Pinagpapala ng Ama sa Langit ang matatapat na miyembro ng Simbahan ng mga espirituwal na kaloob. Ang mga kaloob na ito ay nagtutulot sa atin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas at pagpalain ang mga nasa paligid natin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila habang natututuhan nila kung bakit Niya tayo binibiyayaan ng mga espirituwal na kaloob.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Katibayan ng pagmamahal ng Ama sa Langit
Mga Kaloob ng Espiritu
Ang mga pagpapala at kakayahang ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay tinatawag na mga espirituwal na kaloob.
Ano ang nalalaman mo tungkol sa mga espirituwal na kaloob at layunin ng mga ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang hangarin ng mga naunang miyembro ng Simbahan na tumanggap ng mga kaloob ng Espiritu, maaari mong basahin sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa Mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 127–29 (matatagpuan sa saints.ChurchofJesusChrist.org). Bilang alternatibo, maaari mong ibahagi ang sumusunod na buod.
Ang mga naunang nagbalik-loob sa Simbahan sa Kirtland ay sabik sa pangako na makatatanggap sila ng mga espirituwal na kaloob. Gayunpaman, hindi naunawaan ng ilan kung paano ipinaalam ang mga kaloob na ito.
Ilan sa mga Banal sa Kirtland ay ipinamumuhay ang kanilang mga paniniwala nang sobra-sobra, nagsasaya sa mga bagay na sa tingin nila ay mga kaloob ng Espiritu. Ilang tao ang nagsabi na nagkaroon sila ng mga pangitain na hindi nila maipaliwanag. Ang iba naman ay naniwala na hinimok sila ng Espiritu Santo na magpadalusdos o magpadulas sa lupa. Isang lalaki ang tumatalon sa mga silid o bumibitin mula sa mga suleras ng kisame tuwing sa tingin niya ay nadarama niya ang Espiritu. Ang isa naman ay kumilos tulad ng isang unggoy na malaki.
Nang makita nila ang pag-uugaling ito, ilan sa mga nagbalik-loob ay pinanghinaan ng loob at sinukuan ang bagong simbahan. (Mga Banal, 1:128–29)
Ano ang ilang tanong o maling pagkaunawa ang maaaring mayroon ang mga tao tungkol sa mga kaloob ng Espiritu sa ating panahon?
Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang sarili nilang mga tanong tungkol sa mga espirituwal na kaloob. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga turo na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang mga espirituwal na kaloob at kung paano naging katibayan ng pagmamahal ng Diyos ang mga kaloob na ito.
Inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa mga espirituwal na kaloob
Humingi si Propetang Joseph Smith ng patnubay mula sa langit kung paano tutulungan ang mga Banal sa Kirtland. Bilang bahagi ng paghahayag na natanggap ng Propeta, nagturo ang Panginoon ng mga alituntunin na tutulong sa mga Banal na hindi malinlang at tutulong sa kanila na maunawaan ang mga tunay na kaloob ng Espiritu.
Bakit nagbibigay ang Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob sa Kanyang mga anak?
Idispley ang naunang dalawang tanong upang matingnan ng mga estudyante habang nag-aaral sila. Maaari silang mag-aral nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Matapos nilang magkaroon ng sapat na oras upang mag-aral, sabihin sa kanila na talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong.
Bilang bahagi ng inyong talakayan, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Pinagpapala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak ng mga espirituwal na kaloob upang ang lahat ay makinabang.
Paano makatutulong sa atin ang kaalaman tungkol sa layunin ng mga espirituwal na kaloob para matukoy natin ang mga ito sa ating buhay?
Unawain pa ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob
Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 46, bigyan sila ng handout na may pamagat na “Ang mga Kaloob na ito ay Nagmumula sa Diyos.” Maaaring kumpletuhin ito ng mga estudyante nang mag-isa o sa maliit na grupo. Maaari ding makatulong na i-display ang mga sumusunod na kahulugan:
Malaman ang pagkakaiba-iba ng pangangasiwa (talata 15): Ang kaloob na ito ay makatutulong sa mga lider na matukoy ang mga espirituwal na kaloob ng iba at kung paano makatutulong ang mga ito sa iba’t ibang katungkulan sa paglilingkod.
Malaman ang iba’t ibang pamamalakad(talata 16): Ang kaloob na ito ay tumutulong sa mga tao na malaman kung ang isang turo o impluwensya ay nagmumula sa Diyos o sa iba pang source.
Kaloob na magpropesiya (talata 22): “Ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya” (Apocalipsis 19:10). Ang personal na paghahayag ang pinagmumulan ng patotoo, at ang patotoo ay nagbibigay ng kakayahan sa isang tao na magpropesiya o magpatotoo sa gawain ng Diyos.
