Seminary
Lesson 94—Doktrina at mga Tipan 84:1–32: “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”


“Lesson 94—Doktrina at mga Tipan 84:1–32: ‘Ang Kapangyarihan ng Kabanalan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 84:1–32,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 94: Doktrina at mga Tipan 84

Doktrina at mga Tipan 84:1–32

“Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”

mga ordenansa

Pagkauwi mula sa kanilang mga misyon, isang grupo ng mga elder ang nakipagpulong kay Propetang Joseph Smith. Habang sama-samang nagdarasal, ang Propeta ay nakatanggap ng paghahayag na nagbigay ng mga kabatiran tungkol sa “kapangyarihan ng kabanalan” (Doktrina at mga Tipan 84:20) na matatamo ng kababaihan at kalalakihan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagtanggap ng kapangyarihan ng kabanalan na ibinibigay ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga ordenansa ng priesthood.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga ordenansa ng priesthood

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang nadarama tungkol sa kanyang mga tanong at kung paano nila sasagutin ang mga ito.

Elder Neil L. Andersen

Sa mga paglalakbay ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nakakasalamuha ko ang mga kabataan sa buong mundo. Marami sa kanila ang nahihirapan sa mga tunay na alalahanin: “Tutulungan ba ako ng Diyos? Gagabayan ba Niya ang buhay ko? Paano ko matatanggap ang tulong, patnubay, at kapayapaang kailangan ko?” (Neil L. Andersen, “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 10)

  • Isipin ang mga pagkakataon sa inyong buhay kung saan kinailangan ninyo ng tulong, patnubay, at kapayapaan. Ano ang ginawa ninyo o maaari sanang ginawa ninyo upang hingin ang tulong at patnubay ng Diyos?

Basahin ang natitirang pahayag ni Elder Neil L. Andersen, at alamin ang isang bagay na ibinigay ng Diyos na tutulong sa atin.

Elder Neil L. Andersen

Mahal kong mga kabataan, tutulungan kayo ng Diyos, at handa Siyang pagpalain kayo. Bilang mapagmahal nating Ama, binigyan Niya tayo ng mga ordenansang nagpapadama sa atin ng Kanyang kapangyarihan sa ating buhay—ang kapangyarihan ng kabanalan. (Neil L. Andersen, “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2021, 10)

Maaaring hindi maisip ng mga estudyante kung paano makatutulong ang mga ordenansa sa kanilang buhay. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa mga ordenansa. Maaari mong ipakita ang sumusunod na self-assessment upang magawa ito:

Gamit ang scale na 1–5 (1 = mababa; 5 = mataas), paano mo ia-assess ang iyong kumpiyansa sa mga sumusunod na pahayag:

  • Alam ko ang mga ordenansa ng priesthood.

  • Batid ko kung paano pinagpala ng Diyos ang aking buhay sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

  • Kusa akong naghahanda para tanggapin ang susunod na ordenansa sa aking buhay.

Anyayahan ang mga estudyante na maging handa sa pagtanggap ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang bahagi 84 at matuto pa tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na maaaring dumating sa kanilang buhay sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

Ang templo at priesthood

Isipin kung paano mo maibabahagi sa mga estudyante ang sumusunod na impormasyon:

Noong Setyembre 1832, bumalik ang mga misyonero sa Kirtland, Ohio, matapos mangaral ng ebanghelyo sa silangang Estados Unidos. Sa muli nilang pagsasama-sama, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84. Sa paghahayag na ito, pinalawak ng Panginoon ang pagkakaunawa ng mga Banal tungkol sa priesthood. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:1–5, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na unahin ng mga Banal sa pagtatayo nila ng lunsod ng Bagong Jerusalem.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na sinimulan ng Panginoon ang paghahayag tungkol sa priesthood sa pamamagitan ng pagtuturo ng tungkol sa kahalagahan ng mga templo?

Kung hindi ito mababanggit ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na sa templo, isinasagawa ang mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa ating kaligtasan at kadakilaan.

Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na sa talata 6–18, ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang priesthood ay ipinagkaloob kay Adan at nagpatuloy hanggang sa panahon ni Moises. Ipinagkaloob din ni Jesucristo ang priesthood kay Aaron at sa kanyang mga inapo. Maaari mong ipaliwanag na ang Kanyang priesthood ay nagpapatuloy sa kasalukuyan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Lahat ng awtoridad ng priesthood, kabilang na ang kinakailangan upang maisagawa ang mga ordenansa sa templo, ay nagmumula kay Jesucristo.

Ang kapangyarihan ng kabanalan ay nakikita sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood

Maaaring isang magandang pagkakataon ito na itanong sa iyong mga estudyante kung ano ang ordenansa. Kung nahihirapan silang ipaliwanag ito, maaari mo silang anyayahan na gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang alamin ito. Tulungan silang maunawaan na ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawain o seremonya na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang ilang ordenansa ay kinakailangan para sa ating kadakilaan.

Maaari kang maglista ng mga ordenansa ng priesthood sa pisara, gaya ng binyag, sakramento, pagbibigay ng basbas para sa kapanatagan at payo, patriarchal blessing, kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo, endowment sa templo, at pagbubuklod sa templo.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:19–22, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga ordenansa.

icon ng doctrinal mastery Ang Doktrina at mga Tipan 84:20–22 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga ordenansa ng priesthood?

  • Ano ang mga tanong ninyo tungkol sa inyong binasa?

    Depende sa pagkakaunawa ng mga estudyante at sa kanilang mga tanong, maaari mong ibahagi ang ilan sa o lahat ng sumusunod:

  • “Ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo” ay tumutukoy sa awtoridad ng Melchizedek Priesthood na nangangasiwa sa mga ordenansa na kinakailangan para sa ating kaligtasan at kadakilaan.

  • “Ang mga hiwaga” ay “mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Ang “kapangyarihan ng kabanalan” ay tumutukoy sa kapangyarihang nagmumula sa Diyos upang tulungan tayo sa buhay na ito at ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan.

Tulungan ang mga estudyante na malaman na sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, matatanggap natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim pa ang kanilang pagkakaunawa sa katotohanang ito, anyayahan sila na pumili ng isa sa mga ordenansang nakalista sa pisara na nais pa nilang matutuhan. Bigyan sila ng oras na magsulat ng dalawa hanggang tatlong tanong tungkol sa ordenansang iyon. O maaari mong ipakita ang tatlong tanong na nakalista sa ibaba upang mapag-isipan nila.

  • Paano makapaghahanda ang isang tao sa pagtanggap ng ordenansang ito?

  • Sa inyong palagay, paano tayo tinutulungan ng ordenansa ng priesthood na ito na matanggap ang kapangyarihan ng kabanalan na tutulong sa atin sa buhay na ito?

  • Paano tayo matutulungan ng pagtanggap sa ordenansang ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang sources na itinalaga ng Diyos upang matutuhan pa ang tungkol sa ordenansa na napili nila at para sa mga sagot sa kanilang mga tanong. Maaari nila itong gawin nang mag-isa o kasama ang iba na pinili rin ang parehong ordenansa. Ang Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, ay nagbibigay ng makatutulong na impormasyon sa mga taong nais pag-aralan ang endowment sa templo (27.2) at pagbubuklod (27.3). Maaari din nilang pagnilayan ang mga personal na karanasan noong nakatulong sa kanila ang mga ordenansang natanggap nila upang madama ang kapangyarihan ng kabanalan sa kanilang buhay.

Pagkatapos ng sapat na oras, mag-anyaya ng mga indibiduwal o grupo upang ibahagi sa klase ang kanilang natutuhan.

Ang kahalagahan ng mga ordenansa

Upang matulungan ang mga estudyante na mapagnilayan ang kanilang natutuhan tungkol sa kahalagahan ng mga ordenansa ng priesthood, maaari mong ipasagot sa mga estudyante ang ilan o lahat ng sumusunod na tanong. Maaaring pumili ng tanong ang mga estudyante at ibahagi ang kanilang mga sagot sa isang kaklase.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kapangyarihan ng kabanalan at mga ordenansa ng priesthood?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagsisikap na magawa at matanggap ang mga ordenansang ito upang mas mapalapit ka kay Jesucristo?

  • Kailan mo nadama ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na iyong natanggap?

Maaari mong ibahagi ang iyong mga naiisip at nadarama tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na natanggap mo sa iyong buhay sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”