Lesson 81—Doktrina at mga Tipan 68:25–31: Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan
“Lesson 81—Doktrina at mga Tipan 68:25–31: Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 68:25–31,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo ay tumutulong sa paghahanda sa mga bata na harapin ang mga hamon at tukso sa buhay nang may pananampalataya sa Tagapagligtas. Ang mga magulang ay may natatanging potensyal na tulungan ang kanilang mga anak na matutuhan ang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang utos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo sa tahanan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tulong sa ating mortal na paglalakbay
Ano ang ilang bagay na ibinigay ng Ama sa Langit para tulungan tayong malaman ang tungkol sa Kanya at makayanan ang mga hamon sa buhay?
Paano ka napagpala ng alinman sa mga impluwensyang ito?
Sa iyong palagay, bakit maaaring makaimpluwensya ang mga magulang o tagapag-alaga sa pagtulong sa mga anak na harapin ang mga hamon ng mortalidad?
Maraming iba’t ibang sitwasyon sa pamilya. Ang ilang tao, tulad ni Nephi, ay isinilang sa mga magulang na nagsisikap na turuan sila na sundin ang Tagapagligtas (tingnan sa 1 Nephi 1:1). Ang ilan, tulad ni Pangulong Russell M. Nelson o nina Elder David A. Bednar at Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay lumaki sa isa o dalawang magulang na hindi miyembro ng Simbahan o hindi aktibong nagsisimba. Ang iba, tulad ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, ay maagang nawalan ng magulang sa kanilang buhay. Ang ilang kabataan ay lumaki nang malayo sa kanilang mga magulang, tulad ni Moises (tingnan sa Exodo 2:10) at Samuel (tingnan sa 1 Samuel 1:24–28). At ang iba pa, tulad nina Abraham at Limhi, ay may magulang na walang tigil sa paghahangad na gumawa ng masama (tingnan sa Abraham 1:1–17, 27; Mosias 7:9; 11:1–5).
Sa iyong scripture journal, ilarawan ang sitwasyon ng iyong pamilya. Pagnilayan ang natututuhan mo mula sa iyong mga karanasan sa pamilya. Maaari mong isama ang nadarama mo tungkol sa pagiging magulang sa hinaharap at kung paano mo gugustuhing maging magulang.
Ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak
Habang nagtitipon para sa isang kumperensya sa Ohio, apat na lalaki ang humingi ng payo sa Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Matapos magbigay ng ilang payo sa kalalakihang ito tungkol sa kanilang mga tungkulin, nagbigay ang Panginoon ng karagdagang pangkalahatang payo sa lahat ng pamilya na bahagi ng Sion.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:25–31, at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak.
Kung ang mga tao ay walang ebanghelyo sa kanilang tahanan, ano ang iba pang paraan na inilaan ng Panginoon para matutuhan nila ang mga alituntuning ito?
Sino ang nagturo sa iyo ng isa sa mga alituntunin sa mga talatang ito habang ikaw ay lumalaki? Naaalala mo pa ba noong tinuturuan ka nila nito? Kung oo, ano ang mga naaalala mo?
Paano naapektuhan ng mga alituntunin sa mga talatang ito ang iyong buhay, o paano makakaapekto ang mga ito?
Isang binatilyo ang may mga magulang na nagsisikap na maging halimbawa ng pagsunod sa Tagapagligtas, ngunit madalas siyang magreklamo kapag inaanyayahan siya ng kanyang mga magulang na mag-aral ng mga banal na kasulatan o manalangin bilang pamilya. Kadalasan ay binabalewala niya ang mga ito o naglalaro siya sa kanyang telepono kapag sinusubukan nilang payuhan siya.
Paano makatutulong sa kanya ang mga turo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 68:25–31 na maunawaan ang nadarama ng Panginoon sa pinagsisikapang gawin ng kanyang mga magulang?
Anong mga banal na kasulatan ang maaaring gumabay sa kanya na tumugon nang mas mabuti sa sitwasyon? (Ang ilang halimbawa ay Efeso 6:1–3; Mosias 4:14–15; at ang halimbawa ng Tagapagligtas sa edad na 12 sa Lucas 2:51–52.)
Ano ang ilang paraan na masusuportahan niya ang kanyang mga magulang? Paano magdudulot ng kaibhan sa kanyang pamilya ang mga kilos na ito?
Aktibidad B
Nagdiborsyo ang mga magulang ng isang dalagita. Hinahati niya ang kanyang oras sa kanilang dalawa. Pinagtatawanan ng kanyang ina ang Simbahan at hindi nito inaasahan na susundin ng kanyang anak ang mga turo ng ebanghelyo kapag nasa tahanan niya ito. Hinihikayat siya ng kanyang ama na ipamuhay ang ebanghelyo at aktibong dumalo sa mga aktibidad ng seminary, simbahan, at mga kabataan. Kung ikukumpara kapag kasama niya ang kanyang ina, pakiramdam niya ay mas mahigpit at mahirap ang buhay sa piling ng kanyang ama.
Ano ang ilang paraan na maigagalang ng dalagitang ito ang kanyang mga magulang habang sumusunod pa rin sa Panginoon?
Anong iba pang mga ideya, turo mula sa mga lider ng Simbahan, o mga karanasan ang maaaring makatulong sa kanya?
Aktibidad C
Isang binatilyo ang nakaranas ng matinding pagsubok sa kanyang kabataan at hindi na niya kasama ang kanyang mga magulang. Masakit para sa kanya na isipin ang mga ito.
Paano maaaring makatulong sa binatilyong ito na pag-isipan kung sinong ibang tao ang ipinadala ng Panginoon para magturo sa kanya ng mga alituntuning nakalista sa Doktrina at mga Tipan 68:25–31?
Para matapos ang aktibidad na ito, pumili ng isang alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 68:25–31 na iniutos ng Panginoon na ituro ng mga magulang, at pagkatapos ay maghanap ng isang talata sa mga banal na kasulatan na magagamit mo para maituro ang alituntuning iyon. Ibahagi kung paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga kabataan ngayon.