Noong taglagas ng 1832, nagsimulang bumalik sa Kirtland, Ohio, ang mga misyonero, kabilang na sina Jared Carter at Stephen Burnett, mula sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo. Masayang panahon iyon nang magbigay-ulat ang mga elder tungkol sa paglilingkod sa Panginoon sa silangang Estados Unidos. Kalaunan ay marami ang tatanggap ng mga karagdagang tawag upang patuloy na maglingkod. Sa ating panahon, tayo ay makapaglilingkod rin sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagnanais na tulad ng kay Cristo na ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao sa mundo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang buong mundo
Saan naglilingkod ang mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo? Saang lugar sa iba’t ibang panig ng mundo ang walang mga missionary?
Paano maihahambing ang bilang sa buong mundo ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kabuuang populasyon ng mundo? Paano maihahambing ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa lugar ninyo sa kabuuang populasyon ng inyong lugar?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod:
Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbaik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat tao ay nararapat na malaman kung saan siya makasusumpong ng pag-asa at kapayapaan na “hindi maabot ng pag-iisip” [Filipos 4:7]. (Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 7)
Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang nadarama ng Diyos tungkol sa lahat ng Kanyang mga anak sa buong mundo. Ano ang hindi natatamasa ng maraming tao dahil hindi nila nalalaman ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan? Ano ang nalalaman mo at anong mga pagpapala ang naranasan mo na maaaring makapagdulot ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng ibang tao?
Ang mga kalagayan ng mundo
Ang Setyembre 1832 ay isang panahon ng kagalakan sa Kirtland matapos bumalik ang mga misyonero mula sa pagmimisyon at nag-ulat ng kanilang mga karanasan sa mga estado sa silangan ng Amerika. Sa panahong ito, nakatanggap si Joseph Smith ng mga tagubilin mula sa Panginoon. Ang ilan sa mga tagubiling ito ay tugon sa kalagayan at mga pangangailangan ng mundo.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:49–53, at maghanap ng mga salita at parirala na ginamit ng Panginoon upang ilarawan ang nararanasan ng mga tao sa mundo.
Binigyang-diin ng Panginoon na maging ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan ay nakararanas din ng antas ng kadiliman at kaparusahan sa panahong iyon.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:54–57 upang malaman kung ano ang nagdudulot ng kadiliman at kaparusahan sa mga miyembro ng Simbahan.
Ano ang nalaman ninyo?
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon at ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan?
Ano ang mga salitang makatutulong sa inyo na maunawaan ang nadarama ng Tagapagligtas para sa mga taong nasa kasalanan at kadiliman? Isipin kung ano ang pakiramdam na mahirapan sa kasalanan at kadiliman.
Paano makatutulong ang pag-unawa sa nadarama ng Panginoon?
Sa inyong palagay, paano matutulungan ng Aklat ni Mormon ang isang tao na madaig ang espirituwal na kadiliman?
Ang tinig ng Tagapagligtas
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:60–62, at alamin kung ano ang ipinagagawa ni Jesucristo sa mga taong ito. Makatutulong na malaman na ang “mga bagay na ito” sa talata 60 at ang “mga bagay na yaon” sa talata 61 ay tumutukoy sa inihayag ng Panginoon sa bahagi 84, na kinapapalooban ng pag-alaala sa Aklat ni Mormon.
Ano ang ipinagagawa ni Jesus sa kanila?
Anong mga pagpapala ang matatanggap nila sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang tagubilin?
Pumili ng isang taong makatutulong ninyo bilang “kompanyon sa mission” para sa natitirang bahagi ng lesson.
Pumili ng isang mission sa mundo kung saan nais ninyong maglingkod. (Kung nagsasalita ang mga tao ng ibang wika sa mission na inyong pinili, tingnan kung mabilis ninyong matututuhan kung paano batiin sa wikang iyon ang inyong kompanyon.)
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:64–73, at gumawa ng listahan ng mga pagpapalang nais ibigay ni Jesucristo sa lahat ng tatanggap sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Talakayin kung paano makatutulong sa isang tao ang bawat isa sa mga pagpapalang inilista ninyo para madaig niya ang kadiliman at pagkaalipin sa kasalanan.
Kung magbabahagi ka ng isang bagay tungkol kay Jesucristo sa isang taong hindi nakakikilala o sumusunod sa Kanya, ano ito?
Ang mga kaibigan ng Tagapagligtas
Pag-isipan sandali kung bakit napakaraming kabataang babae at lalaki ang handang tumanggap ng tawag mula sa Panginoon upang maging service o proselyting missionary.
Habang nag-iisip ang mga estudyante, maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi tungkol sa kakilala nila na nakatanggap kamakailan ng tawag na maglingkod mula sa Panginoon. Kung mayroon, maaari kang magbahagi ng isang social media post ng isang taong nagbabalita ng kanyang mission call sa pamilya at mga kaibigan. Tulungan ang mga estudyante na makita ang kagalakang maaaring dumating sa mga taong nais maglingkod sa Panginoon.
Anong mga bagay ang maaaring mahirap o nakakatakot tungkol sa paglilingkod sa Panginoon bilang isang missionary?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata kasama ang kanilang “kompanyon sa mission.” Maaari mo silang anyayahang pumili ng dalawa o tatlo sa mga turo ng Tagapagligtas na nagbibigay ng kumpiyansa sa mga taong nais ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng magkaka-partner ang kanilang natutuhan sa iba pang magkapartner na estudyante sa klase.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:77–88, at hanapin ang mga nakapanghihikayat na salita ng Panginoon sa mga taong maaaring kinakabahan sa pagtanggap ng tawag na maglingkod sa Kanya.
Maaari ka ring magbahagi ng mga nakapanghihikayat na salita mula sa mga lider ng Simbahan. (Tingnan sa “Karagdagang Resources.”)
Alin sa mga salita ng Panginoon ang pinakamahalaga para sa inyo?
Mula sa natutuhan ninyo sa araw na ito, sa inyong palagay, bakit ituturing ni Jesucristo bilang Kanyang mga kaibigan ang mga taong nangangaral ng Kanyang ebanghelyo? (tingnan sa talata 77).
Ano ang natutuhan ninyo sa araw na ito na nakatulong sa inyo na mas maunawaan ang nadarama ng Panginoon tungkol sa lahat ng tao sa mundo? Anong mga bagay ang maaaring ipinagagawa sa inyo ng Espiritu Santo dahil sa inyong natutuhan?