“Lesson 95—Doktrina at mga Tipan 84:33–44: Ang Sumpa at Tipan ng Priesthood,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 84:33–44,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Sa Doktrina at mga Tipan 84:20 , inilahad ng Tagapagligtas na “sa mga ordenansa [ng priesthood], ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.” Ang kapangyarihan ng priesthood na ito ay maaaring matamo ng lahat ng miyembro ng Simbahan na gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa binyag at sa templo. Sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44 , itinuro ng Tagapagligtas ang sumpa at tipan na nagtatakda sa paggamit ng Kanyang kapangyarihan ng priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa sumpa at tipan ng priesthood.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pinagpapala ng Ama sa Langit ang mga tumutupad sa tipan sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagguhit sa pisara ng isang landas na kumakatawan sa landas ng tipan. Maaari mong lagyan ng label na “pagsilang” ang simula ng landas at ng “buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit” ang dulo ng landas. Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at lagyan ng mga tipang ginagawa natin ang landas sa pamamagitan ng mga ordenansa na tulad ng binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa priesthood para sa kalalakihan, endowment, at pagbubuklod.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan na ang mga tipan ay mga pangako sa pagitan natin at ng Diyos, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod bago ibahagi ang pahayag sa ibaba ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ano ang ilan sa mga pangakong ginagawa natin sa Ama sa Langit kapag tinatanggap natin ang ordenansa ng binyag? (Tingnan sa Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:77–79 .)
Ano ang ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit kapag nagsisikap tayong sundin ang tipang ito?
Pag-aralan ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin ang pagpapalang ibinibigay ng Ama sa Langit sa mga gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya.
Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tumutupad sa mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. Pagnilayan sana ninyo ang kagila-gilalas na katotohanang iyon!
Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. (Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan ,” Liahona , Nob. 2022, 96)
Ang sumpa at tipan ng priesthood
Sa Doktrina at mga Tipan 84 , nagbigay si Jesucristo ng “paghahayag sa pagkasaserdote” kay Joseph Smith (tingnan sa section heading). Bilang bahagi ng paghahayag na ito, inilarawan Niya ang “sumpa at tipan” (talata 39–40 ) ng priesthood. (Ang sumpa ay isang taimtim na pangako.)
Sa iyong study journal, isulat ang “Sumpa at Tipan ng Priesthood” sa itaas ng isang pahina. Gumawa ng dalawang column sa ilalim ng heading na ito. Lagyan ng label na “Mga pangako ng Ama sa Langit” ang isang column at ng “Ating mga pangako” ang isa pang column.
Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang aktibidad sa pag-aaral sa ibaba nang mag-isa. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa maliliit na grupo ang nalaman nila.
Bilang alternatibo, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante, kung saan ang isang kapartner ay maghahanap ng mga pangako ng Ama sa Langit at ang isa naman ay maghahanap ng ating mga pangako. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang mga ito sa isa’t isa at isulat ang tinalakay nila sa kanilang study journal.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:33–44 . Maaari ninyong markahan sa isang paraan ang mga pangakong inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit na gawin at markahan sa ibang paraan ang pagpapalang ibinibigay Niya sa mga tumutupad sa kanilang mga tipan. Isulat ang nalaman ninyo sa mga kaukulang column sa inyong study journal.
Magandang pagkakataon ito para magsanay ang mga estudyante sa pagtukoy ng mga alituntunin. Maaari silang tumukoy ng iba’t ibang alituntunin. Maaari mong ipatukoy sa kanila ang mga alituntunin gamit ang mga pahayag na nagsisimula sa ipinapangako nating gawin at nagwawakas sa ipinapangakong gagawin ng Diyos. Halimbawa, maaaring mahanap ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin:
Kung tutuparin natin ang ating mga tungkulin at responsibilidad sa Simbahan, pababanalin tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at papanibaguhin Niya ang ating katawan.
Kung tapat nating tinatamo ang Aaronic at Melchizedek Priesthood at tinatanggap natin ang mga piniling tagapaglingkod ng Diyos, pagpapalain tayo ng Ama sa Langit ng lahat ng mayroon Siya.