Ang pagkilala ng mga espiritu (talata 23): Ito ay nagtutulot sa isang tao na mahiwatigan o maunawaan ang totoong intensyon at tagong mga layunin ng ibang tao. Ang kaloob na ito ay tumutulong sa isang tao na matuklasan ang mga itinatagong kasamaan at makita ang mabuti sa iba.
“Ang mga Kaloob na Ito ay Nagmumula sa Diyos”
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 46:13–26 at tukuyin ang iba’t ibang espirituwal na kaloob na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Upang mas maunawaan kung paano makikinabang ang mga anak ng Diyos sa mga kaloob na ito, itugma ang bawat talata sa angkop na sitwasyon.
Habang naglilingkod bilang president ng kanyang Young Women class, natukoy ni Michelle ang iba’t ibang lakas ng mga miyembro ng kanyang klase. Ang pagtukoy na ito ay nakatulong sa kanya na gumawa ng mga assignment na nagbigay-daan sa mga miyembro ng kanyang klase na mag-ambag at maglingkod sa makabuluhang mga paraan.
Habang nakikinig si Samantha sa mga patotoo ng iba, hindi siya sigurado na makakasama siya sa kanila sa pagsasabi na alam niyang totoo ang Simbahan. Ngunit ang pakikinig sa kanilang mga patotoo ay nagpaibayo ng kanyang paniniwala sa Tagapagligtas. Ang paniniwalang ito ay nagbibigay-inspirasyon sa kanya na patuloy na mamuhay nang tapat.
Inanyayahan si Lucy sa isang party. Bagama’t walang nagbigay sa kanya ng mga detalye, hindi siya mapalagay tungkol sa pagdalo. Magalang niyang tinanggihan ang paanyaya, at bagama’t mahirap, pakiramdam niya ay tama ang ginawa niya.
Tinulungan ng Panginoon ang maraming propeta na magpropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap, kabilang ang ministeryo ni Jesucristo (tingnan sa Isaias 7:14; 1 Nephi 11:27–28; Mosias 3:5–10).
Habang si Robert ay nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, palaging manalangin, at pag-aralan ang mga banal na kasulatan, nalaman niya na si Jesucristo ang kanyang Tagapagligtas.
Ang gawaing misyonero ay naging mahirap para kina Elder Vasquez at Elder Cox. Gayunpaman, determinado silang maglingkod nang may pananampalataya kay Jesucristo. Sa paglipas ng panahon, nakita nilang napapalambot ang mga puso at nagkakaroon ng mga himala sa buhay ng mga taong tinuturuan nila.
Kapag may sakit si Mark, alam niya na maaari siyang humingi sa kanyang ama ng basbas ng priesthood. Sa maraming pagkakataon, ang mga basbas na ito ay nagdulot sa kanya ng dagdag na kapayapaan at lakas.
Isang post sa social media ang naging dahilan para pagdudahan ng isa sa mga kaibigan ni Alice ang kanyang pananampalataya. Nang ibahagi niya ang post kay Alice, natukoy niya na ang impormasyon ay hindi tungkol sa Diyos.
Hiniling kay Judie na magturo sa kanyang Young Women class. Nang humingi siya ng tulong sa Ama sa Langit, nadama niya na ginabayan siya sa kanyang paghahanda at nakapagturo siya ng isang nakapagpapatibay na lesson.
Si Sister Erickson ay tinawag na magmisyon sa ibang bansa. Nang humingi siya ng tulong sa Diyos at nagsikap na matutuhan ang wika, nalaman niya na nauunawaan niya ang iba at naibabahagi niya ang kanyang patotoo nang mabisa.
Kapag natapos na ng mga estudyante ang aktibidad, ibahagi sa kanila ang mga sagot: 1e, 2b, 3a, 4h, 5i, 6g, 7f, 8d, 9c, 10j. Linawin kung kinakailangan.
Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano pinagpapala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu?
Ipaliwanag na maaaring matukoy ng mga estudyante na binibigyan sila ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob bukod pa sa nakalista sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maaari Niya silang pagkalooban ng pagtitiis sa isang mahirap na sitwasyon, kakayahang patawarin ang isang taong nakasakit sa kanilang damdamin, tapang sa oras ng pangangailangan, o mas malaking hangaring paglingkuran ang isang tao. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga karagdagang espirituwal na kaloob na matatamo natin at kung paano naging pagpapakita ang mga ito ng pagmamahal ng Diyos. Maaari mong ilista sa pisara ang ilan sa mga ito.
Ano ang ilang espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit?
Paano ka Niya napagpala sa pamamagitan ng mga espirituwal na kaloob ng iba?
Paano nakaapekto ang iyong karanasan sa mga espirituwal na kaloob sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit?