magbigay ng sitwasyong tulad ng sumusunod at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang layunin ng sakramento gamit ang isa sa mga sumusunod na paraan sa pagsagot: pagsasadula, paggawa ng infographic o presentation, o pagsusulat sa journal.

Inanyayahan ni Isaac ang isang kaibigan na sumama sa kanya sa simbahan sa araw ng Linggo. Dahil hindi pa nakakadalo ang kanyang kaibigan sa sacrament meeting, gustong ipaliwanag ni Isaac ang ilang mahahalagang detalye bago ang araw na iyon.

  • Sa iyong palagay, anong mga detalye ang dapat ibahagi ni Isaac tungkol sa ordenansa ng sakramento?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na prompt upang matulungan ang mga estudyante na maihanda ang kanilang isipan at hayaan silang magpatotoo.

Pumili ng dalawa o tatlong detalye tungkol sa ordenansa ng sakramento na maaari mong pagtuunan. Gumamit ng isa o mahigit pang mga banal na kasulatan para tulungan kang magpaliwanag at magpatotoo.

  • Mga panalanging sinasambit upang basbasan ang tinapay at tubig

  • Ang ipinapangako natin sa Ama sa Langit

  • Ang ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit

  • Ang mga pag-uugaling ipinapakita natin kapag tumatanggap ng sakramento

  • Ang pagtuon kay Jesucristo

  • Ang iyong mga personal na karanasan

Matapos sumagot ang mga estudyante sa sitwasyon, maaari mo silang anyayahang pagnilayan at ibahagi kung paano makatutulong sa kanila ang ordenansa ng sakramento na makita kung paano sila nagiging higit na katulad ni Jesucristo.

Makadama ng dagdag na hangaring sundin ang buhay na propeta

Sa mga nakaraang lesson, maaaring nagkaroon ang mga estudyante ng mga pagkakataong pag-aralan ang kahalagahan ng pagsunod sa propeta sa ating panahon. Ang aktibidad sa pag-aaral na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nakaimpluwensya ang hangarin nilang sundin ang buhay na propeta sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang sumusunod na self-assessment sa nakaraang lesson (tingnan ang lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 21).

Sa nakaraang lesson, inanyayahan kang isipin ang payo ng mga propeta at apostol na maaaring mahirap sundin para sa iyo. Subukan at alalahanin kung ano iyon. Maaari mong tingnan ang iyong study journal para makita ang isinulat mo.

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na tingnan ang kanilang study journal kung nagsulat sila rito.

  • Ano ang ilang banal na kasulatan na napag-aralan natin kamakailan na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagsunod sa propeta?

    Maaaring kabilang sa ilang banal na kasulatan na posibleng banggitin ng mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–35; Doktrina at mga Tipan 1:38–39; 21:4–6. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang nahanap nila. Ang pagbibigay-daan sa mga estudyante na gawin ito sa maliliit na grupo ay makatutulong na mas maraming estudyante ang makapagbahagi kung ano ang mahalaga sa kanila.

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong. Hayaang pumili ang mga estudyante ng sarili nilang mga paraan at pamamaraan para maisulat ang mga damdaming ito. Pagkatapos ng sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante upang magbahagi ng kanilang sagot. Bagama’t ang kasalukuyang damdamin ng mga estudyante tungkol sa pagsunod sa propeta ay maaaring hindi positibo, maaari mo silang hikayatin na kumilos ayon sa kahit pinakamaliliit na hangarin at hingin ang pagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga propeta.

  • Ano ang nadarama mo ngayon tungkol sa pagsunod sa piniling propeta ng Panginoon? Ano sa palagay mo ang lubos na nakaapekto sa iyong damdamin tungkol sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa propeta na maging higit na katulad ni Jesucristo?

Pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba

Tulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang natututuhan nila mula sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga partikular na bahagi o talata na pinagtuunan nila ng pansin sa pag-aaral nila. Maaaring kabilang dito ang Doktrina at mga Tipan 18 at bahagi 30–36.

Nagkaroon ang mga estudyante ng pagkakataong gumawa ng plano na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao nang pag-aralan nila ang “Doktrina at mga Tipan 30–36, Bahagi 2.” Maaari mong i-follow up ang planong ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod (maaari ding talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na ito sa maliliit na grupo):

  • Ano ang ginawa ninyo kamakailan upang ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Ano na ang nangyari dito?

  • Anong mga balakid ang naranasan ninyo nang sinubukan ninyong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa natural at normal na mga paraan?

  • Ano ang mga natutuhan ninyo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Talakayin sa klase ang iyong mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga bagay na naging maganda o mahirap sa kanila. Ang talakayang ito ay makapagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na tulungan ang isa’t isa na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila umunlad nang sikapin nilang kausapin ang iba tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.