Bigyan ang mga estudyante ng oras na mapanalanging pag-aralan ang mga pangakong pinakainteresado silang mas maunawaan. Maaaring magtulungan ang mga estudyante sa maliliit na grupo kasama ang iba pang estudyante na kapareho nila ng napiling pangako na pag-aaralan, o maaari silang mag-aral nang mag-isa.
Ang handout ay nagbibigay ng resources sa pag-aaral na makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang ilan sa mga pangako sa sumpa at tipan ng priesthood. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng handout na ito kung nais mo.
Kung interesado ang mga estudyante na pag-aralan ang isang parirala na hindi kasama sa handout, sabihin sa kanila na gawin ang lahat ng kanilang makakaya sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng tungkol sa kanilang piniling paksa o mga paksa gamit ang resources na tulad ng mga ito:
Sa pagsasalita tungkol sa pangako ng Ama sa Langit, ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Nakita ko ang katuparan ng pangakong iyon sa buhay ko mismo at sa buhay ng iba. Isang kaibigan ko ang naging mission president. Sinabi niya sa akin na pagkatapos ng bawat araw noong naglilingkod pa siya, na hindi pa siya nakakapanhik para matulog sa gabi ay iniisip na niya kung magkakaroon siya ng lakas para harapin ang bukas. At kinaumagahan, nakikita niyang nanunumbalik ang kanyang lakas at tatag ng kalooban. Nakita ninyo ito sa buhay ng matatandang propeta na tila nag-iibayo ang sigla sa tuwing tatayo sila para magpatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Pangako ito sa mga taong sumusulong nang may pananalig sa kanilang paglilingkod sa priesthood. (Henry B. Eyring, “Pananampalataya at ang Sumpa at Tipan ng Priesthood ,” Liahona , Mayo 2008, 62)
Ang pagiging tapat sa “pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito” (Doktrina at mga Tipan 84:33 ) ay kinapapalooban ng pagtatamo ng kapangyarihan at mga pagpapala na nagmumula sa pagtanggap sa mga ordenansa ng Aaronic at Melchizedek Priesthood at matapat na pagtupad sa mga kaugnay na tipan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na natatamo ng isang tao ang kaganapan ng priesthood “sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng utos at pagsunod sa lahat ng ordenansa ng bahay ng Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 491 ).
Para sa kalalakihan, kabilang din dito ang pagkakaroon ng priesthood na iginawad sa kanila at pagkaorden sa mga katungkulan sa priesthood.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa pagtupad natin sa ating mga tungkulin, dapat nating hangarin ang inspirasyon ng Espiritu sa paglutas ng mga problema sa mga paraang higit na makatutulong sa mga taong pinaglilingkuran natin. Mayroon tayong mga hanbuk ng tagubilin, at dapat sundin ang mga tuntunin ng mga ito. Ngunit sa loob ng framework na iyan ay naroon ang mahahalagang pagkakataong mag-isip, maging malikhain, at gamitin ang mga talento ng mga indibiduwal. Ang tagubilin na tuparin ang ating mga tungkulin ay hindi isang utos na dagdagan at gawing kumplikado ang mga ito. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugang pagpapalawak; kadalasan ang ibig sabihin nito ay pagpapasimple. (M. Russell Ballard, “O Be Wise ,” Liahona , Nob. 2006, 19)
Doktrina at mga Tipan 76:55–60 ; 81:6
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang kaalamang mayroon tayong Ama sa Langit at na si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak ay nangangahulugan na mas tumitingin tayo sa landas ng tipan kaysa sa kung saan lang tayo nakatayo ngayon. Ibig sabihin nito ay pinahahalagahan natin na tayo ay mga tagapagmana ng lahat ng mayroon ang Ama; ang mga kahariang di-mabilang ay Kanya at maaaring mapasaatin. Ipinangako ng Tagapagligtas, “Kung ikaw ay matapat hanggang sa huli ikaw ay magkakaroon ng putong ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan sa mga mansiyong aking inihanda sa bahay ng aking Ama.” (Ronald A. Rasband, “The Divine Destiny of His Daughters ” [BYU Women’s Conference, Abr. 30, 2021], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org )
Matapos ang sapat na oras na mag-aral, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa ka-partner o sa maliit na grupo ang natutuhan nila. Maaari mong gamitin ang mga prompt o tanong na tulad ng sumusunod upang makatulong sa talakayan:
Magbahagi ng isang halimbawa (mula sa mga banal na kasulatan o sa buhay ninyo) ng isang taong nakita ninyo na nagpapakita ng pagtupad sa pangakong pinili ninyo.
Sa pagtatapos ng klase, maaari mong ibahagi kung paano ka napagpala ng kapangyarihan ng priesthood nang sikapin mong tapat na tuparin ang mga tipang ginawa mo sa Ama sa Langit. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga pagkakataong magamit ang kapangyarihan ng priesthood na ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang anak.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
2:3
Itinuro ni Pangulong Nelson na ang kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng priesthood sa templo ay makatatanggap ng kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay.
Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon. (Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan ,” Liahona , Nob. 2019, 77)
Ipinaliwanag ni Sister Jean B. Bingham, dating Relief Society General President:
Bagama’t ang sumpa at tipan ng pagkasaserdote o priesthood na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 84 ay direktang nangungusap sa kalalakihan na inordena sa katungkulan sa priesthood, marami sa mga pangako at pagpapala na ibinigay doon ay angkop din sa kababaihan na tumutupad sa mga tipan. …
Mahalagang maunawaan ng kababaihan na tayo rin ay pagpapalain na tanggapin ang “lahat ng mayroon ang [ating] Ama” kapag tinanggap natin, o binigyang-pansin at pinakinggan, ang mga tagapaglingkod ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 84:38 ).
Hinihikayat ko kayong pag-aralan at alamin kung paano kayo pinagpapala at ang mga mahal ninyo sa buhay ng sumpa at tipan ng priesthood. Bawat babae na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipan at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos! (Jean B. Bingham, “The Oath and Covenant of the Priesthood Is Relevant to Women ,” Relief Society, ChurchofJesusChrist.org )
Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang sumusunod na kahulugan:
Minsan ay tinanong si Propetang Joseph Smith, “Brother Joseph, madalas mo kaming himukin na gampanan ang aming mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito?” Ito raw ang sagot niya, “Ang pagganap sa tungkulin ay pagturing dito nang may dignidad at pagpapahalaga, nang ang liwanag ng langit ay magningning sa nagsasagawa nito sa paningin ng ibang tao.” (Thomas S. Monson, “Ang Banal na Priesthood na Ipinagkatiwala sa Atin ,” Liahona , Mayo 2006, 56)
Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang isang magnifying glass o larawan ng isang tao na gumagamit o may hawak ng magnifying glass. Sabihin sa klase na talakayin kung paano makatutulong sa atin ang magnifying glass na maunawaan ang hangarin ng Tagapagligtas kung paano natin Siya paglilingkuran sa mga tungkulin at gawain. Maaari mong ipaliwanag na bukod pa sa nagagawa nitong maipakita nang mas malaki at mas malinaw ang mga bagay, ang isang magnifying glass ay nagagamit din para maitutok ang liwanag.
Maaari mong ibahagi ang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources.”
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:45–46 , at alamin kung ano ang itinuro sa atin ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang liwanag.
Kung makikinabang ang mga estudyante mula sa pag-unawa na ang sumpa at tipan ng priesthood ay nauugnay sa kapwa kababaihan at kalalakihan na tumutupad sa tipan, maaari mong ipapanood ang video na “The Oath and Covenant of the Priesthood Is Relevant to Women ” (mula sa time code na 01:48 hanggang 03:31). Tinalakay ni Sister Jean B. Bingham, dating Relief Society General President, ang sumpa at tipan ng priesthood kay Pangulong Russell M. Nelson.
3:31
President Russell M. Nelson and Jean B. Bingham, Relief Society General President, discuss the oath and covenant of the priesthood at the site in Pennsylvania where Joseph Smith lived.